KABANATA 28

14.1K 500 14
                                    

Seth's P.O.V.

"Parang awa mo na Seth, nagbagong buhay na ako.  Matagal na akong kumalas sa mga gan'yang gawain. Patawarin mo na ako, matagal na naman 'yun!"

Si Berto.  Ang isa sa nga aso ni Auntie Valeria noon. Ito ang pinakamatanda at s'ya mismong lumapastangan at pumatay kay Mama.  Hindi ko ito pinakinggan.  Mas lalo ko lang pinihit at idiniin ang corkscrew na ibinaon ko sa ibabaw ng kanyang magkabilang hita. Naghihihiyaw ito sa sobrang sakit.

"Nababago ba ng matagal na panahon ang ginawa mong kahalayan sa aking ina? Kung ako sa 'yo, 'wag mo nang pahirapan ang sarili mo. Magsalita ka na kung ano ang  nalalaman mo."

"Seth." Humihingal na wika nito.  "Hindi ko alam kung bakit hinahanap mo pa ang labi ng iyong pamilya. Wala na sila, Seth. Wala na ang mga hinahanap m--"

Sinampiga ko muna s'ya nang malakas, bago ko ipinukpok ang handle ng aking revolver sa mukha n'ya.  Muli s'yang dumaing; lalong nagdugo ang kan'yang mukha.

"Maniwala ka, Seth." Pagtutuloy n'ya sa kabila ng pagkautal sa sakit ng katawang inaabot n'ya, "Kung ano man ang sinabi sa 'yo ni Dario tungkol sa pinaglalagakan ngayon ng mga buto ng iyong pamilya, hindi totoo 'yun. Wala na ang mga buto. At hindi rin nakalibing ang mga ito kahit saan. Maniwala ka, Seth."

"Kung matagal ka nang kumalas, paano mo nakilala si Dario?"

Hindi ito nakapagsalita. Mukhang nahuli ko kaagad ang hayup. Pinakamadali talagang mahuli ang mga matatandang tanga.

 Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza) 2016, All rights reserved.  

"Dahil ilang beses pa rin akong hinihikayat ni Valeria na magbalik."  Pagbasag n'ya sa sariling katahimikan. "At si Dario ang inuutusan n'ya para kausapin ako. Pero hindi na talaga, Seth. Mahigit sa isa't kalahating dekada na akong nagbagong-buhay. Kung pakakawalan mo ako nang buhay alang-alang sa mga anak ko at asawa, kalilimutan ko ang pangyayaring ito. Nangangako ako na hindi ko ito sasabihin sa kinauukulan, o maging kay Valeria."

"At bakit naman ako magtitiwala sa salita ng   dating aso ng demon'ya?"

"Hindi mo kailangang ipagkatiwala sa akin ang buhay mo, pero ako na ang nagsasabi sa 'yo.  Tungkol sa mga buto ng iyong mga magulang? Alam ko ang totoo.  At alam kong wala na sila at hindi mo na mahahagilap pa ang kanilang nga buto kahit saan ka magpunta para maghanap."

"Pa'no mo masasabing wala na, kung hindi ka na kaisa ngayon sa kanila?"

"Dahil ako mismo ang inutusan ni Valeria noon!  Wala na ang kanilang mga katawan, kasama ng lahat ng namatay bukod sa pamilya mo."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ipinasunog lahat ni Valeria ang nga bankay. Pagkatapos maabo'y ipinahakot n'ya ang mga ito at ipinalat sa dagat. Maniwala ka Seth. 'Yun talaga ang nangyari.  Kung gusto mong maghiganti sa sinapit n'yo, sige. Gawin mo!  Hindi naman kita masisisi eh. Talagang napakasakit ng ginawa namin sa 'yo.  Pero kung gusto mong gumanti, gumanti ka na lang. Patayin mo na kaming lahat para sa ikatatahimik ng iyong kalooban.  Pero isa lang ang paulit-ulit kong sasabihin sa 'yo.  Wala ka nang mababawing buto o bangkay. Ang mga abo nila ay nagkalat na sa dagat at hindi mo na mababawi pa."

"Nasaan ang ebidens'ya mo?"

