Tribo Ng Mga Lobo

472 25 6
                                    

Pitong-araw ang inabot ng paglalakbay nila. Dahil yun sa napakaraming stop-over ng babaeng kasama. Hindi na malaman ng dalawang lalaki kung saan nila ilalagay ang napakaraming bagay na pinulot nito.

Meron pang pinutol na mga sanga. Inaalam muna nito kung mayroon bang ganoong uri ng punong kahoy o halaman sa pupuntahan, dahil kung wala ay agad itong puputol ng sanga upang itanim. Magagamit daw ito balang araw sabi ni Naiad kaya wala ng nagawa ang dalawa kundi ang sumunod.

Paglampas nila sa kapatagan ay naroon na ang kagubatan kung nasaan ang Tribo ng mga Lobo. Hindi ito sobrang malaki dahil nasa mahigit isandaan lang ang populasyon ng tribo.

Ang tribo ay napapalibutan ng mga bakod na gawa sa matitigas at malalaking katawan ng mga punongkahoy. Meron din itong mataas na gate. May mga tagapagbantay na nakaposte sa magkabilang gate, sila ay nakabantay sa anumang panganib o kung may mga bisita.

Paglapit ng grupo sa gate ay agad silang sinigawan ng isang bantay.

"Mga pangahas na dayuhan! Wala kayong pahintulot na lumapit sa aming tribo. Wala kayong lugar dito kaya mabuti pang lumayas na kayo!" matapang nitong sigaw.

Agad na nagpakawala ng beast pressure si Gin dahil sa tinuran ng guwardiya. Napaluhod ang matapang na guwardiya maliban sa isang tagabantay.

" Hangal ka! Di mo ba nakikilala ang anak ng ating pinuno?!" wika nito sa kasama.

Agad na binawi ni Gin ang beast pressure na tanging mahina lamang sa kanya ang naaapektuhan.

"Paumanhin sayo Gin. Bago lamang ang aking kasama at di nangingilala. Ipapaalam ko kaagad sa pinuno ang pagdating mo. Madali! Buksan mo ang tarangkahan!" wika ng pinuno ng mga bantay.

Pagbukas ng tarangkahan ay bumungad sa kanila ang mala probinsyang tribo. Ilan sa mga kabahayan ay gawa sa pinaghalong putik at kahoy. Ang likurang bahagi ng tribo ay napapalibutan ng kabundukan, dito ay tila may mga nakatira din dahil may mga nakikita siyang mga kweba sa di kalayuan.

Maluwang at malawak ang loob ng tribo.
Magkakalayo ang mga kabahayan dahil mahigpit sila pagdating sa teritoryo. Di maaring basta pumasok sa bawat teritoryo ang mga binatang walang kapareha.

Hindi pa tapos mamangha si Naiad ay dumating na ang isang grupo. Anim ma kalalakihan at isang lumuhang babae na sa tingin niya ay nasa 30 taon. Nakabahag ang mga lalaki at ang babae naman ay nakasuot ng puting top at skirt na yari sa balat ng hayop. Sa tingin niya ay balat ng puting fox ang ginamit dito o puting lobo.

Nang makita ng babae si Gin ay agad itong tumakbo habang humahagulgol na niyakap ang lalaki.

"Anak! Bakit ngayon ka lang bumalik?! Labis - labis akong nangulila sayo. Ang kawawa kong anak.. Huhuhu" wika ng umiiyak na babae na siya palang ina ni Gin.

Tama nga si Gin na mahal siya ng ina. Hanggang ngayon ay maliit na supling pa rin ang turing nito sa kanya. Niyakap din ito ng nawalay na anak. Buong puso siyang humihingi ng paumanhin sa pagkawala ng matagal.

"Patawarin mo ako aking ina, nais ko lamang na mas lumakas pa upang maging karapat-dapat sa aking mapapangasawa. Ngayon ipapakilala ko na siya sa iyo.." wika ni Gin habang kinukuha ang kamay ni Naiad upang iharap ito sa ina.

Hindi man sanay sa ganoong eksena ay di na iyon pinuna pa ni Naiad. Buong pag galang siyang bumati sa ina ni Gin, nagulat pa ito dahil bigla siyang nagmano.

