KABANATA 1

30 2 0
                                    


Taong 1938, tahimik at payak ang pamumuhay sa isang maliit na lansangan sa Santa Cruz Maynila. Hindi pa ganoon karami ang kabahayan tulad ng bahay na bato (sinaunang bahay na buhat sa panahon ng espanyol), maririnig din sa lansangan ang iba't-ibang inaalok na paninda tulad ng sorbetes. Sa isang malawak na lupain kung saan naninirahan ang pamilya na mayroong kaya sa buhay, sa isang silid may isang dalagang nakadungaw sa kanyang bintana animo'y minamasdan ang tao't ilang sasakyang umaalpas sa gitna ng kalsada. Siya ay may maputing balat na maihahalintulad sa mestiza, hindi gaanong kabilugan ang mga mata, may maamong labi't nakalugay ang buhok. Ang kanyang ngalan ay Mona Dela Fuente. Noong nag-aaral pa siya ay marami sa kanya ang nagkakagusto umabot pa nga sa puntong pinipilahan ang panliligaw subalit mas sinunod niya ang kanyang mga magulang na makapagtapos ng kolehiyo. Hanggang sa magkamit ng titulo sa kursong may kinalaman sa sining.

Habang siya'y matagal na nakamasid sa durungawan ay may pumasok mula sa pintuan ng kanyang kuwarto. Isang may-gulang na babae, may putong sa ulo, makapal na suot na baro't saya. Siya ay si Maria Dela Fuente ang ilaw ng tahanan na tinatawag ding Inang. May dala itong lalagyan na isang tasa't mga tinapay,

"Mona mag-almusal ka muna, heto ang pandesal tsaka salabat," wika nito bago isinara ang pinto.

Lumingon ang dalaga sa kanyang likuran, ipinatong ang pang-agahan sa maliit na aparador, umupo siya sa kanyang higaan ngunit sumagi sa isip nito ang isang bagay dahilan para siya'y magmukmok. Pansin ito ng kanyang ina pagkat iniabot ang pagkaing pang-agahan,

"Tila malalim ang iyong iniisip?"

"Inang..." Ani ni Mona.

"Ako'y nakapagtapos na sa isang unibersidad subalit bakit ako ngayon ay nasa bahay at hindi makapaghanap ng trabaho gaya nang ginagawa ng mga kalalakihan," dagdag pa niya. Ngumiti ang ina na si Maria tsaka sinagot ang tanong ng kanyang bunsong anak,

"Ang mga kababaihan ay malayang maka-aambag sa'ting lipunan, sa panahong ito ay makapamimili ka ng trabaho kung iyong nanaisin ngunit kailangan pa natin itong isangguni sa iyong ama."

Kahit papaano'y naibsan ang katanungan sa kanyang isipan yamang sa panahon ng kastila ang mga babae ay tanging nasa bahay lamang at ang mga kalalakihan ay siyang lumalabas upang makapaghanap-buhay. Kumuha ng tinapay at humigop ng maligamgam na tsaang luya habang sinusuklay ng ina ang nakalugay niyang buhok. Biglang napansin ni Mona na nanunuyot ang bulaklak sa paso kaya't nang matapos siyang ayusan ay naki-usap ito na kung maaari ay payagan siyang makapamili ng bulaklak sa pamilihan.

"Inang maaari niyo po ba akong pahintulutan na makapamili ng bulaklak sa Carriedo?"

"Oo naman basta't huwag kang magtatagal. Akin na ang iyong tsaa upang mailigpit ko na lahat," wika ng kanyang ina.

Dahil doon ay madaling nag-ayos ng damit ang dalaga't nanalamin, hindi siya gaanong mahilig sa mga kolorote o anumang pampaganda sa mukha pagkat hindi siya mahilig dito. Binilang niya ang laman ng kanyang pitaka bago nag-iwan ng halik sa kanyang ina, nagpaalam siya't mabilis na bumaba ng hagdan.

Nasa salas noon ang kanyang panganay na kapatid na ubod ng paghihigpit sa lahat ng oras na ginagawa sa buong buhay nito. Habang nagbabasa ito ng pahayagan ay narinig niya ang yabag sa kahoy na hagdan, ibinaba ng bahagya ang binabasang diyaryo habang palihim na sumisilip, nakita nito ang kapatid na papalabas ng pintuan kung kaya't sinita siya.

"Ehem! Mona at saan ka paroroon?" Tanong ng kuya.

Siya ang panganay na kapatid ni Mona, si Gregorio, parehong maputi ang kanilang mga balat, balingkinitan at singkit ang mga mata. Suot ang maputing pang-itaas at pang-ibaba. Palagi siyang pinangangaralan ng kuya sapagkat ganoon na lang nito kamahal ang nag-iisang kapatid na babae. Siya ay nakapagtapos sa mataas na paaralan, hindi na ito tumuntong sa kolehiyo sa halip ay tumulong na lamang sa negosyong pag-aabaca ng kanilang ama.

Sa Patak Ng LuhaWhere stories live. Discover now