Pag-atake Ng Kalaban Part 2

244 21 6
                                    

Napuno ng ingay ang madilim na kagubatan. Mga pag-angil at marahas na paglalaban ang maaaninag sa iba't - ibang bahagi ng gubat.

"Maghiwa-hiwalay kayo mga hunghang!" Malakas ng hiyaw ni Talon ang pinuno ng mga feral. "Tapusin ang lahat ng humarang at ang iba ay sumunod sa akin. May kailangan tayong bawiin!"

Umatungal ang mga nakasunod na feral tanda ng pagsang-ayon sa kanilang pinuno. Parang mga hayok ang mga ito na namumula ang mga mata at umaagos pa ang laway sa nakaangil na  mga pangil.

Ngunit ang mga naiwan upang harapin si Gin  at Khuram ay di rin nagtagal ang buhay. Higit na mas malakas ngayon si Gin dahil may kailangan siyang protektahan. Hindi niya maunawaan ngunit lihim siyang natutuwa sa tunog ng mga nababaling buto.

Humahangos man sa pagod ay pilit pa ring lumalaban ang mga feral. Hindi na rin nila alintana ang mga pinsala sa katawan bunga ng mga pag-atake ni Gin.  Ibubuwis na nila ang buhay tutal naman ay hindi rin sila bubuhayin ng pinuno kung magtatangka silang umatras.

Nagpalit anyo ang mga ito at sabay-sabay na sumugod kay Gin. Ngunit bago pa nila madikitan ang malaking lobo ay halos sabay-sabay na tumilapon ang kanilang mga katawan at bumagsak ng walang buhay.

Nang matapos ni Gin ang grupo ng feral na sumugod sa kanya ay agad na hinabol niya ang iba pang humiwalay at siguradong sa tribo ang destinasyon ng mga ito. Hindi nya mapapayagan na marating ng mga ito ang kanilang tahanan. Iniwan na niya sina Khuram at ang iba pang katribo na abala na din sa kani-kanilang mga kalaban.

Galit na binubulyawan ng pinuno ang kanyang mga alagad. Ang ibang di pinalad ay ginawa nitong pananggalang sa mga umaatakeng lobo. Nabuhay siya sa kalupitan at marahas na paligid kaya hindi niya alintana ang dami ng kalaban.

Sanay na siya. Sa mundong kinagisnan, lahat ng mahihina ay kaniyang pagkain.

Kahit gaano pa karami ang mga ito ay lilipunin niya at kukunin ang nais. Kahit na magpumiglas pa ang mga ito ay hindi siya nababahala. Mas pumapalag at nagmamakaawa ang pagkain ay mas lubos niyang ikinasisiya.

"Pangahas kang lusubin ang aking teritoryo! Hindi kana makakauwi pa sa pinanggalingan mo!" Malakas na sigaw ng ama ni Gin na pinuno ng tribo. Agad itong nagpalit-anyo at sinugod ang kalaban.

"Hahaha! Halika lobo! Tingnan natin ang kakayahan mo! Paliliguan ko ng dugo mo ang iyong teritoryo!" Sigaw din Ni Talon. Matapos magsalita ay isang malaking alakdan ang pumalit sa kinatatayuan nito at agad din sumugod sa mabilis na lobo.

Agad na nakailag ang pinuno ng mga lobo sa pagtusok ng makamandag na buntot ng alakdan. Malakas ng pagkagat sa binti ang ibinigay nito sa kalaban. Hindi lamang mabilis na nakawala ang feral, tila hindi rin ito tinablan ng matatalim ng pangil ng lobo.

Hindi nabahala ang lobo at muling umatake. Hindi siya dapat matalo, ang kaligtasan ng kaniyang tribo ang nakasalalay dito. Batid niyang malakas ang feral, ngunit hindi niya ito masyadong ikinabahala.

Ilang sandali pa ay paika-ika na ang pinunong lobo. Hindi na niya maramdaman ang bahaging iyon ng binti na halos maputol na matapos masipit ng alakdan.

Unti-unti na ring namamanhid ang kanyang katawan bunga ng lason mula sa buntot ng kalaban. Sa hindi kalayuan ay tanaw niya ang nakahandusay na anak. Sa ulo nito ay nakatapak pa ang malaking itim na leon.

"SIDDD!" Malakas na hiyaw ng pinunong lobo. "Hindi ko kayo mapapatawad!" Puno ng galit at hinagpis ang sigaw nito bago muling nagbagong anyo. Muling lumusob patungo naman sa direksiyon kung saan naroroon ang anak.

Tila napakabagal ng oras, kitang-kita niya ang lahat. Kung paanong muling ibinagsak ng leon ang paa nito sa mukha ng kanyang anak. Hindi na siya umabot. Hindi na niya nailigtas ang anak. Tila nakikita na niya ang mukha ng kapareha habang nagluluksa sa pagkawala ng anak.

Biglang nanikip ang kanyang dibdib. Hindi lamang dahil sa nakatapak na paa sa kanyang likuran ngunit dahil sa marahas na sinapit ng kaniyang anak. Isang malakas ng alulong ang pinakawalan ng pinuno. Hiyaw na puno ng hinagpis at pagkapuot.

