Kabanata 3

215 6 0
                                    

NAKANGITI akong humuhuni sa isang musikang narinig ko kanina sa labas. Patalon akong lumapit kay Lena, ang anak ng aming tagasilbi na siya ring naninilbihan sa amin. Magkaedad kami kaya siya ang lagi kong kausap at kaibigan.

Kasalukuyan siyang nagdidilig ng halaman.

"Magandang araw, binibini," bati niya sa akin nang mapansin ako.

"Magandang araw, Lena," nakangiti kong wika.

Saglit niya akong tinapunan ng tingin ngunit agad ding bumalik ang mga mata sa akin. "Kakabiba ang ngiti mo ngayon. May maganda bang naganap sa iyo?"

Inilagay ko ang dalawang kamay sa likod ko at ngumuso upang pigilan ang lalong pagngiti.

"Hulaan mo."

Huminto siya sa ginagawa at nakapamaywang na humarap sa akin, nanliliit ang mata.

"Marahil ay may nakilala kang makisig at guwapong ginoo," aniya kasabay ng isang hagikhik.

Umismid ako. "Hindi," wika ko at bahagyang nag-isip. Naalala ang anyo ng nakausap na prinsipe kanina. "Pero parang ganoon na rin." Itinikom ko ang bibig ko bago muling nagsalita. "Maaari na akong matutong gumamit ng espada ngayon!" masaya kong dugtong dahilan upang magulat siya.

"Talaga? Sino naman ang magtuturo sa iyo? Hindi ba ay ayaw kang turuan ng iyong ama at ni Calem?"

"Tuturuan ako ng ikalawang prinsipe!" masaya at nasasabik kong wika, napahawak pa ako sa braso niya.

Nanlaki ang mata niya nang marinig ang sinabi ko.

"Isang prinsipe ang magtuturo sa iyo?" gulat niyang wika. Mabilis akong tumango-tango. "Paano kang naging malapit kay Prinsipe Savion? Minsan lamang lumabas iyon sa palasyo hindi ba?"

"Hindi ba ay isinama ako ni Ama sa palasyo kanina? Doon ay nakita ko siyang nagsasanay sa paggamit ng pana ngunit hindi pa siya gaanong marunong kaya inalok ko siya na tuturuan kapalit naman ng pagtuturo niya sa akin sa paggamit ng espada," kwento ko. Tumango-tango siya. "Sa palasyo kami magsasanay tuwing hapon!"

"Kung ganoon ay hindi talaga kayo lubos na magkakakilala at unang beses pa lang kayong nag-usap?" Kunot na kunot ang noo niya. "Hindi ba ay may mga guro sila na nagtuturo sa paggamit ng mga armas. Bakit pa siya pumayag na ikaw ang magturo sa kaniya?" kuryoso niyang tanong.

"Hindi ko alam," inosente kong wika. "Basta, masaya ako na may magtuturo na sa akin," kasabay ng malaking ngiti.

Tumango siya at ipinagpatuloy ang pagdidilig.

"Marahil ay nagandahan iyon sa iyo kaya pumayag."

Nagandahan?

"Iyon ba ang tingin mo?" gulat kong tanong ngunit nagkibit-balikat lamang siya.

"Ano ang pinag-uusapan ninyo?" wika ni Calem na biglang sumulpot sa likod namin.

Umismid lamang ako habang si Lena ay agad na huminto sa ginagawa at yumuko sa kapatid ko, nahihiya.

"Wala! Bumalik ka na lamang sa pagbabasa ng mga minamahal mong libro," masungit kong wika. Naiinis pa rin ako sa kaniya dahil hindi niya ako sinamahan sa pamamasyal sa pamilihan kahit na kinukulit ko siya tungkol doon.

Bumuntong hininga siya, agad na lumapit sa akin at inakbayan ako.

"Galit ka ba dahil hindi kita sinamahang mamasyal sa labas?" marahan niyang tanong.

Umirap ako at tinanggal ang kamay niya sa balikat ko. "Hindi," blanko kong wika at naglakad papasok sa aming tahanan. "Bakit naman ako magagalit?"

"Ashtrea, sandali lamang!" Sinundan niya ako at muling inakbayan. "Sige, bukas ng hapon ay sasamahan kitang mamasyal at bibilhin ko ang palamuting nais mo," pag-aalu niya sa akin. "Huwag ka nang magalit, alam mo namang ayokong nagagalit ka sa akin, kambal ko," masuyo niyanh wika.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now