Chapter One

23 0 0
                                    


"HINDI BA delikado ang ginagawa mo? Parang naghahanap ka lang ng sakit ng ulo? Paano kung mapahamak ka? Hindi pa naman ordinaryong pamilya lang ang gagawan mo ng report," nag-aalalang wika ni Katrina sa kanya mula sa kabilang linya.

Napangiti si Erika sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kanya. She was happily married now. At nagsusumigaw iyon sa buong katawan ng pinsan. Pero minsan annoying din ang pagiging happily married nito dahil parang dapat ay masaya rin siya dahil masaya rin ito. Kung may oras ito ay palagi itong tumatawag sa kanya at nangangamusta, tinanong ang lovelife niya at kung kailan na daw niya ipapakilala dito ang boyfriend niya.

She made a deep sigh, sa totoo lang kahit twenty-nine na siya ay hindi pa rin niya naiisipang mag-boyfriend ulit. Ewan nga ba niya, may mga crush naman siya noon pero sa ngayon wala roon ang isip niya. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay niya. At ang magkaroon ng karelasyon ang huling bagay na gusto niyang gawin sa ngayon.

"Girl, kailangan mo nang maghanap ng boyfriend para hindi na trabaho ang naiisip mo. Kailangan magkaroon ka na ng ibang inspirasyon bukod sa pagkalkal ng history ng iba," wika ni Kelly sa kabilang linya at natawa siya sa sinabi nito. Inagaw na naman siguro nito ang cellphone kay Katrina.

Kahit hindi naman talaga siya original na 'kasapi' ng friendship ng mga ito ay kalaunan naging official member na din siya dahil kay Katrina. Noon, kapag wala siyang trabaho at nagyaya ang mga kaibigan ni Katrina ay dinadala siya ng pinsan. Naging ka-close na rin niya ang mga ito at kalaunan naging kaibigan na rin niya.

"At dapat maghanap na ako ng sarili kong boyfriend at gumawa na kami ng sarili naming history," dugtong niya sa sasabihin nito dahil memorize na niya ang gustong sabihin ni Kelly sa kanya.

"We miss you Erica, sana next time sumama ka na sa amin," tinig iyon ni Liana at napangiti lang siya. Kinukulit talaga siya ng mga ito kanina na pumunta siya ngunit sa dami ng trabaho niya at sa kasalukuyang project na kinuha niya ay wala talaga siyang time na lumabas. Tambak ang mga papel na kailangan niyang i-review at mga interview na kailangan niyang i-transcribe.

"Sorry, girls babawi ako next time at kapag may get-together ulit tayo sagot ko na lahat para makabawi man lang ako," sabi niya sa mga ito at nakarinig siya ng palakpakan.

"Aabangan ko 'yan," tinig iyon ni Sally.

"Oh, sige na baka nakakaistorbo na kami, magpahinga ka ha? At mag-ingat ka, Erica, hindi biro 'yang trabaho mo," si Katrina na seryoso na ang boses.

"Opo, mommy, sige na po mommy, bye na," aniya at tuluyan ng nagpaalam dito.

Nang matapos na ang tawag ay nag-inat siya ng katawan at muling hinarap ang kanyang trabaho. Isa siyang history professor sa UP, katatapos lang niya sa kanyang Doctoral, at ang kanyang project na tinatrabaho ay para sa kaibigan niyang researcher sa isang history TV program sa isang TV network. Alam ni Dess na kapag inihain nito sa kanya ang naturang project ay hindi niya hihindian. Naghahanap lang talaga siya ng tamang panahon para pag-aralan ang naging buhay ng dating presidente ng Pilipinas na si Alfonso De Marco. Isa 'daw' sa mga pinakamagaling na presidente sa buong Pilipinas. Gusto niyang itama ang maling paniniwala ng mga Pilipino tungkol kay De Marco.

Matagal na nanilbihan si De Marco sa bansa dahil sa Martial Law na pinatupad nito. Mahigit dalawampung taon na naging Presidente ito ng bansa, pinakamatagal sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa panahon ng Martial Law, iyon ang pinaka-madilim na bahagi ng bansa, maraming journalist ang namatay, maraming estudyante ang nawala na hanggang ngayon ay hindi nakita. Nawalan ng boses ang mamayan sa panahong iyon. Kahit na napatalsik ang naturang presidente ay hindi ito nagbayad ng kasalanan nito hanggang sa mamatay nalang ito. At inisip pa ng maraming Pilipino na isang biyaya ang panahon kung saan ito ang presidente noon. Kailangang maitama ang pagkakamaling iyon.

Miracle That We MeetWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu