Kapangyarihan

2.1K 116 39
                                    

Nagising ako sa gitna ng aking panaginip. Naramdaman kong may umuuga sa akin. Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko si Jocelyn. Nakita ko ang nangangamba niyang titig sa akin. Tila may nais sambitin ang mga ito.

"Bakit mo ako ginising?" tanong ko sa kaniya.

"May kailangan kang malaman. Alam kong nag-iba ang ugali ko nitong nakaraang araw dahil kailangan kong mag-obserba. Noong una pa lang, naramdaman ko na may kakaiba kay Romelyn kaya nag-imbestiga ako. Lumayo ka na sa kaniya, Totoy. Pinaglalaruan ka lang niya. Kakampi niya si Sergio. Niloloko ka lang niya upang makasali sa siya sa grupo nila," mahina niyang sabi.

"Jocelyn, huwag ka ganiyan. Nagtitimpi lang ako sa'yo kaya hindi kita nasasaktan pero siguraduhin mong ito ang huling beses na sisiraan mo si Romelyn sa akin. Alam kong alam mo na gusto ko siya. Hindi ba puwedeng maging masaya ka na lang para sa akin? Hinding-hindi niya magagawa ang bagay na sinasabi mo."

"Maniwala ka, Totoy. Pakiusap. Ayaw kong masaktan ka. Layuan mo na siya habang maaga pa." 

Nakita ko ang sinseridad sa kaniya pero hindi pa rin ako maniniwala. Alam kong mabait si Romelyn at kahit kailan ay hindi niya magagawang manakit ng ibang tao para sa kaniyang sariling kapakanan.

"Tumigil ka na nga, Jocelyn! Wala akong pakialam sa mga kasinungalingan mo. Sawang-sawa na ako sa'yo. Akala ko ba hindi mo na ako kakausapin? Gawin mo na!" 

"P-Pero, Totoy"

Lumuluha siya. Ayaw ko siyang makitang umiiyak pero sa oras na ito, kailangan niyang matauhan. Hindi ko na nakikita si Jocelyn sa kaniya. Isa na siyang larawan ng babaeng puno ng kasinungalingan dulot ng impluwensiya ng mga makasalanang tao.

"Huwag mo na ako kakausapin. Ayoko nang marinig ang boses mo, puwede ba? Doon ka na sa mga kaibigan mong lalaki. Makipaglandian ka sa kanila. Kung lalandiin mo ako at nagseselos ka sa amin, tigilan mo na. Palibhasa nagahasa ka nang ilang beses kaya ka ganiyan."

Hindi na ako nagulat sa sampal niya. Patuloy na tumutulo ang luha sa kaniyang mukha. Gusto ko siyang yakapin at humingi ng patawad pero siya ang may kasalanan kung bakit ko iyon nagawa. 

"Huwag na huwag kang hihingi ng tulong kapag nasaktan ka, Totoy. Tandaan mo 'yan. Simula ngayon, wala na akong kilalang tao na kagaya mo," matigas niyang sabi.

Nagmadali siyang pumunta sa kaniyang kwarto.  

Hindi na ako nakatulog pagkatapos no'n. Tila ginugunita ako ng masasakit kong sinabi sa kaniya. Na kapag pumikit ako at natulog ay magiging bangungot ang mga ito.

Magkasabay kaming pumasok ni Romelyn sa paaralan. Pinahiram ni Ina ang uniporme ni Jocelyn sa kaniya. Bigla ko siyang naisip. Siguradong nagdurugo pa rin ang kaniyang puso dahil sa sinabi ko. Pinapangako ko na mamaya ay hihingi na ako ng patawad sa kaniya.

Habang naglalakad ay nakita ko na tila hindi mapakali si Romelyn. Parang kinakabahan. Madalas siyang natutulala kaya hindi ko makausap nang maayos. Iyon marahil ang epekto ng nangyari sa kaniya. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit pumapasok pa rin sa aking isipan ang sinabi ni Jocelyn. Alam kong hindi 'yon totoo pero bakit nararamdaman ko na may kakaibang mangyayari?

Dumaan ang ilang oras ng klase. Tahimik pa rin si Romelyn. Tinanong ni Sir Angelo kung kumusta ang kaniyang bakasyon ngunit alam kong hindi ito makakasagot nang maayos. Sinabi ko na lang na naging masaya ito at medyo pagod kaya siya tahimik at tulala. 

