Chapter Eight

5 0 0
                                    

ISANG MALAKAS na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Nanginig ang buong katawan niya at nakita niyang dahan-dahan na humakbang sa kanya ang kanyang ama. Sa ikalawang pagkakataon ay kinilabutan siya ng makita ang mga mata nito. Gumapang na naman ang takot sa buong katawan niya at tiyak aabutin na naman ng ilang araw bago niya maibalik sa maayos ang kanyang pagtulog—o baka hindi na. Kahit ang drugs na ginagamit niya ay hindi na makakatulong sa kanya para kalimutan ang nakita niya ng mga sandaling iyon.

"Hindi ba at sinabi kong iligpit mo siya? Bakit pagala-gala pa rin siya? Bakit kasama pa rin siya ng kapatid mo?" Sigaw ng kanyang ama sa kanya at dinakmal nito ang kanyang leeg. Naramdaman niyang may kakaibang init na nagmumula sa mga kamay nito na pinapaso ang balat sa kanyang leeg.

"P-Papa h-hindi ko rin alam k-kung ano ang nangya—yari," sinunod niya ang gusto nitong mangyari. Patayin si Lia ng gabing iyon. Kitang-kita ng dalawang niya na bumaon sa ulo nito ang bala mula sa kanyang baril, narinig niya kung paano nagmakaawa si Lia at kung paano na pikit mata niyang ipinutok ang baril. Kita-kita niya na bumulagta ito, duguan at dinala niya ito sa malayong lugar kung saan walang makakakita dito. Iyon ang utos ng kanyang ama na kailangan niyang sundin. Kahit labag sa kalooban ay sinunod niya, dahil takot siya rito. Hindi dahil takot siyang mawalan ng kamayaman kundi dahil nakita niya ang isang katauhan nito na hindi pa nakikita ng lahat. Siya lang. Hindi niya alam kung bakit sa kanilang dalawa ni Cole siya pa ang kailangang makakita niyon.

"Ayoko ng lampa, ayoko ng duwag, kung hindi mo kayang gawin ang pinapagawa ko sa loob ng sampung araw ay ikaw ang mananagot Sandro, at alam mong hindi ako nagbibiro sa mga banta ko sa'yo," mariin ang bawat salitang binitawan nito at mas lalong uminit pa ang kamay nito na pumapaso sa balat niya kaya napasigaw siya.

Binitiwan siya nito at saka tumalikod ito.

"Bakit hindi nalang ikaw ang pumatay sa kanya, bakit kailangang ako pa? Dahil sa tingin ko mas kaya mo siyang patayin d-dahil kakaiba ka," sigaw niya dito at sa unang pagkakataon ay nakita niya ang sarili na nangangatwiran sa kanyang ama.

Nilingon siya nito at ngumisi ito. "Hindi pwedeng madungisan ang kamay ko, kailangang malinis akong umupo sa pwesto na iniwan ng iyong lolo." Anito at tumalikod saka malakas na isinara ang pinto ng kanyang silid.

Napaiyak siya sa isang sulok at niyakap niya ang kanyang sarili na takot na takot. Bakit pakiramdam niya hindi ito ang ama na nakilala niya noon? Bakit pakiramdam niya ibang tao na ang kanyang ama? Nagsimula lamang ang lahat ng iyon labing-limang taon na ang nakakaraan ng madisgrasya ito sa probinsiya ng kanilang lolo. Limang araw itong comatose at nagising nalang ito na parang ibang tao. Doon nagsimula ang takot na naramdaman niya dito sa tuwing kaharap niya ito.

ILANG BESES na siyang tumawag kay Sandro ngunit hindi pa rin nito sinasagot ang tawag niya. Kanina pa siya naiirita dahil kanina pa siya naghihintay sa restaurant kung saan sila dapat magkikita. Tumawag sa kanya si Lia kanina at sinabi nito na susunod ito ngunit pakiramdam niya ay hindi ito makakarating. Hindi na niya pinilit ang girlfriend dahil pakiramdam niya ay hindi pa ito handa. Kung ano man ang nangyari ng gabing iyon ay mabibigyan ng kasagutan ngunit mukhang hindi sisipot si Sandro. At naiisip palang niya na hindi darating ang kapatid ay nadadagdagan ang iritasyon na nararamdaman niya.

"Sandro where are you," aniya sa sarili at nagpalinga-linga pa sa loob ng restaurant ngunit kahit anino ng kapatid ay wala man lang siyang nakita.

Tinawagan niya ito ulit ngunit ring lang ang sumagot. Pero pagkaraan ng ilan pang ring ay sinagot ng kapatid niya ang tawag.

"Hey, nasaan ka na kanina pa kita hinihintay? Hindi ka man lang ba sisipot? You are hiding something to me at kapag napatunayan ko na may ginawa kang masama kay Lia I'll swear to God, Sandro I'll kill you," nanggagalaiting wika niya dito at napahigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang cellphone. Dahil kung wala itong ginawang masama kay Lia ay sisipot ito sa pinag-usapan nila.

Miracle That We MeetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon