Kabanata 32

64 2 0
                                    

NANG tuluyan akong makalayo sa prinsipeng iyon ay napahinto ako, malalim akong bumuntong hininga na para bang ngayon lamang ako nakahinga ng maluwag. Natulala ako sa kawalan, paulit-ulit na bumalik sa utak ko ang nangyari, ang usapan namin.. ang halik.. siya mismo.

Halo-halo ang nararamdaman ko. Hanggang sa hindi ko mapigilan ang pagtulo ng mga luha ko, sunod-sunod, walang patid at tila wala nang makakaawat pa.

Ngayon pa talaga! Ang lakas ng loob niya! Ang kapal ng mukha niya! Para bang alam na alam niya ang katayuan niya sa buhay ko! Mas lalo akong nagagalit dahil siya lamang ang may kakayahang magparamdaman sa akin ng ganito. Dahil mahal ko siya. Dahil alam kong siya lamang ang kaya kong mahalin ng ganito. Ako ang nagbigay sa kaniya ng karapatang ganituhin ako! Nakakainis. Nakakagalit.

Ngunit kahit anong galit at sakit na nararamdaman ko ngayon ay alam kong sa paglipas nito ay mapapatawad ko pa rin siya sa pananakit niya sa akin noon, sa paglimot niya sa akin. Lalo na dahil sinabi niyang mahal niya pa rin ako! Hindi ko na alam kung kaya ko siyang tanggihan sa susunod na sabihin niya sa akin na mahal niya ako. Hangal ngang talaga dahil baka yakap at halik ang iganti ko sa kaniya!

Walang kasing hangal!

Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sarili ko. Kung magmamakaawa siyang bumalik kami sa dati ay agad kong tatanggapin iyon. Walang pag-aalinlangan. Walang pagdadalawang-isip. Mas mabilis pa sa ihip ng hangin!

At habang pumapasok sa isip ko na babalik kami sa dati ay nagdidiwang ang puso ko. Napakahangal!

Ikinuyom ko ang kamay ko at muling pinakalma ang sarili ko. Hindi ko na lang muna ito iisipin sa ngayon. Pumunta ako rito para saglit siyang makalimutan kaya iyon ang gagawin ko. Pag-iisipan ko munang mabuti ang lahat para hindi ako magkamali sa magiging desisyon ko.

Tama. Ito ang dapat kong gawin.

"ASHTREA!" tawag ni Soren kaya agad akong napalingon sa kaniya. Nakasakay kami sa kabayo at pauwi na sa kanilang tahanan mula sa pamamasyal.

Muli akong lumingon sa malayong banda ng daanan kung saan ko nakita ang kabayo ni Savion, kulay puti kasi iyon at natandaan ko dahil sa pagpunta niya sa dalampasigan noong isang araw. Napailing ako at marahang hinatak ang tali ng kabayo ko upang sumunod na sa kanila.

"Sino ba ang tinitingnan mo roon? May sumusunod ba sa atin?" tanong niyang muli sa gilid ko, naging seryoso sa huling naisip. "Kalaban?"

Kahit na alam naming hindi delikado sa lugar na ito ay iyon talaga ang una niyang iisipin dahil na rin sa trabaho namin. Kawal kami ng Peridos kaya palagi kaming alerto sa paligid, lalo na sa tuwing maaalala kung paano kaming dinukot ng mga barbaro noon. Natuto na kami sa pagkakamaling iyon.

"Wala iyon, Soren. Akala ko lamang ay may nakita akong kakilala." Inunahan ko siya para hindi na siya muli pang makapagtanong. Agresibo kong pinatakbo ang kabayo at nakangisi silang nilingon. "Ang bagal ninyo!"

"Madaya!" si Calem.

Sabay silang umismid at pinantayan ang bilis ko. Nagpaunahan kami hanggang sa pumasok sa isang kagubatan, pinili kong lumihis ng landas kahit na hindi ko masyadong kabisado ang lugar na ito.

Nang masiguradong hindi na nila ako masusundan ay huminto ako, seryosong tumutig sa kagubatan. Puro puno at halamang iba-iba ang kulay ang nasa paligid, maganda ngunit hindi ko magawang humanga.

Hindi nagtagal ay narinig ko ang yabag ng kabayong papalapit sa akin hanggang sa huminto ito sa likod ko.

"Nasaan ang mga kasama mo? Hindi ka dapat pumupunta sa ganito kasukal na kagubatan lalo na't mag-isa ka! Ayokong maulit ang nangyari sa iyo noon, Ashtrea," nag-aalala nitong wika.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now