Kabanata 2

271 8 1
                                    

INILILIBOT ko ang aking paningin sa paligid habang tinatahak ang pasilyo ng palasyo, nasa likod ang dalawang kamay. Isinama ako ni Ama ngayon dito dahil nababagot ako sa aming tahanan at gusto kong mamasyal. Kanina ay kinukulit ko si Calem, ang aking kambal, na mamasyal sa pamilihan ngunit inuna niya pa ang pagbabasa ng mga aklat kaya rito ako napadpad.

Kasalukuyang nagpupulong ang aking ama kasama ang mga opisyal ng palasyo kaya pinabayaan niya muna akong maglibot mag-isa. Kilala akong anak ng heneral ng mga tagasilbi at kawal kahit minsan lamang akong pumunta rito kaya sa tuwing makakasalubong ko sila ay binabati nila ako.

Sa hardin ng palasyo ang tungo ko ngunit sadyang minamalas ako dahil sa malayo pa lamang ay natanaw ko na ang hambog na prinsipe ng Peridos. Umirap ako sa kawalan at lilihis na sana ng landas ngunit bumilis ang lakad niya patungo sa akin, malaki ang ngiti.

Bumuntong hininga na lamang ako at hinintay ang paglapit niya.

"Magandang araw, Mahal na Prinsipe," labag sa loob kong pagbati, matamlay. Bahagya akong yumuko at akmang aalis na ngunit hinarangan niya ako.

"Ikinagagalak kong muli kang makita, aking binibini." Abot tainga ang pagkakangiti niya na siyang nakapagpasimangot sa akin. Hindi ko talaga gusto ang presensya ng prinsipeng ito, walang ibang dahilan ngunit sa tuwing makikita ko siya ay naiinis ako.

Aking bininini? Gusto kong umismid. Ang bata ko pa para angkinin niya.

"Anong aking binibini? Hindi mo ako pag-aari," pirmi kong wika. Umirap ako at inilihis ang paningin upang hindi ko makita ang nakakainis niyang mukha.

"Hindi pa sa ngayon," may diing aniya at matunog na ngumisi. "Sa pag-upo ko sa trono ay sisiguraduhin kong ikaw ang katabi ko. Maswerte ka dahil ikaw ang napili kong maging reyna. Sa dami ng binibining naghahangad ng isang makisig na prinsipeng katulad ko ay ikaw lamang ang nakikita ng mga mata ko," aroganteng aniya.

Sa pag-upo niya sa trono na matagal pang mangyayari dahil labing limang taon pa lamang siya, dalawang taon ang tanda niya sa akin.

Tumawa ako, hambog talaga.

"Hindi ba ay nababagay lamang ang isang makisig na prinsipe sa isang mabining prinsesa?"

"Nagkakamali ka." Hinarang niya ang mukha niya sa tanawing pinagmamasdan ko. "Ang makisig na prinsipeng ito ay nararapat lamang sa pinagkamagandang binibini sa kaharian ng Peridos na si Ashtrea. Sa pagtungtong mo sa tamang edad ay hihilingin ko sa iyong ama na pakasalan ka. Sasabihin ko rin sa aking amang hari na ikaw ang napili ko."

Kumunot ang noo ko sa inis at lumayo sa kaniya. Sinasabi niya iyon na tila ba siguradong-sigurado siya. At hindi iyon maaaring mangyari!

"Mangarap ka! Hindi ko gustong magpakasal sa iyo!"

Malakas siyang tumawa at lumapit sa akin. "Itaga mo sa bato, darating ang araw na mahuhulog ka rin sa aking kakisigan, Ashtrea," pilyo ang ngiti. Inilapit niya ang kamay sa pisngi ko ngunit agad ko iyong tinapik palayo.

"Hinding-hindi mangyayari iyon," mariin kong wika. "Itaga mo sa bato!" Umismid ako at mabilis na naglakad palayo sa kaniya.

"Akin ka lang, Ashtrea!" sigaw niya dahilan upang mapalingon sa amin ang mga kawal at tagasilbi sa paligid.

Sumimangot ako at mas binilisan pa ang paglalakad, nag-iinit ang pisngi ko dahil sa kahihiyan sa sinabi niya.

"Kamalasan!" inis kong bulong sa aking sarili. Ito ang dahilan kaya ayaw ko siyang nakikita. Palagi niya ako pinagkakatuwaan. Alam ko namang hindi totoo ang mga sinasabi niya.

NAPATINGIN ako sa aking harap nang mabilis na dumaan ang isang palaso. Sa paglalakad ko ay napadpad ako kung saan nag-eensayo ang isang nilalang. Tiningnan ko ang bilog na tudlaan kung saan tumama ang palaso ngunit halos lumagpas pa ito rito kaya bahagya akong natawa. Hangal.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Kde žijí příběhy. Začni objevovat