KABANATA 14

3 0 0
                                    


Sa hilagang bahagi ng Maynila, sampu ng mga alagad ni Manuel, sumama si Gregorio bitbit ang isang baril (American Rifle) upang makipagbuno sa mga kaaway na hapon. Nagtungo ang pangkat nila sa Sta. Cruz Bridge, doon ay may ilang nalalabing sundalong Amerikano na nakatakas sa bilangguan at sila'y handang tumulong sa kanilang planong paglusob sa Central Post Office kung saan doon naka-imbak ang pagkain at mahahalagang liham o dokumento.

Pinag-aralan ng mga guerilla kasama ng mga Amerikanong sundalo kung papapaano ang magiging hakbang para makapasok sa loob at masabotahe ang mga kalabang hapon. Matindi ang taggutom, kinakailangan nilang makuha ang ilang naka-imbak na pagkain, dokumento at ilan pang kagamitan gaya ng telegrapo. Nanguna ang mga Amerikanong sundalo sa paglusob, dumaan sila sa likuran ng gusali, sumunod naman na pumasok ang pangkat ng Guerilla. Nang mabisto ng mga nagbabantay ay nagkaroon ng palitan ng putok.

"Fire!" Sigaw ng isang lider na amerikano na pinangasiwaan ang ilang kasamahang tropa at alyansa sa mga guerilla.

Nang matalo nila ang mga hapon ay mabilis nilang kinuha kung ano man yaong pwedeng makuha sa loob. Tulad ng armas, mga blueprint at suplay ng pagkain. Sa bawat silid na pinapasok ay nila itong ginagalugad. Ngunit ang mga bilang ng sundalong hapon ay muling nadagdagan. Patuloy na nakipagbuno ang mga sundalong Amerikano upang matulungan ang mga Pilipinong guerilla.

"Bilis! Bilisan niyo! Dumarami ang mga hapon!" Sigaw ni Manuel sa mga kasamahan pagka't nagdagdag ng sundalo ang mga hapon upang mapatumba sila.

Sinalubong ng mga hapon ang mga guerilla na lumalabas ng gusali at may bitbit na ilang bagay na nakulimbat, nagkaroon muli ng putukan. Ilan sa kasamahan ni Manuel ang nalagas kabilang ang dalawang kalalakihan gayundin sa panig ng mga Amerikano. Nakapagtago si Gregorio sa malaking pader habang unti-unting nakikitang natutumba ang mga kaalyado. Gumanti din siya ng putok upang makatakas palayo sa gitna ng labanan.

"Atras! Atras!" Sigaw ni Manuel sa ilan niyang tao na sugatan. Napakalakas ng puwersa ng mga hapon. Habang tumatakbo si Gregorio kasama ng ilang nakaligtas na guerilla, ay lumingon siya sa likuran, nakita niyang naiwan ang mga kasamahan na sugatan na patuloy na nakikipagbakbakan sa mga hapon. Ninais man niyang balikan sila subalit biglang sumagi sa isipan ang tungkol sa kanyang ipinangako sa kapatid na uuwi siyang ligtas. Bitbit ang nakuhang supot ng pagkain ay agad na nakahinga ng maluwag noong makatakas sa labanan. Bumalik siya kasama ng mga nalalabing miyembro ni Manuel sa kagubatan.

Nakahiga noon si Mona sa kanyang kamang de kawayan, kasagsagan ng dapit-hapon. Parating bumabalik ang sandali na hinalikan siya ni Leonardo sa labi, hindi niya pa rin makalimutan ang pangyayari. Nagkaroon siya ng tampo sa binatilyo, turing pa naman dito ay isang kaibigan ngunit nagbago ang lahat ng iyon nang maipagtapat sa kanya ang tunay na nararamdaman ni Leonardo. Parang mababaliw si Mona sa kaiisip, sinong mag-aakala na ang binatilyo ay mahuhulog sa kanya.

May kumatok sa pintuan. Agad na bumangon si Mona sa pagkakahiga, siguradong ang kanyang kuya ay nagbalik na. Pinagbuksan ito, agad na pumasok ang panganay na kapatid. Pansin ng dalaga na may dala-dala si Gregorio na malaking balot ng tela habang nakasabit sa balikat ang mahabang baril.

"Kuya salamat at nakabalik ka," ani ni Mona na sabik na makita ang kanyang kuya. Itinago ng panganay ang hawak na armas sa sulok na may naka-imbak na tuyong abaca.

Humarap siya sa kanyang kapatid matapos maitago ang baril, binuksan ang nakabalot sa isang tela. Isang pagkain ang laman, ikinuwento ni Gregorio ang nangyari sa kanilang pananambang.

"Mona tingnan mo may mga pagkain akong nakuha, nilusob namin ang isang gusali, kinamkam namin ang lahat na kinuha ng mga hapon." Tuwang-tuwa na pahayag ni Gregorio.

Sa Patak Ng LuhaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon