KABANATA 15

3 0 0
                                    

Tahimik ang naging pamamalagi ng magkapatid sa maliit na kubong pinagtataguan, malayo sa siyudad na ngayon ay nilulukuban ng mga ganid na hapon, tinupad nga ni Gregorio ang kanyang pangako sa kapatid na hindi na kailanman babalik sa pangkat ng guerilla o makikipagpunyagi man sa pag-aaklas laban sa mga hapon. Nanatili silang nanirahan sa kagubatan hangga't hindi pa nagagapi ang mga mananakop. Hiling din nila na mapalaya na ang buong Pilipinas at manaig ang kapayapaan.

Lumabas ang magkapatid sa kubo, kalmado ang panahon, maririnig ang huni ng ibon at banayad na simoy ng hangin. Nagtatanim si Gregorio ng ilang halamang gulay at ilang binhi sa paligid ng kubo at diniligan din matapos itong tamnan. Pinupulot naman ni Mona ang mga tuyong sanga sa paligid.

"Mona huwag kang lalayo," paalala ng panganay na kapatid.

Sariwa pa rin sa alaala ni Mona noong muntik na siyang halayin ng sundalong hapon na gumagala sa kagubatan. Ayaw ni Gregorio na mangyari ulit iyon. Ipinangako niya sa kanyang kapatid na hindi na ito iiwan ng mag-isa. Mailap ang mga hapon sa mga militanteng grupo pagka't ang ilan dito ay nagtatago sa kabundukan at kagubatan.

Medyo napalayo si Mona sa pangunguha ng pang-igagatong, sa pagpapatuloy, may napansin siyang tao na nakabulagta, mantsado ng dugo ang buong likuran ng damit. Nabitawan niya ang hawak na kahoy at agad na nilapitan ito. Gulat na gulat si Mona nang tumambad sa kanya ang nakahandusay sa lupa. Walang iba kundi ang duguang katawan ni Leonardo. Umiling at napakabig sa punong-kahoy. Hindi niya magawang tingnan ang hindi na humihinga na si Leonardo.

Madali siyang bumalik sa kubo at humahangos, nanginginig ang boses. Aligaga siyang lumapit kay Gregorio, hindi siya makapagsalita dahil hindi pa rin makapaniwala sa kanyang nakita.

"Bakit ka humahangos? Sabihin mo!" Tanong ni Gregorio na labis ang pag-aalala.

"S-Si..." sagot ni Mona na patuloy sa pagtangis.

"Ano ba Mona? Magsalita ka!"

Tumakbo palayo si Mona, siya'y sinundan ng kanyang kuya. "Mona saan ka paroroon?!" Sigaw ni Gregorio. Hinabol niya ang kapatid at nadatnan ang kalunos-lunos na sinapit ni Leonardo 'di kalayuan sa kubo. Tinatakpan ni Mona ang bibig sa pag-iyak. Hindi niya magawang tingnan ang tuyong dugo sa katawan nito.

"H-Hi..." Napaluhod si Gregorio sa kanyang nasaksihan.

Nag-umpisang humagulgol ang panganay na kapatid, itinihaya niya ang nakabulagta na si Leonardo. 'Di niya mapigilang magngitngit sa galit, "Hayop silaaaa!!!" Walang araw na hindi nila tinangisan ang malamig na bangkay ni Leonardo.

Napaluhod din si Mona dahil sa labis na pighati. Ilang oras nilang ipinagluksa ang kaibigan na si Leonardo.

"Magbabayad sila!!!" Galit na sambit ni Gregorio habang nililigis ang damo dahil sa labis na pagkapoot.

Dinala ni Gregorio ang bangkay ni Leonardo sa lugar kung saan siya natagpuan. Naghukay siya ng mababaw na kasing taas ng isang pulgada gamit ang kawayan. Mabilis nitong tinabunan ang lupa, isinama din sa hukay ang baril ni Leonardo. Matapos mailibing ay tulala ang magkapatid. Waring naibuhos ang lakas sa pagtangis. Malungkot nilang nilisan ang puntod nito.

Habang unti-unting lumulubog ang araw, bakas sa kanilang mga mukha ang matinding kalungkutan. Hindi sila umiimik at kumain ng hapunan na kamote at gulay. Naaalala pa ni Mona noong siya'y iniligtas ni Leonardo sa sundalong hapon. Lalong hindi niya malilimutan pinaka-unang halik mula sa kanyang mga labi. Tinapos nila ang pagkain na hindi man lang nag-uusap. Sariwa pa rin ang nangyari sa kanilang isipan. Para bang binagsakan sila ng langit at lupa. Kaagad ding natulog sa madilim na gabi...

Pagsikat ng araw, isang dagok ang kanilang kahaharapin. Inutusan ni Gregorio na maghanda dahil lilisanin nila ang lugar. Nagtanong si Mona kung saan naman sila pupunta, sagot ni Gregorio ay, "Sa ibang bayan, iba ang kutob ko." Nag-impake ang magkapatid upang umalis sa tinitirhang kubo.

