Chapter 31

1.1K 50 18
                                    

Matapos silipin ni Beatriz ang mag-ama niya ay natagpuan niya ang sarili sa loob ng isang maliit na chapel sa loob mismo ng ospital. Tahimik siyang nakaupo habang nakatingin sa altar at patuloy na umaagos ang luha sa mata.

Pakiramdam niya ng mga oras na iyon ay tanging ito lamang ang magiging sagot sa lahat. Kaya kahit hirap kumilos dahil kaoopera lamang niya ay pinilit niya ang sarili. Alam niyang tanging ito ang nag-iisang kakapitan niya ngayon sa oras na down na down na siya.

Hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ang lahat kung ang tanging tao na dahilan ng pagiging malakas niya ay nakaratay at nag-aagaw buhay ng dahil sa kanya. Hindi lang si Jace dahil maging ang bunga ng  pagmamahalan nila ay nanganganib din. Ang sanggol na pinangarap nilang dalawa.

Hindi niya lubos maisip kung ano ang mangyayari sa kanya kung pati ang mag-ama niya ay mawawala sa kanya. Ang totoo ay gusto niyang magalit at sumbatan ang diyos dahil sa lahat ng nararanasan niyang sakit at paghihirap, ngunit hindi niya magawa dahil mas nangingibabaw pa rin sa kanya ang paniniwala niya dito. Na baka gusto lang ng diyos na maging matatag siya sa lahat ng pagsubok na darating pa sa kanya.

Tahimik siyang umiiyak nang maramdaman niyang may taong lumapit sa pwesto niya. Sumulyap siya dito, nakita niya ang babae na tulad niya ay mukhang humaharap din sa malaking problema. Namumula ang malungkot nitong mata at halatang kagagaling lang din sa pag-iyak.

Inabutan siya nito ng tissue kaya napatingin siya sa kamay at mukha nito. Maganda ang babae at maamo ang mukha. Tipid niyang nginitian ito.

"Salamat." Aniya saka niya kinuha ang tissue at pinunasan ang mukha niyang basa na sa luha.

Ngumiti din ito sa kanya at tumabi sa upuan niya. Hindi ito nagsalita at nang sulyapan niya ito ay nakita niyang tahimik lamang itong nakatingin sa altar ng chapel.

Sabi nila mas okay daw na maglabas ng saloobin sa taong hindi mo kilala dahil makikinig ito sayo at kahit magbigay ito ng sariling opinyon ay ayos lang. Kaya hindi na siya nahiya pa at nagsimula na siyang magsalita at sabihin dito ang bigat na dinadala niya.

"Noong una, asawa ko ang kinuha niya. Ngayon naman ay muling nag-aagaw buhay ang lalaking nagpapasaya sa akin at dahilan ng pagngiti ko. Ang lalaking pinakamamahal ko, pati na rin ang anak namin." Tumawa si Beatriz ng mahina at umiling. "Ayaw ata ni god na maging masaya ako. Naisip ko na ang unfair niya. Sa dami ng tao bakit sa akin pa nangyayari 'to." Aniya. Muling tumulo ang luha niya sa mata ng maalala niya ang kalagayan ng mag-ama niya.

Naramdaman niyang nakuha niya ang atensyon nito kaya humarap ito sa kanya na may pag-aalala sa mukha.

"G-Gusto ko ng sumuko sa lahat. Pero sa tuwing iniisip ko sila ay nabubuhayan ako ng loob. Nabibigyan ako ng pag-asa na baka maging masaya rin ako balang araw kasama sila. Pero paano? Ang daming what if sa utak ko. What if, hindi na siya magising pa. Paano kung iwanan niya rin ako tulad ni Kevin?"

Tahimik lamang ito at mukhang pinakikinggan ang lahat ng sinasabi niya. Kaya ipinagpatuloy niya ang pagsasalita.

"Pero sabi nila, everything happens for a reason. Siguro ginagawa lahat ito ni god dahil gusto niyang maging matatag ako. Kung hanggang saan ang pagkapit at pananampalataya ko sa kanya. Pero minsan hindi ko maiwasang magtampo. Masyado ata niya akong paborito para pahirapan ng ganito. Mukha atang natutuwa siya sa paghihirap ko."

Napahagulgol ng iyak si Beatriz at hindi na naitago pa ang sakit na nararamdaman niya. Hanggang  maramdaman niya ang paghaplos at paghagod ng palad ng babae sa likod niya. Para bang sinasabi nito sa kanya na kaya niya ang lahat at huwag mawalan ng pag-asa. Na huwag siyang susuko.

"Siguro gusto lang ituro ni god sa atin na matuto tayong pahalagahan ang mga taong nasa paligid natin habang kasama pa natin sila. Dahil hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama. Na bawat minuto at oras na kasama natin sila ay dapat nating i-treasure." Ani ng babae.

(Agent Series 6) The Widowed and the AgentWhere stories live. Discover now