Hindi ko rin naririnig na sumasagot si Jocelyn. Ito ang unang pagkakataon na tahimik siya sa klase. Lagi lang itong nakatungo. Naaawa ako sa kaniyang kalagayan. Ngunit mapapatawad niya ba agad ako? Hindi ba't sinabi niya na kakalimutan na niya ang isang kagaya ko? Ayaw kong mangyari 'yon. Mahal ko si Jocelyn bilang isang kapatid at ayaw kong masira ang relasyon namin sa isa't-isa.

"Ang pag-ibig ay ang pinakamakapangyarihang elemento sa mundo. Ngunit kailangan ito ng pundasyon. Kailangan nito ng pagtitiwala. Kung wala ang mga ito, ang kapangyarihan ng pag-ibig ay unti-unting manghihina at hindi mo na lang namamalayan, bigla na lang ito nawawala."

Natamaan ako sa sinabi ng aming guro. Tama ba na hindi ko sinunod ang payo ni Jocelyn? Tama ba na hindi ako nagtiwala sa kaniya?

Dumating ang uwian at nakatatak pa rin sa aking isipan ang sinabi ni Sir Angelo. Paano nga kaya kung mawala na ang samahan namin ni Jocelyn? Siguradong hindi ko kakayanin ang bagay na iyon.

"T-Totoy, samahan mo muna ako sa likod ng paaralan. May titingnan lang ako," sabi ni Romelyn.

Bakit siya kinakabahan? Ano ang titingan niya sa likod? Siguro ay maglalabas lang siya ng kaniyang hinanakit. 

Pagkadating namin doon ay nagulat ako sa aking nasaksihan. Muli ko na namang nakita ang dahilan kung bakit nagpakamatay si Betong. Bigla akong nanggigil sa galit nang makita ko ang mukha ni Sergio at ang kaniyang mga kasama. 

"Kumusta, kaibigan. Ang tagal na nating hindi nagkita. Na-miss mo ba ako?" maangas na sabi ni Sergio.

"Hindi ka pa rin ba nagbabago hanggang ngayon? Ano naman ang ginagawa n'yo rito? Mas mabuti pang umalis na kayo bago ko kayo isumbong."

"Kalma lang, Totoy. Narito kami upang masaksihan ng bago naming miyembro ang kaniyang tagumpay. Hindi ko alam na napakagaling pala nito. Akalain mo, nauto ka agad. Ganito 'yan, wala akong maisip na ipagawa sa kaniya para makapasok. Sawa na ako sa pagpalo at pagbugbog sa magiging bagong miyembro. Sayang din ang kaniyang kagandahan kung gagawin ko iyon sa kaniya. Pero bigla kang pumasok sa isip ko kaya inutusan ko siya na palambutin ang puso mo, utuin at saktan. Palakpakan naman natin si Romelyn sa kaniyang kagalingan!" 

Pumalakpak ang kaniyang mga kasama. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Nagkamali lang ako ng rinig. Hindi ako niloko ni Romelyn. Siguro ay panaginip lang ito. Bakit hindi pa ako magising? Bangungot ba ito? 

"Nagulat ka ba?Ikaw naman kasi. Masyado kang uto-uto. Kung tutuusin nga, dapat magpasalamat ka pa sa amin dahil nakausap at nakasama mo si Romelyn."

"Hindi 'yan totoo. 'Di ba, Romelyn? Nagsisinungaling lang sila 'di ba?" nagmamakaawa kong sambit. 

"T-Totoy. Patawad. Totoo ang sinasabi nila."

Tumutulo ang luha niya. Bakit nila ito ginagawa sa akin? Bakit nila ako sinasaktan? Wala akong ginagawang kasalanan! Sa unang pagkakataon, nagkagusto ako. At malalaman kong niloloko niya lang pala ako? Ganito ba kasakit umasa?

Biglang dumilim ang aking paningin. Dali-dali kong sinuntok si Sergio sa mukha. Ilang beses. Gusto kong durugin ang lahat sa kaniya. 

Ngunit bigla akong hinila ng kaniyang mga kasama. Sinuntok nila ako. Napakarami nila. May sumisipa. May namamalo. Napakasakit ng ginagawa nila. Hindi ko na kaya.

Lumapit sa akin si Sergio.

"Matapang ka!" 

Isang suntok.

"Uto-uto ka kasi. Iyan ang napapala mo."

Isang sipa.

"Gago."

Isang dura sa mukha.

Unti-unti nang nanlalabo ang aking paningin. Bigla akong natumba. Narinig ko ang pag-alis nila Sergio. Iniwan nila akong duguan. At sa huli, nasilayan ko ang pagkaawa ng mga mata ni Romelyn. Habang papaalis, kasama ng kaniyang bagong grupo. 






TotoyWhere stories live. Discover now