"Patawad po, ito po kasi ang nakaugalian kong pagbati at paghingi ng basbas sa nakakatanda." nahihiyang wika ni Naiad.

"Walang anuman iyon hija... Ikaw pala ang kapareha ng aking mahal na anak. Lubhang napaka ganda mo. Masaya ako para sa inyong dalawa.." nakangiting turan ng ina.

" Halika at ipakikilala kita sa aking mga kasama..Ako nga pala si Akiya, siya naman si Harim ang aking kabiyak at silang lahat ang aming mga anak na kapatid ni Gin. " masayang wika nito sa kanya.

" Hello po.. Ako po si Naiad. Ang kapareha ni Gin. Masaya akong makilala kayo. " magalang niyang pagpapakilala sa pamilya ng kabiyak.

" Tila ngayon lamang ako nakatagpo ng isang babaeng marunong gumalang.. " malamig na wika ng ama ni Gin.

" Ano ka ba ama, malawak ang karagatan. At tiyak akong hindi pare-pareho ang mga isda dito. Ako nga pala si Kiel, panganay na kapatid ni Gin." sabat ng kapatid ni Gin na may tusong ngiti sa mga labi.

Hindi gusto ni Naiad ang tabas ng dila ng mga kalalakihang kasama ng ina ni Gin. Tila isang bulaklak ang mabuting  babae sa gitna ng mga nabubulok na halaman. Hindi man nagsasalita ang iba pang kapatid ni Gin ay mababakas na sa mga mukha ng mga ito ang pagkadismaya sa pagdating nila. Siguro partikular na sa pagbabalik ng bunso nilang kapatid .

"Problema ng mga damuhong ito? Parang di yata masarap ang ulam kanina. Mukhang dapat akong mag-ingat sa kanila at lumayo na din hanggat maaari. Nababalot sila ng masangsang na hangin." sabi sa isip ng nakangiting si Naiad.

Isa-isa niyang tinitigan ang mga mukha ng mga ito upang matandaan kung sino ang mga dapat niyang iwasan. Halos magkakamukha silang lahat at parang kapatid lang din ng mga ito ang kanilang ama. Lahat ng kapatid ni Gin ay may gray na mata tulad ng sa ama. Tanging si Gin lang ang may asul na matang tulad ng sa kanyang ina.

Ang mga kulay ng balat nila ay galing sa ama na medyo kayumanggi. Si Gin lang ang may maputing balat tulad ng sa ina. Tanging kulay ng buhok lang ang nakuha ni Gin sa ama. Walang nakakuha ng dark brown hair ng ina.

Matapos ang pagpapakilala ay sinabi ng ama ni Gin na hindi na siya maaaring bumalik sa dating kubo dahil matagal na itong nasira ng bagyo. Kung nais niya ay pwede silang pansamantalang manuluyan muna sa isang bakanteng kubo hanggat di pa sila nakakahanap ng malilipatang teritoryo.

Tinanggap nila ito at inihatid pa sila ng ina ni Gin sa lumang kubo. Sapat na ito upang pansamantalang matuluyan. Ngunit sigurado si Naiad na di ito tatagal sa pagbabago ng klima.

Tahimik lang na nakabantay sa likuran ng kanilang ina ang mga kapatid ni Gin, ganun din ang ama. Di sila nagtatangkang magbitiw ng mga salitang ikakagalit ng ina. Alam nilang si Gin ang paborito nitong anak kaya naman labis ang paninibugho nila para dito.

Bago magpaalam ang pamilya ni Gin ay nangako ang ina nito na magdiriwang sila kinabukasan para sa pagbabalik ng anak. Hindi maitago ang labis na kasiyahan ng ina ni Gin sa pagbabalik ng kanyang anak na nawalay ng matagal.

Bago magdilim ay inayos na nila ang tutuluyang kubo. Nilinis ito ng mabuti at pinalitan ang higaan. Habang naghihintay ng makakain ay nakatulog ang pagod na pagod na si Naiad.




Ako sa Beast World Where stories live. Discover now