1

2 0 0
                                    

Nanlulumong napaluhod sa gilid ng daan si Cyan. Hindi niya alintana ang dalang bag na nalaglag na rin sa mainit na semento mula sa kanyang pawisang palad.

Nagkakagulo ang mga tao sa paligid dahil sa nasusunog ang bahay nila!

Hindi magkaugaga ang mga kalalakihan para apulahin ang mataas na apoy na tumutupok sa pangalawang palapag ng bahay nila.

Magkakahilera ang mga kalalakihan mula sa pinakamalapit na poso hanggang sa makarating ang pasan na isang timbang tubig na iniaabot naman sa mga kalalakihan na nasa bubong ng kapit bahay.

"Nakita niyo ho si tatay? Nakalabas ba sila sa bahay namin?" Hinila ni Cyan ang duster ng isang babaeng tumatakbo rin.

"Hindi 'ko alam! Wala akong alam sa sunog na iyan!" Naghihisteryang turan ng babae.

Napakunot-noo si Cyan. Baka nakita ng babae kung paano nagsimula ang sunog sa bahay nila!

Hinabol niya ang may edad na babae ngunit hindi na niya iyon makita dahil kanya kanyang buhat na rin ng gamit ang mga kapit bahay nila--sa pag-aalala na baka madamay rin ang bahay ng mga ito!

Nanlalambot na tumayo si Cyan mula sa pagkakaluhod sa mainit na semento. Wala sa loob na dinampot niya ang dalang hand bag saka mabagal na naglakad palapit sa nasusunog pa ring bahay nila.

"Tatay! Magenta!"

Paulit-ulit siyang sumisigaw hanggang sa malawan na siya ng boses. Ngunit walang sumasagot sa kanya.

Walang nagawa ang dalaga kundi tahimik na lumuha sa isang tabi.

May lalaking umakay sa kanya palayo sa harapan ng bahay nila. Hindi na tumanggi si Cyan dahil wala rin siyang lakas para gawin iyon.

"Paparating na ang bumbero, uminom ka muna ng tubig."

Inabot ni Cyan ang tubig galing sa kamay ng lalaki. Hilam ang mga mata niya sa luha kaya kahit pilit niyang inaaninag ang itsura ng lalaki ay hindi niya makita ang buong mukha nito.

Masaya pa siyang umalis ng bahay kaninang umaga dahil kailangan niyang pumasok sa munisipyo. Isa siyang clerk roon sa bayan nila. Nakapasok siya ng trabaho roon dahil dati siyang Sangguniang Kabataan Chairman sa lugar nila--pribilehiyo iyon na kakaunti lang ang nakakaalam at piling tao lang ang nakakapagtrabaho sa munisipyo.

Ang tatay Azure o mas kilala sa tawag na Toto ay dating kapitan sa baranggay Maalwan. Sa tatlong terminong panunungkulan nito ay nasa partido siya ng gobernador sa lugar nila-- si Giovan Guillermo, ang isa sa pinakamakapangyarihang pamilya ng mga politiko sa lugar nilang Pinagpala Municipality of Neuvo Coriño.

Kilalang nag-aagawan sa pulitikal na posisyon ang Guillermo at Patrimoño sa buong lalawigan. At dahil ang pamilya nila--ang mga Laviña--ay malakas ang kapit sa mga tao, ang tatay niya ang napiling lumaban na konsehal ng bayan. Ang alam ni Cyan ay tumanggi ang tatay niya sa posisyon. Mas pinili nitong bumalik sa tahimik na buhay nila sa bukid.

"Anak! Anak!" Humahangos na niyakap ni Azure si Cyan.

"Tatay! Kanina 'ko pa kayo hinahanap! Mabuti at ligtas na kayo!"

"Nakitawag ako sa tiya mo doon sa kabilang baranggay. Ang sabi naman sa'kin ay nakauwi ka na!"

Nagpahid ng luha si Cyan. "Salamat sa diyos at ligtas kayo. Si Magenta, 'tay?"

"Pagkaalis mo'y umalis na rin ang kapatid mo. Ang paalam ay mag-aapply ng trabaho. Hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik."

Malungkot na tinitigan ni Azure ang bahay nila. "Hindi talaga natin malalaman ang kapangyarihan ng mga nakaupo sa posisyon hanggang sa may mangyaring trahedya."

