Nang matapos na siya ay nakita ko na binuksan niya ang 'Facebook'. Naririnig ko ito sa marami ngunit kahit isang beses ay hindi ko pa nakikita. Ayaw kong magkaroon ng ganoon dahil marami akong nababalita na masamang nangyayari.

"Jocelyn Gutierrez ang pangalan mo sa Facebook. Ano'ng gusto mong profile picture?" tanong ni Miraquel sa nakangiting si Jocelyn.

"Artista na lang muna. Ilagay mo si Julia Montes. Kamukha ko naman iyon."

"Ang kapal naman! Mas kamukha ko kaya siya." 

Habang nagkakasiyahan ang dalawa ay tumingin ako sa paligid.

Mayroong mga batang naglalaro. Kung hindi ako nagkakamali, DOTA ang nilalaro nila. Maraming nagmumurahan at nagsisigawan. Ang iba naman ay gumagamit lang din ng Facebook. Ang iba ay gumagawa ng takdang-aralin. Walang pakialam ang kahera. Nakikinig lang siya ng musika at tila may pinapanood.

"Naiinip ka na, Totoy? Gusto mo rin magkaroon ng FB? Ang ganda. Friend ko na 'yong mga kaklase natin. Iba pala ang mukha ni Allana sa computer. Ang puti ng mukha niya," natatawang sabi ni Jocelyn habang nilalait ang babae naming kaklase na mataray. 

"Malamang. Naka-ilang patong 'yan ng filter. Todo edit kaya 'yan sa mga pictures niya," mataray na sagot ni Miraquel.

"Hindi na. Umuwi na tayo, Jocelyn. Baka pagalitan tayo ni Ama."

"Kahit kailan KJ ka talaga. Jocelyn, hindi kayo uuwi hanggang hindi pumapayag si Totoy na magpagawa ng Facebook," matigas na sambit ni Miraquel.

Gusto ko siyang sigawan ngunit dahil ayaw ko ng gulo, pumayag na ako sa sinabi niya. Tuwang-tuwa namang sumigaw ang dalawa.

"Anong gusto mong pangalan, Totoy? Ang korni naman kasi ng palayaw mo. Totoong pangalan na lang." 

"Ayaw ko talaga. Ibahin mo na lang," walang gana kong sabi.

"Dahil masungit ka, Boy Sungit na lang ang ilalagay ko. O baka naman, Boxcz Sunqit ang gusto mo?" tanong niya sa akin habang tinitipa ang mga pangalan na sinasambit niya.

"Ano bang mga pangalan 'yan? Huwag ganiyan," naiirita kong sagot.

"Julius na lang kaya? Kamukha mo naman si Sir Julius, e," suhestiyon ni Jocelyn.

Bigla kong naalala si Tito. Matagal na rin kami nang huli kaming nag-usap. Nagbakasyon kasi siya sa probinsiya upang magnilay-nilay. Minsan ay ginugunita ko ang aming usapan kaya nalulungkot ako.

"S-Sige."

"Julius Gutierrez ang pangalan mo. Ano'ng DP ang gusto mong ilagay?"

"DP?" nagtataka kong tanong.

"Doding Pagong, Totoy. Nakakainis naman. Hindi naman ikaw tagabundok pero hindi mo 'yon alam? Display Picture 'yon. Iyon ang lalabas na mukha mo sa internet," dahan-dahan niyang sabi na tila isa akong mangmang. 

Hindi ko alam kung anong nagustuhan ni Jocelyn sa ugali niya. Naiinis ako sa mga pananalita niya. Hindi niya man lang naisip na nakakairita siya. Mas gugustuhin ko pang manahimik na lang sa isang tabi kaysa makausap at makasama ang isang kagaya niya.

"Ikaw bahala. Ikaw ang gumagawa, e."

"Suplado! Itim na lang ang ilalagay ko. Bitter ka kasi," mataray niyang tugon.

Natawa na lang si Jocelyn sa aming pag-uusap. 

"Ang cute n'yo. Baka mamaya, kayo ang magkatuluyan. Nakakakilig," sabi ni Jocelyn.

"Tumigil ka nga! Nakakadiri!" sabay naming sambit ni Miraquel.

"Grabe naman. Sige tatahimik na,"  sabi ni Jocelyn.

"Kapag maalam na kayo sa Facebook, tuturuan ko kayo magpalit ng password. Dapat kayo lang ang nakakaalam no'n. Kapag may nakaalam na iba, puwede nitong sirain ang dignidad n'yo," seryosong sabi ni Miraquel.

"Oo na. Tara, Jocelyn. Gabi na," walang emosyon kong sabi.

"S-Sige. Bye, Miraquel. Video tayo bukas, ha."

Kinuha na namin ang aming takdang-aralin at iniwan si Miraquel sa loob ng computer shop.

Habang naglalakad kami papauwi ni Jocelyn ay may nakita kaming nagkakagulo. 

Nagwawala si Mang Ismael, ang ama ni Miraquel. Hawak nito ang isang itak habang lumuluha. Ito ang unang pagkakataon na makita ko siyang ganoon. Nag-away na naman ba sila ng asawa niya?









TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon