Kabanata 49

74 4 1
                                    

BLANKO akong nakatingin sa magulo at maingay na pamilihan sa aking harapan, tila ngayon lamang napagtanto na nandito na nga ako sa kapitolyo ng kaharian ng Tiserro. Hindi ko alam kung bakit ko nga ba naisip na sundin ang kagustuhan ni Calem gayong hindi ko siya gustong makita.

Hindi ko pa rin siya gustong makita hanggang ngayon dahil sa ginawa niya noon.

Ngunit alam ko, sa kaibuturan ng aking puso ay napatawad ko na siya. Hindi ko lamang gusto na ganito kabilis.

Mabilis pa ba ang pitong taon?

Gusto kong mapailing. Kahit na itanggi ko pa ay nasasabik naman talaga akong makita siya. Siya na lang ang natitira kong pamilya, ang nag-iisa kong kapatid, ang nag-iisa kong kambal na siyang nakakaintindi ng lahat sa akin. Ang kasama ko sa kasiyahan at kakampi sa kalungkutan. Kahit baliktarin ang mundo ay hindi maitatangging nakatali ang aming buhay sa isa't-isa.

Isang bagay lang ang sumira sa tiwala ko sa kaniya. Isang pangyayari na lalong nagpalubog sa akin sa labis na paghati sa nakaraan. Kaya naghiwalay kami ng landas matapos kong mabigyan ng panibagong buhay, ang buhay na kailanman ay hindi ko hiniling. Sa galit ko ay iniwan ko siyang mag-isa kahit pa pareho kaming nagluluksa para sa pagkawala ng lahat sa amin.

Oo, nagalit ako sa kaniya noong una ngunit sa paglipas ng mga taon ay halos lumabo na ang galit. Lalo na noong dumating si Saia sa buhay ko. Parang nawala ang lahat ng galit ko para sa lahat.

Ang naiwan na lang ay lungkot na sana'y lumisan na rin. Dahil pagod na akong maramdaman ito ng paulit-ulit. Pagod na akong itago ang sakit na nararamdaman ko. Pagod na akong umiyak sa tuwing maalala ang lahat.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Ako lang mag-isa ang pumunta rito. Ibinilin ko muna si Saia kay Clara habang wala ako.

Limang araw ang naging paglalakbay ko patungo sa kahariang ito. Mas mabilis kung ililipad ako ni Clara ngunit ayoko nang abalahin siya ng ganoon. Lalo pa't hindi ko alam kung gaano katagal ang ilalagi ko rito.

Alam kong magiging mahaba ang pag-uusap namin ni Calem. Hindi ko alam kung anong nais niyang sabihin sa akin kaya ilang araw na akong balisa. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Kabado. Sabik. Nangagamba. At masaya.

Napahinto ako at napatingin sa asul na kalangitan nang mabilis na dumaan ang isang napakalaking dragon sa himpapawid. Kuminang ang kulay ginto nitong balat nang masinagan ng araw, mahaba ang buntot at malaki ang mga pakpak. Kamangha-mangha. Hindi ito ang unang beses kong makakita ng ganoong nilalang ngunit ito ang unang beses na masilayan sila ng malapit. Naalala kong isa nga pala ang Tiserro sa tahanan ng mga dragon, kaya hindi kataka-taka na madalas silang makita rito.

Sinundan ko iyon ng tingin hanggang mapansin ang isang nilalang na nakasakay dito, ayon sa kulay rosas nitong kasuotan at mahabang buhok na nililipad ng hangin ay nalaman kong isa itong babae. Lalo akong namangha. Sana ay makasakay din ako sa ganoong klaseng halimaw. Siguradong masaya iyon.

Matagal akong nanatili roon hanggang sa mawala ang dragon sa aking paningin, kalaunan ay umiling-iling upang mawaglit iyon sa aking isipan. Kailangan kong pagtuunan ng pansin ang ipinunta ko sa kahariang ito, si Calem. Inayos ko ang talukbong ng suot na balabal at ipinagpatuloy ang paglalakad patungo sa tindahan ng mga armas, kung saan din ito ginagawa.

Halos dalawang araw din akong nag-isip kung magtutungo nga ba talaga ako rito. Ngunit nakita ko na lang ang aking paa na dinadala ako sa kahariang ito.

Ilang nilalang na ang napagtanungan ko para marating ang lugar na ito kaya wala nang atrasan pa.

Huminto ako sa harapan ng isang malaking tindahan na gawa sa kahoy, nasa pinakadulo ito ng pamilihan. Bukas ang malaking pintuan na agad kong pinasok.

Malawak ang lugar na siyang puno ng mga nakasalansan na armas, iba-ibang klase, mula sa punyal hanggang sa malalaking armas tulad ng palakol.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now