Chapter 20

1.1K 50 39
                                    

Nang makarating sila sa bahay ay wala pa ring imik si Jace. Tahimik lamang ito at minsan ay natutulala pa na para bang malalim ang iniisip. Hindi tuloy malaman ni Beatriz kung masaya ba ito na buntis siya at magkakaanak na sila o hindi.

Hindi niya maiwasang hindi mag-isip ng kung anu-ano lalo na at nananatiling tahimik si Jace. Gusto man niya itong tanungin at kausapin ay minabuti na lamang niya na manahimik upang hindi na mas lalong madagdagan pa ang nararamdaman niyang sama ng loob.

Nang makapasok sila sa loob ng bahay ay dumeretso si Beatriz sa loob ng silid nila at doon ay maingat na humiga saka tahimik na umiyak upang ilabas ang sama ng loob. Lingid sa kaalaman niya na kausap na ni Jace ang ina at kapatid nito sa kusina habang inihahanda nito ang mainit niyang gatas na inireseta ng doctor para sa pagbubuntis niya.

"Opo, Nay. Huwag po kayong mag-alala. Aalagaan ko po ang mag-ina ko." Masaya niyang sagot matapos magbilin ng kung anu-ano ng kanyang ina.

Masaya ito sa magandang balita na sinabi niya. Matagal na rin kasi itong umuungot sa kanya ng apo na para bang mabibili lamang sa kanto. At base sa tuwa at galak ng boses nito ay alam na niyang masayang-masaya ang kanyang ina.

"Mabuti kung ganon. Alam kong magiging mabuti kang ama sa anak mo, Jace. At ngayon pa lang ay ipinagmamalaki na kita, anak. Kung nabubuhay lang ang ama mo, sigurado akong matutuwa iyon sa magandang balita mo."

"Salamat po, Nay. Huwag po kayong mag-alala dahil susundin ko lahat ng ibinilin nyo. Mag-iingat po kayo dyan. At dadalaw kami ni Beatriz kapag maayos na ang lahat."

"Kayo din, parati kayong mag-iingat. Ipagdadasal ko na gabayan kayo ng panginoon. At huwag mo kaming masyadong alalahanin, anak. Malaki na ang naitulong mo sa amin. Panahon naman para sarili mo ang intindihin mo." Napangiti siya dahil sa tinuran ng ina niya.

Nang makapagtapos siya noon ay nagtrabaho siya ng husto upang mas mabilis siyang makaipon para sa kapatid at ina niya. Pinag-aaral niya noon ng kolehiyo ang kapatid at gusto na rin kasi niyang patigilin sa paglalabada noon ang ina lalo na't na-operahan ito dahil sa sakit sa puso. Ginawa niyang umaga ang gabi at halos wala siyang tulog at pahinga araw-araw sa tuwing du-duty siya sa headquarters noon.

Alam ni Robles at ng mga kasamahan niya ang lahat ng pinagdaanan niya upang marating niya kung ano man ang mayroon siya ngayon.

Madalas din ay sinasalo ng mga ito ang dapat sanang trabaho niya para lang makapagpahinga siya kahit sandali. At malaki ang pasasalamat niya dahil napasama siya sa team na mayroong malalaking puso at mabubuting kaibigan.

Nagbunga ang pagsisikap niya. Nakapag ipon siya at napag-aral niya ang nakababatang kapatid na ngayon ay isa ng ganap na guro at nakakatulong na rin sa mga pangangailangan nila. Binigyan din niya ang kanyang ina ng isang maliit na sari-sari store, upang may mapaglibangan ito at may makatulong na rin sa kanilang mga pang-araw araw na gastusin.

At kahit hindi na siya nakatira kasama ang ina at kapatid ay hindi niya nakakalimutan na sustentuhan ang mga ito kahit pa madalas ay tanggihan na ng mga ito. Kaya kapag hindi tinatanggap ng mga ito ang bigay niyang pera ay ipinamimili na lamang niya ang mga ito ng isang buwang supply ng pagkain at grocery.

Sa awa ng diyos ay naging maayos at matiwasay ang pamumuhay nila. Hindi man mayaman ngunit sapat upang makakain sila ng tatlong beses sa isang araw na may kasama pang meryenda ika nga ng matatanda.

"Sige po, Nay. Pakakainin ko na rin po ang asawa ko dahil baka nagugutom na po."

"Siya, sige. Mag-iingat kayong dalawa, anak. Tumawag ka lang kapag may kailangan ka, hah."

"Opo, Nay. Kayo rin po. Bye, Nay."

"Bye, Anak."

Matapos niyang kausapin ang ina ay nagluto siya ng pagkain para kay Beatriz. Habang nagluluto  siya ay tinawagan niya ang kapitan nila upang ibalita dito ang pagbubuntis ng kasintahan.

(Agent Series 6) The Widowed and the AgentWhere stories live. Discover now