SIMULA

58 2 0
                                    


Ang Maynila ang pinakapusod ng Pilipinas, tinatawag din ito noon bilang Reyna ng Pasipiko o Pacific Queen. Sa mahigit tatlong daan at tatlumpung taong pananakop ng kastila ay sumunod namang naghari ang mga amerikano noong 1900. 'Di gaya nang naunang mananakop ay nagkaroon ang bansa ng kasarinlan, umusbong ang bagong teknolohiya na nagpadali sa pamumuhay ng bawat Pilipino. Ang mga dating malalaking barkong yari sa kahoy ay napalitan ng metal na ginagamit ang makinarya, mga daanan na maiiksi ay mas pinalapad upang pagdugtungin ang siyudad at ilang mga nayon. Sa sentro ng kamaynilaan ang mga sasakyan sa kalupaan ay nagkaroon ng de-motor, mga trambiya o monorail na siyang magpaparoo't-parito saan man nais pumunta ng mga pasahero. Mayroon ding matataas na gusali gaya ng hotel, bangko, opisina, na siyang itinayo sa panahon ng amerikano.

Ang Escolta isa sa pinakamaraming tao na madalas ay napupunan ng maraming sasakyan, nandito kasi lahat ng establishments tulad ng sinehan, pamilihan at mga mamahaling kainan (restawran). Isa pang lugar sa Maynila ang hitik sa kasaysayan na madalas ay dinadagsa rin ng mga tao, ang Rizal Avenue na hango sa ngalan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal anupa't tinatawag rin itong Calle Cariedo o lansangan ng Cariedo. Avenida Rizal (ngayon) ang katawagan sa lugar na iyon, napakasikat noon dahil ito ang sentro ng komersyo. Makikita rito ang matatayog na poste na may kable kung saan tuwing gabi ay naiilawan ang lugar, gumagamit na rin noon ng radyo, telegrapo at telepono na pangunahing kasangkapan upang mapadali ang komunikasyon at pagpapalitan ng produkto maging sa transportasyon

Masasabing mas naging maunlad ang pamumuhay ng mga Pilipino kumpara sa kamay ng mga kastila, naging tulay din ito upang maging mahusay ang bansa sa paggamit ng wikang ingles na itinuturo sa mga paaralan. Naging matibay ang ugnayan ng dalawang lahi bagaman tinitingala ang mga puti (dayuhan) ay 'di maiiwasan ang pagkakaroon ng dominasyon sa'ting lipunan. Naging kaugalian din ng mga Pilipino ang pagpunta sa simbahan at niyakap ang relihiyon ng Katolisismo, tunay ngang makadiyos at hinding-hindi mawawaglit ang paniniwalang iyon. Ninanasa ng mga amerikano ang kagandahan ng bansang Pilipinas upang ariin ang lupain, nagkaroon din ng pag-aaklas noon kaya't hinayaan tayong magkaroon ng sariling kalayaan at malinang ang kapangyarihan.

Dito nga magsisimula ang kuwento ng dalawang nag-iibigan na sa kabila ng pagsubok at pagdurusa ay walang makakahadlang, anumang dagok ang kakaharapin kanilang susuungin. Masisilayan din sa nobelang ito ang totoong kahulugan sa mga luhang lumilibis sa mga matang nagkukubli't may nais ipahiwatig, sa mga pusong naghahanap ng masasandigan, sa bawat kabiguan na nagtitiwala pa ring may pag-asa at saya. Ang mahahalagang tala sa kasaysayan ay siyang bubuhay sa kaisipan, kamalayan, at maging sa damdamin ng mga kabataan na kung bakit hindi lang sa dalawang nagmamahalan umiinog ang lahat kundi pati na rin ang mga pamanang iniwan nang ating mga ninuno. Sana'y kung maibabalik pa ang kahapon tunay na maisasabuhay ang yaman at ganda ng maynila noon, tanda ng mga aral sa kasaysayan hanggang mapalaya ng lubusan ang ating hinirang na bayan.

Sa Patak Ng LuhaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon