Chapter Fifteen

50 40 0
                                    

Nagulat ang armiya ng mga Valkyria.

Nanlaki ang mga mata ni Brynhildr nang makita ito, humarap siya sa mga Zelfero at mabilis na binunot ang kaniyang espada. "Sugoood!" Ang nanggagalaiti niyang utos sa kaniyang mga mandirigma.

At walang pagdadalawang isip na sumugod ang magkalabang panig.

Maliban kay Kara na umiiyak habang nakaluhod at yakap-yakap ang sumisingay na katawan ni Herja. "Herja... Herja!" Ang kaniyang hikbi. Tinanggal niya ang palasong nakatarak sa batok nito, at napansin niya sa talim nito ang tila dilaw na likidong lumalabas mula sa tulis nito. Isang uri ng lason.

Dahan-dahang hinaplos ni Herja ang kanang pisngi ng kaniyang kapareha. "Kara," ang kaniyang sambit na may halong ngiti at pagluha. "Vivo livero, Kara [Mamuhay kang malaya, Kara]," ang huli niyang mga kataga, at tuluyan nang natunaw ang kaniyang katawan.

"HERJAAA!" Ang sigaw ni Kara, kasabay ang walang tigil niyang pagluha habang hawak ang kalasag ni Herja, "Quare, Herja? Quareee? [Bakit, Herja? Bakiiit?]"

At sa 'di kalayuan ay isang Zelfero ang nakakuha ng pagkakataon.

Dahan-dahan siyang huminto sa likuran ng nakaluhod at umiiyak na Valkyria. Hawak ang kaniyang sibat, itinutok niya ito sa likuran ni Kara.

Ngunit inunahan na ito ng pinunong Valkyria.

Mula sa likuran ng nasabing Zelfero, ay sinaksak ni Brynhildr ang puso nito.

Bumagsak ito at sumingay ng usok ang katawan.

Nilapitan ni Brynhildr si Kara at hinila niya ang braso ng walang kamalay-malay na Valkyria. "Lumaban ka, Kara! Walang lugar sa'ting mga Valkyrja ang emosyon! H'wag mong sayangin ang buhay na ibinuwis ni Herja para sa'yo!" Ang sabi niya sa tenga nito. Itinulak niya ito at itinuloy ang pakikipag-espadahan sa mga Zelfero.

Tulalang nakatayo si Kara habang nakatingin sa kalasag ni Herja. Marahan niyang kinuha ang sandata ng kaniyang kapareha at hinugot ito mula sa saha. Patawarin mo ako, Herja, bulong ng isip niya. Mariin niyang hinawakan ang espada ng namatay na Valkyria. At isang itim na apoy ang pumalibot sa sandata. Binalutan siya ng itim na awra na nagdulot ng init sa kaliwang bahagi ng kaniyang katawan. Tinanggal niya ang baluting nakabalot sa kaniyang ulo at sa kaliwa niyang bisig, at mula rito ay dahan-dahang kumalat ang nanginintab at nangingitim niyang mga ugat hanggang sa kaniyang kaliwang pisngi kasabay ang pagguhit ng marka ng dimonyo sa kaliwa niyang braso. Ang kaliwa niyang pakpak at kaliwang mata ay naging purong itim, kasabay nito ang paglabas ng kaliwang pangil sa kaniyang mga labi.

Nakita ito ng mga mandirigma ng magkalabang panig at napahinto sila sa kani-kanilang mga puwesto, may takot at pangambang nakatitig kay Kara.

Nanlaki ang mga mata ni Erebus. " Dzha'vlo," ang bulong niya sa sarili. Agad siyang tumakbo at sinugod ang Valkyria. "Valkyrjaaa!"

Naglakad si Kara patungo sa direksyon ng pinuno ng mga Zelfero, at sa bawat hakbang niya ay nagliliyab sa itim na apoy ang mga Zelfero na humaharang sa kaniyang daraanan.

At nagpalitan sila ng atake. At sa bawat atake ni Kara ay natutunaw at nababawasan ang tibay ng sandatang palakol ni Erebus. "Isa kang Dzha'vlo, Valkyrja," ang wika niya sa Valkyria.

"Matapos ninyong gumamit ng nakalalasong mga sandata dahil sa hindi ninyo patas na pakikipaglaban, sino ngayon sa atin ang matatawag mong Dzha'vlo?" Ang sagot ni Kara. Itinaas niya ang kaniyang espadang nagliliyab sa itim na apoy at isang mabilis na paghiwa ang ibinigay niya kay Erebus.

Sinalag ito ni Erebus gamit ang kaniyang palakol, ngunit nabasag lamang ito at naglaho sa itim na apoy. Agad na itinutok ng Valkyria ang talim ng kaniyang nagliliyab na espada sa dibdib ng pinunong Zelfero. "Magdasal ka na, Zelfero. Uunti-untiin ko ang pagpapahirap sa'yo," ang wika niya na may malaking ngiti.

" Dzha'vlo," ang muling bulong ni Erebus na nagngingitngit sa galit ang mga panga.

"Itigil ang labanang ito!" Isang pamilyar na boses ng isang babae ang umalingawngaw sa karagatan ng Yggdras.

Napahinto ang lahat, hinahanap kung saan nagmula ang boses.

Isang puting apoy ang biglang nagliyab sa kalangitan, at lumabas dito ang isang ginintuang karong pandigma na hinihila ng dalawang puting tigre, at sakay sa karong ito ay ang Bathalang si Freyja na nakasuot ng nangingintab at nakasisilaw na ginintuang baluti.

At sa gitna ng naglalabang mga kawal ay isang luntiang apoy ang nagliyab, at doon ay unti-unting lumitaw ang luntiang Bathala na si Osiris na sakay ng isang malaki at itim na leon.

Valkyrie Wings Book 1: CHRONICLES OF A FALLENWhere stories live. Discover now