Kabanata 39

62 1 0
                                    

HINDI matanggal ang ngiti ko habang naglalakad pauwi. Kasabay ko si Varo habang hawak ko ang tali niya, mukhang napagod din sa aming pamamasyal sa kabilang bayan, at syempe kasama namin si Savion ngunit pinauna ko na siyang umuwi. Madilim na kaya kaunti na lamang ang mga nilalang na nakikita ko sa paligid, hindi na gaanong maingay sa dinaanan kong pamilihan.

Kusang huminto ang mga paa ko sa tapat ng puno ng sopya, dinama ang pagsimoy ng panggabing hangin, tinangay nito ang ilang kulay rosas na dahon kasabay ng pag-alon ng nakalugay kong buhok. Sobrang gaan ng pakiramdam ko, ang bigat ng nagdaang taon ay tuluyan nang naglaho. Sana ay hindi na matapos ang kasiyahang ito.

Hindi ko hahayaang matapos ito.

Pumikit ako at sininghap ang sariwang hangin. Kontento ako sa kapayapaan ng puso ko ngayon. Sinusulit ko ang bawat araw na malaya ako kasama ang nag-iisang prinsipeng minamahal ko. Ilang araw na kaming palaging namamasyal, kung hindi sa malapit, ay sa mga karatig bayan naman. Iniiwasan kong pumunta kami sa palasyo para hindi malaman ng reyna na nakikipagmabutihan ako sa kaniyang anak, binabaliwala ang kaniyang mga salita. Hindi rin naman ako pinipilit ni Savion na magpunta sa palasyo, sa aming hardin upang tapusin niya ang pinipinta, na tila alam niya rin na hindi sang-ayon ang kaniyang ina sa aming relasyon. Binabaliwala ko na lamang dahil hindi naman iyon mahalaga.

Makukuha rin namin ang loob ng mga nilalang na may ayaw sa aming relasyon. Marahil ay hindi pa ngayon pero pagsisikapan namin.

Paghahanda ko na rin ito para sa darating na pagtimpalak, higit isang linggo bago ngayon. Sa oras kasi na magsimula ang paglisahan ay siguradong hindi na kami madalas magkikita, o kung magkikita man ay sandali lamang. Hindi ko alam kung ano ang mga magiging hamon sa amin ngunit nasisiguro kong mahirap ang lahat ng gagawin namin. Siguradong mapapagod at mabubugbog ang aming katawan, masusubok ang aming lakas.

Idinilat ko ang mga mata at pinagmasdan ang buwan na sadyang kay liwanag kahit hindi pa gaanong bilog. Ang mga nagniningning na bituin naman sa paligid nito ay masarap pagmasdan, tila ipinapaalala ang mga mata ng aking sinisinta, puno ng ningning.

Hindi na rin ako nagtagal at agad nang tumulak pauwi para maabutan ko ang hapunan.

Kasing bilis nang hanging nawala ang ngiting nakapaskil sa aking labi nang matanaw ko ang aking kambal na nakatayo sa harap ng aming tahanan, seryosong nakahalukipkip. Mahina akong bumuntong hininga at binilisan ang paglalakad.

"Ilang araw ka nang palaging ginagabi, hindi magandang tingnan para sa isang binibini," seryosong aniya.

"Namasyal lamang, Calem. Alam mong ilang taon akong hindi nakauwi rito kaya gusto kong maglibot at tingnan ang pagbabago." Hinimas ko ang pisngi ni Varo nang mag-ingay ito, nais nang kumain at magpahinga.

Oo, palagi akong ginagabi ngunit ngayon lamang niya ginawa ito, ang paghihintay sa pag-uwi ko. Marahil ay napagod na sa kaniyang pananahimik. Hindi makatagal ng hindi ako inuusisa.

"Siya nga ba, Ashtrea?" sarkastiko. "Hindi mo namamalayan ang oras kapag ang ikalawang prinsipe ang kasama mo. Hindi ako makapaniwalang sa kabila ng ginawa niya ay tila ka isang dahon na pilit kumakapit kahit nililipad ka na ng hangin."

Napahinto ako at kunot-noong bumaling sa kaniya. "Calem," mariin kong wika. Hindi nagustuhan ang kaniyang sinabi.

Wala akong anumang kinukwento sa kaniya ukol sa amin ni Savion ngunit alam kong alam niya. Ngayon lamang niya binuksan ang ganitong paksa matapos ang kaarawan ng reyna ilang araw na ang nakakalipas. Napapansin niya ang kasiyahan ko, sa tuwing makikita niyang malapad ang aking ngiti ay magiging seryoso siya o di kaya'y sisimangot.

Akala ko'y hindi na niya talaga ako kokomprontahin dahil masaya ako sa aking ginagawa.

"Hindi maganda na naglilihim ka sa ating ina. Kapag nalaman niya ito ay siguradong magagalit siya."

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora