Kabanata 4

165 6 0
                                    

NAKANGITI kong itinuro ang magandang palamuti sa buhok, isa iyong paru-paro na gawa sa pilak na may disensyong asul na mga bato, may tatlong nakasabit pa ritong asul din na bato na hugis patak ng tubig.

Tumango-tango siya at kinuha iyon. "Magkano ang halaga nito?" tanong niya sa babaeng manininda.

"Labing-isang baryang pilak, ginoo. Gawa iyan sa pinakamatibay na batong-hiyas kaya malaki ang halaga," wika pa ng manininda.

Nakangiti akong tumango, namangha sa kaniyang sinabi.

"Ano pa ang hinihintay mo, Calem? Bayaran mo na!" masaya kong wika at inagaw iyon sa kaniya.

Inilingan niya lamang ako dahil masyado iyong mahal para lamang sa isang palamuti. Walang reklamo siyang kumuha ng isang gintong barya sa hawak niyang supot ng salapi, ibinigay niya iyon sa manininda at sinuklian siya nito ng siyam na pilak na barya.

Ikinawit ko ang kamay sa braso niya at hinatak upang maglibot sa pamilihan. Nakangiti kong pinagmasdan ang hawak na palamuti, itinutusok ito sa nakapusod na buhok at gagamitin ko lamang sa espesyal na okasyon.

"Hindi ba ay napakaganda nito, Calem?" tanong ko pa sa kaniya, hindi maalis ang mata rito.

"Mas maganda ka pa rin, Ashtrea," aniya dahilan upang mapahagikhik ako.

"Talaga, Calem?"

Umismid siya. "Hindi maipagkakaila iyon dahil magkamukha tayo," mayabang niyang wika. Tumawa ako at hinampas siya sa braso.

"Hindi kaya tayo magkamukha, di hamak na mas may hitsura ako sa iyo!"

Bilang kambal ay hindi talaga pareho ang aming mukha at malaki ang kaibahan ng hitsura namin, may pagkakahawig lamang, ngunit totoong maganda ako habang siya ay guwapo. Marami ang binibining humahanga sa kaniya at marami na rin ang nagpahayag ng pagkagusto sa kaniya ngunit wala siyang interes sa mga ito. Mas pinagtutuunan niya ng pansin ang pag-aaral ng mga kung anong bagay dito sa aming mundo, ang Exo Losairos. At isa pa ay abala rin siya sa laging pagpapaamo sa akin at pagsunod sa mga nais ko.

Hindi na niya nanaisin pang magkaroon ng isa pang sakit ng ulo.

Umismid lamang siya at hindi na umalma pa sa aking sinabi.

"Baka matunaw iyan sa labis mong pagtitig," aniya kaya napanguso ako. Itinabi ang palamuti sa supot na nakasabit sa aking baywang.

Napatingin ako sa kumpol ng mga nilalang sa isang tabi, naglalaro sila ng trumpo roon kaya kuryoso akong nakiusyoso, hatak pa rin si Calem.

Maingay ang mga nilalang na sumisigaw sa kulay ng kanilang pambatong trumpo. Tiningnan ko ang loob ng bilog na guhit sa lupa, tatlong trumpo na lang na iba-iba ang kulay ang naiwang naglalaban doon, nakalabas na ang dalawa pa.

"Dilaw!" sigaw ko sa pambatong kulay dahil iyon ang nakikita kong matapang na lumalaban sa iba pa, malakas ang ikot. "Dilaw! Dilaw!"

"Berde! Berde!" sigaw naman ng katabi kong si Calem kaya inis akong tumingin sa kaniya. Binitawan ko siya at bahagyang tinulak gamit ang aking balikat at tinaas pa ang kamay ko habang sinisigaw ang kulay na dilaw.

Tumawa lamang siya at hindi nagpatalo, mas nilakasan ang pagsigaw. Inirapan ko siya at ipinagpatuloy ang panonood. Lumabas ang kulay pula dahilan upang maiwan ang berde at dilaw.

Pigil hininga kong pinanood ang pagtama nila sa isa't-isa hanggang sa tumalsik palabas ang dilaw. Kasabay kong napasigaw sa pagkadismaya ang ilang nilalang dahil dilaw rin ang nais sana nilang manalo.

"Hindi ako nagkamali! Berde ang nanalo," nagmamalaking wika ni Calem. Inis akong tumingin sa kaniya ngunit tinawanan niya lamang ako.

Muli akong umirap at umalis na roon. Sinundan niya ako at umakbay sa akin.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon