Kabanata 12

91 3 0
                                    

PINAGMASDAN ako ni Calem, kunot ang noo sa pagtataka. Kanina pa kasi hindi maalis ang ngiti ko simula nang makauwi ako, hindi naman siya nagtanong kanina dahil tutok siya sa pagbabasa ng aklat. Ngayon ay wala na siyang hawak dahil nasa hapag na kami at naghahanda si Ina ng mga pagkain katulong ang aming tagasilbi, ang ina ni Lena.

"Anong naganap sa inyo ni Prinsipe Savion at hindi maalis ang ngiti sa iyong labi? Bukod sa pagsasanay ay may iba pa ba kayong ginawa?" tanong niya, bahagyang hininaan ang tinig upang hindi marinig ni Ina dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nalalaman na nagsasanay ako sa paggamit ng espada. Ang aking ama naman ay nasa Velnara, ang timog-silangang hangganan ng Peridos. Itinalaga siya roon upang magbantay dahil talamak ang pagpasok ng mga tulisan at barbaro na nagmula sa bumagsak na kaharian ng Cedania.

Kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nalalaman, at sadyang magaling kaming magtago at magpalusot ni Calem.

"Anong sinasabi mo? Ano pa nga ba ang gagawin namin kung hindi ang magsanay!" mahina kong singhal dahil tila may nais pakahulugan ang sinabi niya. Hindi magandang pakinggan.

"Hindi naman ganyan ang ngiti mo kapag galing ka sa palasyo. Ngayon ko lamang nakita ang napakatamis mong ngiti at ang mata mong tila kalangitan sa gabi na puno ng mga bituin." Umiwas ako ng tingin at napanguso, pinipilit hindi mamula ang aking pisngi ngunit nabigo ako nang ituro niya pa ang mukha ko. "Kasing pula rin ng mansanas ang iyong mga pisngi!" malakas niyang wika na narinig ng aming inang papalapit dala ang isang malaking mangkok ng ulam.

Inis kong tinapik palayo ang kamay niyang malapit nang tumusok pa sa pisngi ko, mas lalong nahiya dahil ipinunto niya pa iyon. Magkaharap ang aming pwesto, sa pagitan ng mesa ngunit talagang lumalapit pa siya para lamang asarin ako.

"Ano ang inyong pinag-uusapan?" nagtatakang wika ni Ina, nagtatakang bumaling sa akin. "At bakit nga ba kasing pula ng mansanas ang pisngi mo, Ashtrea?" may tunog panunudyo.

Napahawak ako sa mga pisngi ko nang mas lalong nadagdagan ang aking kahihiyan kahit wala naman silang nalalaman tungkol sa naganap sa pagitan namin ni Savion.

"Hindi naman totoo, Ina! Hindi namumula ang aking pisngi," giit ko. Naiinis na tumingin sa kanila noong sabay silang tumawa.

Matapos ilapag ni Ina sa hapag ang mangkok ay hinawakan niya ang kamay kong nasa magkabila kong pisngi at sinilip ang mukha ko.

"Tama ka, hindi naman namumula ang iyong mukha," nakangiting aniya at bumaling sa kambal ko. "Huwag mo nang asarin ang kambal mo, Calem. Wala namang dahilan upang mamula ang kaniyang pisngi." Kahit pinapaboran ako ay tunog nanunudyo pa rin.

"Ina," nakanguso kong suway sa kaniya at ibinaba ang mga kamay ko.

Umismid si Calem. "Alam ko naman kung sino ang dahilan niyan kahit hindi mo sabihin," bulong niya pa ngunit narinig ko naman. Mahina siyang pinalo ni Ina sa balikat bago bumalik sa kusina upang kumuha ng pagkain.

"Alam mo naman pala, nanunudyo ka pa." Umiwas ako ng tingin at pinagkrus ang mga braso ko.

"Ano nga kasi ang ginawa ninyo? Umamin ka na ba na may pagtingin ka sa kaniya?" Dumukdok pa siya sa mesa upang makalapit sa akin, sabik na marinig ang isasagot ko.

Umirap ako sa kawalan bago inilapag ang mga kamay sa mesa at hinarap siya, muling inilabas ang matamis kong ngiti. Sa amin ay walang sikretong hindi nakakalabas sa isa't-isa, alam ko ang lahat sa kaniya at ganoon din siya sa akin kaya hindi ko na patatagalin pa ang sagot na nais niyang marinig.

"Oo, nauna siyang umamin kaya napaamin din ako," mahina at nahihiya kong wika. "Namangka lamang kami sa lawa ngunit hindi ko alam na ganoon ang mangyayari." Mariin kong itinikom ang bibig ko upang maiwasan ang paghagikhik.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now