Mga Alamid

352 23 12
                                    

Dalawang araw nilang sinusuyod ang gubat na binabalot ng makapal na yelo. Umaasa sila na makakita ng kahit kaunting palatandaan lamang na buhay ang kanilang mga kaanak at katribo.

Naglakbay sila upang mangalakal ng asin at iba pang pangangailangan. Dapat ay makakauwi na sila bago sumapit ang taglamig. Ngunit maraming pangyayari ang di nila inasahan kaya inabutan sila ng pagbagsak ng nyebe sa paglalakbay.

Isang linggo na mula ng datnan nila ang bangungot na dinanas ng kanilang mapayapang tribo. Halos walang itinira ang mga halang. Tanging mga walang buhay na katawan lamang ng mga kalalakihan ang naroon. Ang iba nga ay buto na lang matapos kainin ng mga feral. Uling na lamang ang natira mula sa mga tahanan na tinupok ng apoy.

Buong hinagpis na umatungal ang mga nagbalik na kalalakihan. Higit pa sa sakit ng pagkawala ng tribo ay ang sakit na kanilang iniinda mula sa pagpanaw ng mga kapareha. Labis na sakit ang mararamdaman dulot ng pagkaputol ng ugnayan ng magkapareha, kaya kalimitang nagpapatiwakal ang mga naiiwan ng pumanaw dahil hindi nila ito kinakaya.

Ang ibang walang kapareha ay pilit na hinahanap ang labi ng kanilang magulang o kapatid. Puno ng luha ang mga mukha ng iba matapos matagpuan ang pamilyar na amoy ng kapamilya.
Ang iba ay hindi na nagawa pang makalabas ng bahay at kasamang tinupok ng apoy.

"AHHHH! Magbabayad kayo!!", malakas na sigaw ng isang alamid matapos makita ang wasak na tahanan. Buong lakas na inihagis nito ang lahat ng mahawakan. Ang maamong mukha nito ay nababakasan ng purong galit at paghihinagpis.

Naaamoy niya ang kapareha.. Ngunit hindi na niya naririnig ang tibok ng puso nito na dati ay malayo pa lang naririnig na niya. Ilang araw na niyang iniinda ang sakit ng dibdib sa pagkawala ng kanilang ugnayan. Kaya alam na niya ang kinahinatnan nito. Tila mababaliw na siya sa nararamdamang hinagpis ngunit kailangan pa rin niyang makita ang minamahal.

Isang kamay ang nakita niya mula sa gumuhong tahanan. Sa ilalim nito ay ang kanyang kapareha. Nakadagan pa dito ang ikalawang kapareha na tinangka pa itong protektahan ngunit sa kasamaang palad ay hindi na rin pinalad na mabuhay.

Tila papel na inihagis niya ang mga nakadagan sa kapareha. Hindi na nya napigil pa ang humagulgol habang yakap ang walang buhay na katawan ng pinakamamahal. Alam niya na mas ninais ng kapareha na ibuwis ang buhay huwag lamang malapastangan ang katawan nito.

Maririnig sa iba't - ibang bahagi ng tribo ang pagtangis ng mga nagdurusang nilalang. Hindi na kailangan pa ng liwanag. Dahil kinuha na ng kadiliman ang liwanag na iniwan nila. Hindi nila alintana ang malakas ng pagbagsak ng nyebe sa paligid. Wala sa kanila ang lamig ng hangin, kung maaari lang pati sila ay kunin na rin ng langit.

Magdamag silang tulala at yakap ang mga mahal sa buhay. Ang iba na walang kapareha ang unang nakaisip na puntahan ang bawat tahanan at tingnan kung sino-sino ang mga nawawala sa tribo. Naisip nilang baka may nabubuhay pa na maaaring iligtas.

Unang hinanap ni Riku ang kaibigang matalik na si Kizu. Mas nakababata ito sa kanya at siya ang palagi nitong kasama sa pangangaso. Hindi na siya umaasang makitang buhay pa ang kaibigan. Ang nais na lamang niya ay ang makita at mailibing ito.

Pinuntahan niya na ang tahanan kung saan ito nakatira kasama ang magulang at kapatid. Sa ilalim ng puno ay nakaupo ang kanilang pinuno. Yakap nito ang kaparehang wala ng buhay ngunit mababakas pa rin ang kagandahang taglay sa maputlang mukha.

Hindi na siya pinansin nito at malungkot lang ang mukhang nakatitig sa mukha ng kapareha. Natagpuan ni Riku ang labi ng ama ni Kizu at iba pang naiwang kapareha ng ina nito. Sa patuloy na paghahanap ay hindi nya natagpuan ang kaibigan at ang kapatid nitong babae.