Inutusan ni Hikorio ang kanyang commanding officer na si Takeda upang muling suyurin ang kabuuan ng kagubatan at malupig ang mga nagtatagong guerilla. Sinunod nito ang utos, madaling sumakay ang mga tauhan niya't umalis.

Ipinagpatuloy pa ng sundalong hapon ang kanilang paggalugad sa liblib na kagubatan. Sa pangunguna ni Takeda napansin niya ang isang trak na nakatengga sa talahiban. Inutos ng commanding officer na ipagpatuloy ang paghahanap hanggang sa makarating sila sa kakahuyan. Kasalukuyang umaalis ang magkapatid pero paglabas pa lang ni Gregorio sa kubo ay sumambulat sa harap niya ang grupo ng mga sundalong hapon na paparating. Agad siyang tumakbo pabalik sa kubo.

Malakas niyang isinara ang pinto. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin. Si Mona naman ay nagbabalot ng damit nang makita ang kanyang kuya na pumasok at balisang-balisa.

"Kuya bakit???" Tanong ng dalagang kapatid na labis na nangangamba.

"May mga hapon! Magtago ka!" Sigaw ni Gregorio.

Nabigla si Mona sa sinabi ng panganay, 'di siya magkanda-ugaga, hindi niya alam kung saan maaaring makapagtago.

"Sa ilalim ng kama!" Utos ni Gregorio.

Sumiksik nga si Mona sa ilalim ng kamang kawayan. Maya-maya pa ay nakarinig si Gregorio ng malakas na kalabog. Pilit na hinaharangan ng katawan ang pintuan. Hanggang siya'y napaatras nang mabuwal ang pintuan. Pumasok si Takeda kasama ang mga sundalong hapon. Galit ang mukha ni Gregorio nang makaharap sila.

"Anata wa geriradesu ka?" Tanong ng komander kay Gregorio.

Nagtitimpi si Gregorio, 'di niya naintindihan ang sinabi nito at siya'y umiling na lamang. Sa pagtatago ni Mona tinakpan niya ang bibig upang 'di makalikha ng ingay. Inutusan ng komander na halughugin ang buong kubo. Hanggang sa matagpuan ng isang sundalo ang baril na nakatago sa mga tuyong hibla ng abaca. Hanggang sa nabisto din ang pinagtataguan ng dalaga, inangat ang kama at lumantad sa kanila si Mona na takot na takot.

"Oraka!!!" Ani ng komander, nakatikim si Gregorio ng suntok at sipa dahil sa pagsisinungaling.

Inaresto ang magkapatid at sila'y inilabas sa kubo. Sinabunutan si Mona sa harap ng komander, nag-init sa galit si Gregorio at pumalag pero lalo lamang siyang nasaktan.

"Monaaaaaaaa!!! Bitawan niyo ang kapatid ko!!!" Sigaw ni Gregorio na pilit inilalayo sa bunso.

"Kuyaaa!!! Huwaaggg!!! Maawa kayo!" Pagmamakaawa ni Mona na basag ang boses.

Nanlaban si Mona at kinagat ang kamay ni Takeda na humuli sa kanya. Napahiyaw ang komander sa sakit, gumanti din ito at lumagitik ang isang malakas na sapak, nasuwag si Mona sa lakas ng sampal. Nagpumiglas si Gregorio ngunit hinampas siya ng baril sa ulo dahilan para lumagapak ang buong katawan sa lupa. Dinagdagan pa ito ng tadyak ng mga sundalong hapon na agarang nawalan ng malay. Kinaladkad siya palayo, napasigaw nang may kasamang paghihinagpis, nakitang nakabulagta ang kanyang kuya sa sahig, tila hindi na ito gumagalaw.

Muli siyang napahiyaw ng barilin ito sa balikat,

"Kuya Gregoriooooooo!!!!!"

Parang sasabog ang kanyang dibdib, hinayaan ng mga hapon na mahandusay ang katawan ni Gregorio at sumakay kasama ng commanding officer. Dinala si Mona sa sasakyan, binusalan ang bibig at iginapos. Iyon ang huling beses na nasilayan ang kanyang panganay na kapatid...

Lulan ng transport vehicle, binitbit si Mona ng commanding officer sa harap ni Hikorio. Napatitig ang tenyente sa mukha ng dalaga. Tila baga may naalala siya... Ang araw na nakita niya sa maliit na studio ang isang portrait, hindi siya maaaring magkamali. Ang dalaga ay siya mismo ang nasa painting, ang mga labi nitong nakakapukaw ng damdamin, unang pagkakita pa lamang ni Hikorio kay Mona, iba na kaagad ang kanyang naramdaman. Tikom ang kanyang bibig at patuloy na minamasdan ang maamong mukha ng dalaga. Dahil doon ang commanding officer ay nagpasya na ikulong siya sa Fort Santiago sa Intramuros na ngayon ay ginawang garrison ng mga hapon.

Sa Patak Ng LuhaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon