Kabanata 47

62 2 0
                                    

MARIIN akong nakatitig sa mukha ni Savion habang mahimbing siyang natutulog. Marahil ay ngayon pa lamang siya nakakabawi ng tulog mula noong huli kaming magkita kaya hinayaan ko na lamang siya. Gusto kong maayos siyang makapagpahinga. Magkatabi kami, nakaharap sa isa't-isa habang mahigpit ang yakap niya sa akin. Ayaw akong pakawalan.

Ngumiti ako at marahang hinawakan ang pisngi niya. Gusto ko rin siyang yakapin ng mahigpit ngunit natatakot na magising siya kaya pinigilan ko ang sarili. Sapat na sa akin ang ganito, nasusulit ang sandaling magkasama kami.

Iniiwasan kong mag-isip ng negatibo sa mga sandaling ito. Gusto ko ay puro kasiyahan lamang kapag siya ang kasama. Kapayapaan. Siya ang natatanging nilalang na nagpapanatili ng aking katinuan kaya gusto ko pang magtagal sa kaniyang tabi. Panatag ang loob ko. Pakiramdam ko ay ligtas ako. At tila walang suliraning kinakaharap. Tila normal lang ang lahat.

Nagtagal pa ako sa ganoong posisyon bago nagpasiyang umalis. Kahit gusto kong manatili rito ay hindi maaari. Masyadong magulo ang sitwasyon namin para magsama. Pinagbigyan ko lang talaga ang sarili ko kaya ako nandito ngayon.

Marahan kong inalis ang kamay niyang nakayakap sa aking baywang. Nahirapan ako dahil kahit tulog siya ay mahigpit pa rin iyon. Ngunit buti na lang ay hindi siya nagising, talagang malalim ang tulog.

Hindi namin pinag-usapan ang tungkol sa mga nangyari sa pagitan ng aming pamilya. Ayos sa akin iyon dahil hindi ko rin naman kayang pag-usapan. Halos wala naman talaga kaming pinag-usapan kanina dahil masyado kaming lunod sa presensya ng isa't-isa. Napangiti ako nang maalala ang nangyari sa amin. Patay na patay talaga.

"Mahal kita, aking prinsipe." Pinatakan ko siya ng magaang halik sa pisngi at sa noo bago tuluyang bumangon at umalis sa kama niya. Kailangan ko nang umalis dahil kapag nagtagal pa ako ay baka hindi ko na talaga gustuhing lumayo sa kaniyang tabi.

Kinuha ko ang nagkalat kong damit at agad iyong sinuot.

Muling naagaw ng pansin ko ang larawang pinagmamasdan ko kanina. Hindi ko maiwasang malungkot. Lumapit ako rito at hinawakan, sinalat ko ang bawat kulay na nandito hanggang sa huminto sa mga kulay rosas na dahon ng puno ng sopya.

"Patawad," bulong ko.

Pumatak ang luha sa mga mata ko nang unti-unti itong naging itim, hanggang sa kumalat sa buong larawan. Hindi nagtagal ay naging abo ito. Pinagmasdan ko sa aking kamay ang naiwang abo. Mariing napapikit upang pigilan ang luha. Kalaunan ay mahinang bumuntong hininga at pinagpag ang mga iyon.

Pinunasan ko ang basang pisngi habang inililibot ang paningin sa paligid. Sa isang bahagi ng silid na ito ay may lagayan ng aklat kung saan maraming nakasalansan, sa harap nito ay may bilog na lamesa na may nakapatong na mga aklat at maraming papel. Katabi ang isang punyal.

Lumapit ako roon at kinuha ang punyal, nakapaloob pa ito sa kaniyang eleganteng kaha. Halatang gawa ito sa matibay at mamahaling materyales, masalimuot ang nga pakurbang disenyo. Binunot ko ito sa kaha at hinawakan ang talim, na siyang nag-iwan ng maliit na sugat sa aking daliri.

Mariin kong kinagat ang ibabang labi bago tumingin kay Savion na mahimbing pa rin ang tulog. Muli akong bumuntong hininga at mahigpit itong hinawakan. Hindi na ako nagsayang pa nang sandali at agad lumisan sa silid niya, maingat ang bawat galaw.

Malalim na ang gabi ngunit alam kong gising pa rin ang buong palasyo. Tinahak ko ang pasilyong tinatanglawan ng mga sulong nakasabit sa gilid ng pader. Ilang liko ang ginawa ko bago nakasalubong ang isang kawal. Nagulat pa siya sa nakita, akmang sisigaw ngunit mabilis akong nakalapit bago pa man mailabas sa kaha ang kaniyang espada.

Humalik ang talim ng punyal sa kaniyang leeg na siyang malalim na sumugat dito. Nanlalaki ang mata niyang napahawak sa leeg na ngayo'y puno na ng dugo. Lumabas ang dugo sa kaniyang bibig bago tuluyang bumagsak, walang buhay.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now