Agad niyang ipinaalam ang natuklasan sa pinuno. Kahit puno ng paghihinagpis ay nabuhayan pa rin siya ng pag-asa sa nalaman. Ang kanyang nag-iisang anak na babae at lalaki na lamang ang mayroon siya. Ang posibilidad na buhay pa ang mga ito ay isa ng pag-asa.

Magdamag silang nagluksa sa mga pumanaw. Kinabukasan ay isa-isang nagsipagtayo ang mga naulila at inilibing ang mahal sa buhay at iba pang katribo na nagbuwis buhay upang protektahan ang tribo.

"Isang madilim na pagsalubong ang ating dinatnan sa tribo. Lahat kayo na nawalan ay nais kong sumama sa akin upang iligtas ang ating mga kababaihan. Sisiguraduhin kong magbabayad ang sinumang may kagagawan ng pagdurusang ito. Maghanda na kayo dahil maghihiganti tayo.." malamig ang tinig na wika ng pinuno. Agad na nagpalit-anyo ang mga kalalakihan. Sabay-sabay silang umalulong bilang pagsang-ayon sa pinuno.

Sa ilang oras na paghahanap ng bakas ay nakita din nila ang nasundan ang mga lugar na tinahak ng mga feral. Ang lihim na yungib ay kanila ring pinuntahan. Nalaman nila na tanging sina Kizu at Nizu lamang ang nakapagtago at dumaan roon.

Muling nagpatuloy ang kanilang pagtugis. Ang pinuno na puno ng galit ay lihim pa rin na umaasang nakaligtas ang mga anak at makikitang mabuti ang lagay ng mga ito. Baka tuluyan na siyang mabaliw at wakasan ang buhay kung pati ang mga ito ay mawawala pa sa kanya.

Natultol nila ang isang kweba tatlong araw na paglalakbay mula sa kabundukan. Agad na nilusob ang lungga ng mga feral matapos nilang maamoy ang mga kasama mula sa loob nito. Saglit lamang ay bumulagtang walang buhay ang anim na bantay ng kweba. Ang ibang may buhay pa ay pinutulan nila ng mga paa at kamay.

Nakakapanlumo ang kanilang dinatnan. Ang kanilang mga kababaihan ay wala ng buhay na nakahiga sa sahig ng kweba. Ang iba ay nakatali pa at kitang pinahirapan at paulit-ulit na pinagsamantalahan. May dalawang nakaupo sa sulok yakap ang sarili at tinakasan na ng katinuan.

Hindi na nila makausap pa ang dalawang babae. Binihisan nila ang mga ito at pinakain ngunit wala pa ring buhay ang mga mata. Batid nila na ang pagpanaw ng mga kapareha ng mga ito ang mas nagbigay ng pagdurusa at sakit sa mga babae.

Kasama ang mga ito ay nagpatuloy sila sa paghahanap sa mga bata. Ngunit pagkatapos ng dalawang araw ay magkasunod ding pumanaw ang mga ito. Muling nabalot ng galit at hinagpis ang mga natitirang alamid ng tribo.

Alam na nila ang kanilang patutunguhan. Matapos i-torture ang tigreng feral na bantay ng kweba ay nalaman nilang ang Tribo ng mga Lobo ang kasunod na aatakihin ng mga ito.

Hindi na sila nagsayang pa ng oras. Hindi man nila mahanap doon ang mga bata ay di nila palalampasin ang pagkakataon na makapaghiganti sa mga feral na sumira ng kanilang mga buhay.

Malayo pa lang ay alam na nila ang nagaganap na paglalaban sa kagubatan. Agad silang sumugod at isa-isang pinaslang ang lahat ng feral na nakikita. Hindi sila magkakali.. Ang mabahong amoy ng mga halang na nilalang ang kanilang sinusundan.

Nakita nila ang isang lobo na wala ng buhay at sa di kalayuan ay isang tigre na walang pinahihirapan ang isa pang lobo. Pumutok ang galit na ilang araw na kinimkim. Saglit lang na dinaanan ng pinuno ang Tigre at walang buhay itong bumagsak sa malamig na yelo.

Nalaman niya matapos tanungin ang lobo na nasa pangangalaga ng kanilang tribo ang kanyang hinahanap. Kaya hindi na sila nag-atubili pa.

"Narito ang ating mga kalaban. Alam nyo na ang gagawin.. Ubusin sila at iharap sa akin ang pinuno!", malamig na utos ng pinuno.

Tila kalmado ang gwapo nitong mukha ngunit ang nakapaligid sa kanya ay di na makatayo dahil pinapakawalan nitong beast pressure. Tanging mga kasama lamang niya ang nakawala upang tumalima sa utos nito.

Ako sa Beast World Where stories live. Discover now