"Norms," naalala kong sabi ni RJ. "Kaya lang naman kayo nagkakaganiyan dahil sa bagay na 'yon. Iniisip n'yo na mali ang ginagawa n'yo dahil mali ang tingin ng society sa mga magkapatid na magshota." Ngumiti siya. "Pero, news flash: Hindi kayo tunay na magkapatid. Hindi nga kayo magkaparehas ng apelyido, e. 'Di ba, hindi naman Gutierrez ang ginagamit ni Jocelyn? 'Yong apelyido pa rin ng totoo niyang tatay'?"

Umiiyak si Jocelyn. At alam kong hindi iyon dahil sa palabas. Commercial ang nasa T.V. ngayon.

"Bakit?" tanong ko.

Napatingin siya sa akin. "Anong bakit? Gago ka ba?"

"Hindi." Napatawa ako. "Itinatanong ko lang naman kung bakit ka umiiyak. Masama ba 'yon?"

"Oo. Masama kasi alam mo naman ang dahilan, alam mo kung sino ang may dahilan."

"Sorry," mahina kong sabi.

Pinunasan niya ang kaniyang luha. "Okay lang. As if naman na may magagawa ang sorry mo."

Niyakap ko siya. Naramdaman ko na muli siyang umiyak. Iyong pag-iyak na may halong sakit. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Sabihin ko bang mahal ko siya? Madali lang naman 'yon. Ang mahirap, 'yong pag-alam kung ano nga bang klaseng pagmamahal ang kaya kong ibigay.

"Bakit mo ba ako ginaganito, Totoy?" sabi ni Jocelyn. "Ang sama mo, alam mo 'yon? Minamahal lang naman kita, e. Pero, bakit ako nasasaktan?"

"Hindi mo naman kailangang masaktan. Puwede mo namang itigil ang pagmamahal sa akin kung gugustuhin mo."

"Pero, hindi iyon madali." Kumalas siya sa aming yakap. Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. "Hindi mo ba talaga ako kayang mahalin?"

Hindi ako sumagot. Nakipagtitigan ako sa kaniya nang ilang minuto. Muli na namang nabalot ang paligid ng katahimikan. Ngunit sa sandaling ito, naramdaman ko ang koneksiyon naming dalawa. At hindi ko namalayan, nakadampi na sa isa't isa ang aming mga labi.

Hindi ko namalayan na hinawakan ko ang kaniyang braso. Ang mayuming paghawak na iyon ay mas naging mapusok sa paglalakbay. Hinawakan ni Jocelyn ang aking batok. Ang kapusukan ay napunta na sa kaniyang dibdib. Naririnig ko ang maliit na boses sa aking utak na kailangan ko nang tumigil, ngunit, mas makapangyarihan ang pag-ibig. O kung pag-ibig nga ba itong maituturing?

Napaungol si Jocelyn sa aking ginagawa. Malakas ang tunog ng aming paghinga. Pumasok sa aking isipan ang imahe ni Teacher K. Ang kaniyang pang-aakit, ang kaniyang dahan-dahang paghuhubad. Ang mga butiki sa kisame. Napatingin ako sa itaas. Patay ang ilaw. Walang mga butiki. At doon ko napagtanto, hindi nga pala si Teacher K ang aking kaharap, kung hindi si Jocelyn, ang aking kapatid. Inialis ko ang aking kamay mula sa pagkakahawak sa kaniyang dibdib. Itinigil ko na ang aking paghalik.

"Sorry," hinihingal kong saad.

"Sorry rin." Muli na namang tumulo ang kaniyang luha. "Puta, bakit natin 'yon ginawa, Totoy?"

"Hindi ko alam, Jocelyn. Sorry talaga."

Tumayo siya. Iniayos ang kaniyang damit. "Susubukan kong pigilin ang nararamdaman ko," sabi niya. Pumunta na siya sa kuwarto nila ni Miraquel. At muli, narinig ko na naman ang nakabibinging katahimikan.

Tanghali na ako nagising kinabukasan. Nagulat ako nang nakita kong umiiyak si Ina. Ngayon ko lang siyang nakita na ganito.

"Bakit po?" nag-aalala kong sabi.

TotoyWhere stories live. Discover now