"Ano'ng ibig mong sabihin, 'tay? May natatanggap kang death threats?! Bakit hindi niyo sinabi sa akin? Para sana'y nakapag-report man lang sa pulis--"

Hinarap siya ng ama. "Gusto ni Giovan na magpakasal si Magenta sa panganay niyang anak na lalaki. Hindi ako pumayag dahil gusto 'kong malaya kayong makapili ng asawa ng kapatid mo. " Malungkot na umiling si Azure bago muling nagsalita. "Ayokong ipilit ang isang bagay lalo na habang-buhay ang pag-aasawa."

"Tinanong nyo na ho ba si Magenta? Ano'ng sabi niya?"

"Bigla akong iniwan ng kapatid mo sa gitna ng pag-aani noong isang araw no'ng sinabi 'ko iyon. Alam 'kong tutol rin ang kapatid mo. At ikaw, alam 'kong may itinatanggi kang lalaki, hindi mo lang masabi o maipakilala sa'kin--"

"Tatay, kaka-graduate 'ko lang ho. Hindi pa ako pwedeng mag-asawa o mag-boyfriend!"

Natawa si Azure. "Hindi 'ko naman kayo pinagbabawalan sa bagay na iyan. Matatanda na kayo. Ang sa'akin lang, sana man pang ay maipakilala n'yo sa'kin at ng makilatis 'ko--"

Mapait na ngumiti si Cyan. "Hindi na ho kailangan, tatay. Hindi ko naman ho sinagot iyon. Mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Pa'no na ang bahay natin, 'tay?"

"Ipagbibili 'ko na ang bukid pagkatapos makapag ani ng palay at mais. Ititira 'ko ang taniman ng mani at mga gulay para may maiwan naman akong pamana sa inyong dalawa. Ang mapagbibilhan ay ipagpapatayo natin ng bahay."

Tumango tango si Cyan.

Maya-maya pa ay naapula na rin ang apoy. Walang natira sa buong bahay kundi ang kakapiranggot na sementadong pader na balangkas ng bahay nila.

Pansamantalang pinatuloy sila Cyan at Azure ng kapit-bahay nila. Saktong may handaan sa bahay na iyon kaya pinakain rin ang lahat ng tumulong sa pag-apula ng sunog sa bahay nila.

"Maraming salamat sa lahat ng tumulong sa amin. Hindi 'ko makakalimutan ang kabutihang loob na ipinamalas ninyo sa amin." Naluluhang pahayag ni Azure sa gitna ng pagkain ng lahat.

"Walang anuman, kapitan!"

"Wala iyon, ka-Toto! Sa dami ng naitulong niyo sa amin..."

"Baka may sumunog sa bahay niyo? Hindi ba ay tumanggi ka sa posisyong inaalok ni gobernador?"

"Hindi naman siguro dahil doon!"

"Paano mo naman nasabi iyan?"

"Gano'n na ba kawalanghiya ang mga nasa posisyon sa panahon ngayon?"

"Ginagawa nila iyon para mapasunod ka sa gusto nila. Mga manipulador!"

Tumatak sa isip ni Cyan ang mga naging komento ng mga kabaranggay nila.

Posible kayang totoo ang ibinibintang ng mga tao sa kasalukuyang gobernador?

Paano naman nila nasabing ito ang may sala?

Konektado kaya iyon sa proposisyon ng gobernador na dapat magpakasal ang isa sa kanila ni Magenta sa anak nito?

"Anak, 'wag mo ng isipin ang kung anumang narinig mo kanina. Maaga pa ang pasok mo bukas."

"Pero kasi tatay--"

"Nakakahiya sa kapitbahay nating nagmagandang loob na patulugin tayo kung makikitang gising ka pa."

"Wala akong isusuot na damit--"

"Nagpadala na ang tiya Tiffany mo ng damit. Tutal ay magkasukat naman kayo ng katawan ng anak niya, kaya matulog ka na."

Muling nahiga sa banig si Cyan. Inabala na lang niya ang sarili sa pagtitig sa liwanag ng buwan na tumatagos sa dingding ng maliit na kubo na pinagtuluyan niya.

Hindi na alam ng dalaga kung anong oras na siya nakatulog.

Wedding Disaster: Cyan And GiovanniKde žijí příběhy. Začni objevovat