Kabanata 36

55 1 0
                                    

NANATILI akong nakatayo at tulala kung saan ako iniwan ng reyna. Ang luhang kanina ko pa pinipigilan ay unti-unting bumagsak. Tumatak ang lahat ng sinabi niya sa utak ko, hanggang ngayon ay tila naririnig ko pa ang mga iyon sa aking tainga.

Malinaw na hindi niya ako gusto, bilang isang nilalang at bilang babaeng gusto ng kaniyang anak. Ayon pa sa kaniya ay hindi ako nakakabuti para sa mga ito. Marahil ay totoo nga iyon. Ang dapat nilang magustuhan ay ang kapantay nila, dugong bughaw, isang prinsesa. Hindi ang isang hamak na tulad ko, isang kawal na nangangarap maging heneral, at hindi ko pa man nakakamit ang pangarap ay malaki na ang naging kasalanan ko sa kahariang aking pinagmulan. Iyon ang pinakamalaki kong kabiguan bilang isang mandirigma, at bilang anak ng magiting at tinitingalang heneral ng Peridos.

Naiisip ko tuloy na kung tama pa ba na maging heneral ako? Paano kung tama ang reyna na ipapahamak ko ang aking mga kasamahan kung magpadala ako sa bugso ng aking damdamin? Magamit ko ang mapaminsala kong kapangyarihan katulad noon? Mabigong muli ako?

Naaalala ko noong matapos ang nangyari ay nakita ko si Savion. Kung ganoon ay hindi ko lamang pala siya imahinasyon nang araw na iyon. Totoong nandoon siya.. para sa akin. Kahit pa bigla siyang hindi nagparamdam ay pinuntahan niya ako noong malamang nasa gitna ako nang kapahamakan. Isa siya sa mga tinig na gumising sa akin mula sa pagkakalunod ko sa galit noong gabing iyon.

Totoong.. mahal niya ako. Ngunit sa puntong ito ay hindi ko alam kung tama pa ba na magkamabutihan kami. Ayaw sa kaniya ni Ina at maging si Calem. Ayaw naman sa akin ng kaniyang ina. Parang hindi na tama kung ipaglalaban pa namin ang aming pagmamahalan sa gitna ng lahat ng ito. May hidwaan din sila ng isa pang prinsipe dahil sa akin. Magulo, tila hindi umaayon ang tadhana.

Marahil ay.. hindi talaga kami ang para sa isa't-isa. Mas lalo lamang gugulo kung ipipilit pa namin ito ngayon. Siguradong magreresulta ito ng hindi maganda. Tulad ng sinabi ng reyna, lason, isa akong lason sa kaniya, ang unti-unting magpapahina at papatay sa kaniya. Kaya hangga't maaga pa ay lumayo na ako. Gamutin ang lasong maaaring makapatay.

Gustong-gusto kong sundin ang puso ko ngunit kung hindi naman ito makakabuti para sa amin ay huwag na lamang. Kanina ay buo ang loob kong suwayin si Calem ngunit nang makausap ang reyna ay naliwanagan ako.

Pinakalma ko muna ang aking sarili, pinalis ang luha at naglakad muli patungo sa hardin ng palasyo. Maliwanag, puno ng bilog na lampara ang magkabilang gilid ng daan kaya madali itong tahakin. At nang makarating nga ako ay naupo ako sa isang mahabang upuan na gawa sa puting marmol, ginagapangan pa ito ng halaman na nagbigay disenyo rito.

Maganda ang buong paligid ngunit hindi nito napagaan ang pakiramdam ko. Matunog akong bumuntong hininga at tumingala sa madilim na kalangitan, ang tanging nagbibigay liwanag dito ay ang nag-iisang bilog na buwan kasama ang mga nagniningning na bituin. Bigla ay naalala ko ang kwentong naririnig ko noon, ang sabi'y dalawa raw ang buwan ilang daang taon na ang nakakalipas. Malungkot ang kwento sa likod niyon, kung bakit nag-iisa na lamang ito ngayon, na siyang lalong nagpabigat sa aking damdamin.

Marahil ay pareho kami ng kapalaran ng buwan na ito, ang maging mag-isa. Hindi para sa akin ang pag-ibig na nais ko kaya mas mabuting maging mag-isa na lamang. Dahil alam kong hindi na ulit ako magmamahal pa pagkatapos kay Savion. Sa lahat ng lalaking makikilala ko ay siya ang makikita ko, hindi patas kaya kakalimutan ko nang magmahal ulit kung hindi siya ang makakasama ko sa buhay na ito.

"Tila malalim ang iyong iniisip."

Napasinghap ako nang marinig ang malalim na boses na iyon. Agad akong napaayos ng upo at napalingon sa kaniya na ngayon ay nakaupo sa tabi ko. Hindi ko namalayan ang paglapit niya. Marahil ay ganoon nga kalalim ang iniisip ko para hindi mapansin ang presensya niya.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Where stories live. Discover now