Chapter 20

150 12 0
                                    

Binaba ni Levi ang bintana ng sasakyan paglabas ko at ngumuso, nanghihingi ng kiss. Malalim naman na ang gabi at halos wala na ring tao sa labas. I leaned closer to the window, and give him the peck that he wanted. Bago niya pa iyon mapalalim ay humakbang na ako palayo at hindi na lumingon pa sa Aston Martin, nagdire-diretso na lang papasok sa looban.

Habang papaakyat sa hagdan bago tuluyang marating ang front door. Bumukas ang pinto. Alam ko naman na walang pasok si Sora kaya hindi ako nabigla hanggang sa makita ko kung sino ang nakatayo sa may hamba.

"M-Mama." Mataman niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa.

"Lumuwas ka po pala. Hindi ka nagsabi. Sana ay nag-abiso ka."

"Bakit kailangan ko pang mag-abiso sa iyo? Ayaw mo bang nandito ako, Celeste?"

"Hindi po sa ganoon. Para lang sana nasundo kita."

"Ano namang ipangsusundo mo sa akin? May sasakyan ka ba? Binigyan ka na ng sasakyan ng anak ni Leon? O susunduin mo ako kasama siya?"

Bumalik na si Mama sa sala. Malalim akong napabuntong-hininga at ilang segundo pang naghintay sa may hagdan. Kumukuha ng lakas ng loob bago siya harapin ulit.

"Posturang-postura ka. Nakipag-date ka kay Levi?" She asked.

Binaklas ko ang takong mula sa paa at iniwan yon sa ibabaw ng shoe stand.

"Anniversary po ng Angkong at Ahma niya."

"Date ka niya?" Umayos nang upo si Mama. Tila nawala ang init ng ulo. Ngumiti ito sa akin at tinapik ang space sa sofa para paupuin ako roon.

"Ipinakilala ka na ni Levi sa pamilya niya Celeste?"

"Iyon po dapat ang plano. Kaso masiyadong maraming tao roon sa party kaya hindi na rin nangyari, pero nakita ko po ang Ahma niya."

"Ano-ano? Anong sinabi sa iyo ng Ahma ni Levi? Nagustuhan ka niya, o, tulad ko noon ay ayaw niya rin sa iyo?"

"Wala naman siyang nabanggit. Ang sabi niya lang hawig daw ako ng mga Ang." Mas hinarap ko si Mama.

"Nautusan kasi ako ng boss ko kaya napunta ako sa death anniversary para sa unica hija ng mga Ang. Tapos iyong Ahma ni Ma'am Felicity. Tinawag akong Astrid." Natatawa na lang ako kapag naalala ko iyon.

"Pinipilit niya na ako raw si Astrid, pero sabi naman ni Ma'am Felicity—" Naputol na ang kinukuwento kay Mama nang lumagapak ang palad nito sa pisngi ko. Hawak ang pisngi, nangingilid ang mga luha at nanlalaki ang mata sa gulat na tiningnan ko siya.

Mabunganga si Mama noon pa man, pero hindi niya ako napagbuhatan ng kamay. Ngayon pa lang.

"Ayan ang pinagkakaabalahan mo sa tatlong buwan mo rito, Celeste? Ang mapalapit sa mga Ang? Tanga ka ba? Hindi ba't ang mga Yuchengco ang utos ko sa iyong dapat tina-target mo?"

"Tita Beatrice!"

Dinuro ni Mama si Sora, "Huwag mo kaming pakikialamanan."

"O, ano dahil nasasabihan ka na puwede kang kapamilya ng mga Ang. Naniniwala ka na? Nag-a-assume ka na baka puwedeng ikaw nga iyong Astrid?" Aambahan na naman sana ako ni Mama ng sampal nang pumagitna na si Sora kaya tumigil ito.

"Kung hindi mo pala kayang gawin iyong pinangako mo sa akin na ibabagsak mo ang mga Yuchengco. Bumalik ka na lang sa Ilocos."

"Nag-propose na sa akin si Levi, Mama. Sagot ko na lang ang hinihintay niya. Nagawa ko iyong pinagagawa niyo sa akin." Hearing that, her anger faded, and her persona changed within a puff. Wala sa sarili akong napaatras palayo kay Mama nang subukan niya akong hawakan. Mas lumapit lang ito sa akin, hindi napansin ang takot ko dala nang biglaan niyang pananakit.

Sought After (Manila Nights Series #1)Where stories live. Discover now