Sa Iyong Paglisan

123 1 0
                                    

Siyam na buwan kitang dala-dala,
Sa sinapupunan ko'y labis akong natuwa.
Hinihintay na ika'y lumabas na,
Nang masilayan mo ang ngiti namin sa mukha.

Noong araw na isilang ka,
Napaiyak mo ang iyong ama.
Labis-labis ang kanyang sigla,
Sapagkat ika'y tangan-tangan niya.

Labindalawang taon ang dumaan,
Kahit salat sa pera, masaya ka naman.
Kahit puyat kami sa lansangan,
Isang ngiti mo lang, sa ami'y kasiyahan.

Nguni't bakit biglang ugali mo'y nagbago?
Kaliwa't kanan mo kaming sinusungitan.
Kapag hindi ka pinagbibigyan,
Kami ay iyong nilalayasan.

Saan ba kami nagkulang?
Sa salapi ba o pagmamahal?
Sa luho mong ayaw ka naming pagbigyan?
O sa bisyo mong naging iyong libangan?

Ilang araw kang hindi umuwi.
Ilang gabi akong humihikbi.
Ama mo'y labis na nagdadalamhati.
Nananalanging sakit sa puso'y mapawi.

Kung maisipan mo mang bumalik,
Kami'y naghihintay at sabik na sabik.
Mahagkan ka at muling manumbalik,
Ang pagmamahalang kami'y nananabik.

Mahal naming anak, ika'y umuwi.
Naghihintay kami sa iyong pagbabalik.
Nang saya sa puso'y muling tumibok,
At tuluyang mapalis ang lungkot at walang imik.

Tula-La #Wattys2016Onde histórias criam vida. Descubra agora