Kabanata 52

77 2 0
                                    

NAPUNO ng pananabik sa aking puso nang masilayan ko na ang berdeng isla ng Lindana. Habang papalapit dito ay hindi ko mapigilan ang kasiyahan. Lalo pa nang makita ko sina Saia at Clara na nakatayo sa dalampasigan, kumakaway, hinihintay ang aking pagdating.

Mahigpit na humawak sa kamay ko si Asheer habang tinatanaw rin ang dalawa. Si Calem naman ay walang imik sa aming tabi.

Tatlong araw ang naging paglalakbay namin sa lupa at dalawang araw ang paglalayag ng barkong sinakyan namin ngayon. Sa wakas ay nakarating na kami.

Sakay ng isa pang maliit na bangka ay nakarating kami sa dalampasigan. Napangiti ako nang sandaling makatapak sa puting buhangin ng isla, hindi iniinda ang pagkabasa ng paa at dulo ng aking kasuotan. Nakasunod sa akin si Calem na buhat si Asheer sa kaniyang bisig para hindi ito mabasa.

"Ina!" maligayang wika ni Saia. Patakbong sinalubong ako ng yakap. "Nagagalak ako na nakauwi ka na. Ang tagal kitang hinintay!"

Yumuko ako at hinalikan siya sa pisngi. "Nagagalak din ako na nakita ulit kita, anak."

Ngumuso siya. "Hindi ako makatulog kapag katabi ko si Clara, ang lakas niyang humilik."

Napalingon ako kay Clara na nasa tabi niya lang. Nahihiya itong tumawa at mahinang hinampas ang balikat ng bata, ang mata'y nakatutok kay Calem.

"Ano bang sinasabi mo, Saia. Ako kaya ang hindi makatulog sa hilik mo," wika nito habang nakangiti sa aking kambal.

Natatawa ako sa reaksyon niya, tila walang kasintahan kung makapagpaganda sa aking kapatid.

Umismid si Saia, nilingon na lang si Calem na ngayon ay nasa tabi ko na, ibinaba si Asheer.

"Sino ang guwapong nilalang na iyong kasama, Ashtrea. Siya na ba ang magiging asawa mo?" kuryoso nitong tanong dahilan upang matawa si Clara.

Maging si Calem ay natawa ngunit napakamot na lang ng ulo at makahulugang tumingin sa akin. Agad nawala ang ngiti ko dahil nakukuha ko ang ibig niyang sabihin. Na gusto ng ama ni Saia kaya naisip agad nito na pakakasalan ko ang lalaking dala ko ngayon.

"Kapatid iyan ng iyong ina, Saia. Tiyo mo!" mahinang wika ni Clara.

Lumaki ang mata ng bata at namilog ang labi. "Siya ang kambal mo, Ashtrea?"

Ngumiti ako at tumango. Lumapit si Calem dito at marahang ginulo ang buhok.

"Ikinagagalak kitang makilala, Saia. Maraming naikwento sa akin ang iyong ina tungkol sa iyo."

Muli lang napaawang ang bibig ni Saia, hindi sumagot at nakatitig lang dito. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang reaksyon niya ngunit hindi ko na lang pinansin. Kinuha ko ang kamay ni Asheer upang maigiya ito palapit sa kaniya.

"At ito naman si Asheer, anak ko at kapatid mo."

Muli itong nagulat. Lumipat ang tingin kay Asheer.

"Anak?!" bayolente pang wika ni Clara. "Kanino?" Saglit akong tumingin sa kaniya para balaan na huwag maingay. Napatakip siya ng labi nang tila makuha ang nangyayari. Alam niya ang lahat sa akin kaya mapagtatanto niya rin na si Savion ang ama ng batang ito. Ang lalaking hindi ko makalimutan. Ang hari ng Peridos na siyang malapit nang ikasal.

Nang muli akong bumaling kay Saia ay nagniningning na ang kaniyang mga mata, halata ang kasiyahan at pagkamangha.

"May kapatid ako?" mabagal at hindi makapaniwala. Pinagmasdan niya ang kabuuan ni Asheer na siyang tahimik lamang na nakatingin sa kaniya, nakikiramdam.

Unti-unting lumapit si Saia at bigla itong niyakap.

Napangiti ako sa nasaksihan. Nagulat si Asheer ngunit nanatiling tahimik. Hindi nga ako nagkamali na magugustuhan siya ni Saia, palakaibigan ito at mabilis mapalapit sa mga nilalang na nakapaligid sa kaniya. Sana nga lang ay hindi siya magsawa sa kalikutan nito.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now