Kabanata 13

89 3 0
                                    

BAGO pa man sila makalapit ay itinaas ni Calem ang kamay sa ere at gumawa ng harang na apoy sa pagitan namin. Masamang tingin ang ipinukol nila sa amin at bahagyang umatras dahil lumalaki ang apoy sa bawat pagtangka nilang lumapit.

"Mga hangal! Wala kayong karapatan upang parusahan ang mga maharlikang katulad namin!" tiim bagang kong wika. Itinaas ko rin ang kamay ko at akmang gagamitin ang aking kapangyarihan ngunit napahinto nang may magsalita sa likod namin, isa ring barbaro.

"Ganoon ba, binibini?"

Agad akong napalingon dito at nagulat nang makitang hawak niya si Ina, nasa likod siya nito habang ang punyal na hawak ay nakatutok sa leeg nito, malaki ang ngiti.

"Ina!" sabay naming wika ni Calem, puno ng pag-aalala. Mahinahon lamang na umiling sa amin si Ina upang pigilan kami sa tangkang pagsugod, marunong naman siyang lumaban at kaya niyang makawala sa ginoo kung makakahanap siya ng magandang pagkakataon ngunit hindi maalis ang pangamba namin na baka biglang dumikit sa balat niya ang talim.

Ang hangal na barbarong ito! Magbabayad siya sa kalapastanganan nila sa amin!

Tumalim ang tingin ko, sa likod niya ay may pito pa silang kasamahan. Unti-unti kong ginagalaw ang nakababa kong kamay upang mabilis na gamitin ang aking kapangyarihan habang mariing pinagmamasdan ang bawat galaw ng bandidong may hawak kay Ina. Napahinto lang ako nang mariing hawakan ni Calem ang braso ko, marahil ay nararamdaman ang binubuo kong kapangyarihan.

Mariin akong tumingin sa kaniya ngunit mas seryoso ang mga tinging ipinukol siya sa akin. Mukhang may plano rin siya.

"Ano? Nabahag na ba ang inyong buntot, mga maharlika? Ito lang naman pala ang magpapaamo sa inyo," wika ng hangal na barbaro, at lumingon sa mga kasamang hinaharang ng apoy. "Puksain na ninyo ang apoy at parusahan na ang mga iyan."

Matapos niyang sabihin iyon ay mabilis niyang nabitawan ang punyal dahil sa palasong lumipad patungo sa braso niya, pumalahaw siya sa sakit kasabay ng paglingon nila kung saang direksyon iyon nagmula. Mabilis akong lumapit kay Ina at bahagya siyang hinatak palapit sa akin. Sinuri ko ng tingin ang kabuuan niya.

"Ayos ka lamang ba, Ina?" Hindi siya nakasagot dahil naagaw ng atensyon namin ang sunod-sunod na paglipad ng pana sa direksyon ng mga bandido na ikinaalerto nila.

Umawang ang labi ko sa unti-unting pagbagsak ng mga barbaro kaya nawala na rin ang apoy na hinarang ni Calem. Napatingin ako sa pinuno nila noong galit at hirap itong tumayo, pinutol ang palasong nakatarak sa balikat at binti niya, walang balak magpatalo. Nang maramdaman ko ang tangka niyang pagsugod sa amin ay mabilis akong lumapit sa isa niyang kasama na nakahandusay sa lupa upang kunin ang hawak nitong espada at hinarang siya.

Umalingawngaw ang pagtama ng talim ng kaniyang palakol at ng aking sandata, bahagya pa akong napaatras dahil sa bigat ng sandata niya. Hindi niya iniinda ang panang nakatarak pa rin sa kaniya. Matalim ang tinging ipinukol namin sa isa't-isa, buong lakas kong itinulak ang espadang hawak dahilan upang mapaatras siya, umikot ako sa ere at sumugod sa kaniya habang iniiwasan ang patuloy na pag-ulan ng mga palaso.

"Ashtrea!" tawag ni Ina, takot at nag-aalala ngunit hindi ko iyon pinansin.

Ngumiti ako nang masugatan ang kalaban ko sa braso. Sa muli niyang pagsugod ay lumiyad ako upang maiwasan iyon, muling inihampas ang espada nang makalampas siya sa akin kaya natamaan ang likod niya. Hindi niya ulit ininda iyon at sa pag-ikot niya paharap sa akin ay muli ko siyang pinatamaan sa balikat hanggang sa nanghihina siyang napaluhod sa lupa, kasabay ng paghinto ng mga palaso at paglakas ng mga yabag na papalapit sa amin.

Napatingin ako sa mga kabayong huminto sa hindi kalayuan, ang nasa unahan ay sakay si Ama na tila kagagaling lamang sa digmaan dahil sa suot niyang damit pandigma. Sumunod na dumating ang ilang mga kawal na parte ng hawak niyang hukbo.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now