Pilit siyang tumatayo upang muling lumaban at maipaghiganti ang anak. Ngunit bali na ang kanyang mga binti sa likuran. Kung kailan ito binali ng leon ay di na niya matandaan.

"Ito ba ang pinuno ng mga lobo? Napakahina naman! Hahahaha!"  tumatawa nitong wika.

"Tapusin mo na yan. May dapat pa tayong gawin at bawiin." Utos ng alakdan sa naaaliw pang lobo.

"Nais ko pa sana siyang palaruan. Bakit ba tila nagmamadali ka riyan? Maaari bang mag hapunan muna ako?" Nakangisi ito habang nakatingin sa nagpupumiglas ng lobo, naglalaway pa ang bibig bunga ng gutom.

"Wala na tayong oras kumain. Tapusin na muna natin ang mga insektong yan, saka kana magpista!" Pasigaw nitong tugon sa leon.

"Grrrr... Masusunod." Tiim bagang na wika ng leon. "May araw ka din sa akin. Sa susunod ay ikaw naman ang pagpipistahan ko. Ano kaya ang lasa mo pag niluto kita sa nagngangalit na apoy?" Lihim na wika pa nito sa isipan.

Nagpatuloy na ang alakdan sa paglalakad patungo sa direksyon ng tribo. Ilan pang mga lobo ang kanyang nakasalubong ngunit di na pinalad ang mga ito na tumagal ng isang minuto.

Alam na ng pinuno ng mga lobo ang kanyang sasapitin. Hindi niya inaasahan na may malalakas pala sa grupo ng mga feral. Kung siya lamang ay handa na siyang mamatay ngunit ang inaalala niya ang maiiwang kapareha. Nangako siya dito na uuwi pa siya..

Nakapikit na lamang siya at hinihintay na tapusin ng leon. Hindi na niya magagawang magpaalam pa sa pinakamamahal ng kapareha. Tila puputok ang kanyang dibdib dahil alam niyang hindi na niya ito mapoprotektahan.

Habang hinihintay ang katapusan ay nakarinig siya ng mabibilis na yabag. Muli siyang nakahinga dahil sa biglang pag-angat ng paang nakatapak sa likuran. Kasunod nito marahas n paglalaban ng bagong dating at leon. Nagtapos ito sa paglagapak ng leon sa nagyeyelong lupa ng gubat.

Nagulat man ang pinuno ay nagpasalamat pa din sa sumagip ng kanyang buhay. Agad niyang hinanap ang estranghero. Alam niyang hindi ito taga tribo dahil sa amoy na hindi niya nakikilala.

"Maraming salamat.. Utang ko sa iyo ang aking buhay."

Isang puting alamid ang lumapit sa kanya. Sa likod nito ay nakasunod ang nasa higit sampu pa. Namangha ang pinuno dahil ngayon lamang siya nakakita ng ganito karaming alamid sa iisang lugar.

Nagbagong anyo ang lumapit na alamid sa isang napakagwapong lalaki. Kulay pilak ang napakahaba at tuwid na buhok. Maputi ang balat at may kulay berdeng mga mata. Nababakas sa mga titig nito ang pagiging mabangis.

"Walang anuman iyon.. Napadaan lamang kami ng aking tribo at may kaunting katanungan lamang sana ako." Napakamalumanay ng boses nito. Di mo aakalain na may kakayahang manakit.

Kahit labis na nahihirapan dahil sa mga natamong pinsala ang pinuno ay minarapat pa din niyang tumugon dito. Naramdaman kasi niya ang malakas ng beast pressure mula rito. Pressure na kayang kumitil ng isang 4 stripe sa isang iglap lang.

"Ano ang iyong katanungan?"

"Dalawang batang alamid. May nakita ba kayo?" Matipid na tanong ng gwapong estranghero.

"Maaari ko bang malaman kung sino kayo? Paumanhin ngunit hindi ko maaaring basta na lamang sagutin iyan. Nakataya ang buhay ng mga bata." Natatakot man siya sa kausap ay kailangan pa rin niyang protektahan ang mga bata lalong lalo na ang batang babae.

"Anak ko sila. Kami ng aking mga ka tribo ay matagal na silang hinahanap. Nilusob ng mga feral ang aming tribo sa kabundukan. Matagal na akong nag-aalala kaya kung maaari lang ay sabihin mo na kung nasaan ang aking mga anak!" Sigaw nito sa nakaupong pinuno.

" Paumanhin, hindi ko nais na galitin ka kailangan ko lang pangalagaan ang mga bata lalo na at may mga tumutugis sa kanilang mga feral. Nasa pangangalaga sila ng aking anak at kanyang kapareha. Nasa mabuti silang kalagayan kaya huwag sana kayong mag - alala." Tugon ng pinunong lobo.

" Kung ganoon ay kailangan na nating tapusin ang mga feral na ito. Mga kasama! Alam nyo na ang gagawin. Susunduin na natin ang mga bata!" Malakas ng sigaw ng gwapong alamid sa kanyang mga kasama.










Ako sa Beast World Where stories live. Discover now