"Wala akong ebidens'ya." An'ya, "Pero ano naman ang dahilan ko para magsinungaling?  Gusto ko na lamang linisin ang aking kunsens'ya at humingi ng tawad sa mga kasalanan kong nagawa noon, at magagawa ko lang 'to, kung hindi na kita hahayaan pang maghirap sa kahahanap sa wala."

"Hayup ka." Mahinang sambit ko kay Berto.

"Seth." Pagsusumamo nito.

"Wala ka man lang itinira, hayup ka!" Nagsimula na akong manginig sa galit.

"Nagpag-utusan lang ako, Seth. Patawarin mo na ako."

"Hindi ako santo para patawarin ka!" Dinukot ko ang laseta sa aking bulsa. "Matagal na rin naman akong kinalimutan ng Diyos kaya't hindi na rin mahalaga kung patawarin kita o hindi. Gagawin ko na lang ang gusto ko, na sa tingin ko'y katumbas ng ginawa mo." Habang bumabalik sa isipan ko kung anong kahayupan ang ginawa ni Berto sa aking ina.

Umiiyak ang Mama habang nilalapastangan s'ya.  At sa kabila ng kan'yang pagmamakaawa'y sinaksak pa rin s'ya ni Berto nang mahigit sa sampung ulit. Humahalakhak. Nagsasaya sa bawat pagtilamsik ng dugo ng aking kaawa-awang ina.

"Patay na ba 'yan?" Tanong ni Valeria habang sinisipa-sipa ang bangkay ng kan'yang sariling kapatid.

"Kung gusto mo siguraduhin ko eh."  Sagot ni Berto sa demonya kong tiya. Kumuha ito ng malaking tubong inihampas n'ya nang paulit-ulit sa ulo ng aking Mama. "Hayan, basag na ang bungo. Ewan ko na lang kung mabuhay pa 'yan.

"Seth, 'Wag! 'Wag! 'Wa--" Sampung saksak, at karagdagang isa sa bawat taong lumipas na nabuhay s'ya at nakalaya. Sinapol ko ang kan'yang dibdib hanggang sa halos mabutas na ito.

"Mama..." Tumatangis na bulong ko, matapos kong wasakin ang dibdib ni Berto. Nagbago man kasi ito'y hindi naman nabago na s'ya ang nagpahirap at walang awang pumaslang sa aking ina.

Napaluhod ako sa pag-iyak; umaasang mawawala ang sakit na idinulot ng ginawa ni Berto sa buhay ko.

***

Siguro nga'y sadyang huminto ang mundo ko simula ng mangyari ang lahat.  Lumaki lang ako at tumangkad. Nagmukhang bente siyete tulad ng aking mga kaedad. Ngunit ang puso ko't kaluluwa'y nananatili pa ring isang batang paslit; umiiyak, nalulungkot at nagdaramdam sa kaliit-liitang sakit. Umaasang nariyan pa rin si Mama para yakapin ako at gamutin ang aking mga sugat, ang aking mga kapatid para ako'y pasayahin at ang Papa para ako'y protektahan.

Pero ano nga ba ang silbi ng umasa pa, kung wala na naman talaga akong aasahan? Wala na sila...at pati pala kanilang mga labi ay hindi ko na mababawi pa. Ano pa ang silbi ng buhay at kaluluwa kong sadlak na sadlak na sa dilim at walang katapusang panimdim?

Mas mabuti pa ngang mamatay na rin ako, tulad nila. Bagama't hindi hangga't hindi pa nagiging malamig na bangkay si Valeria, pati na rin ang kan'yang asawa at oportunistang mga anak.

Mas mabuti pa ngang mawala na rin ako sa katapusan ng paghihiganti ko, dahil hindi na rin naman ako matatahimik at sasaya kung magpapatuloy pa ako.

Wala na rin naman akong babawiin kaya't marapat na tapusin ko na lang ang lahat...

Para matapos na ang aking paghihirap, at walang katapusang pighating dulot ng matinding poot at pagdaramdam. 

Hindi naman kawalan sa mundo ang isang tulad ko.  Wala rin namang iiyak kung mawala man ako.

[Itutuloy]



Tenebris AnimaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon