Chapter 39

4.3K 112 17
                                    

NAKAHINGA nang maluwag si Damon nang makita si Phoenix na mahimbing na natutulog sa attic. Kararating lang niya galing sa trabaho at hinanap niya kaagad ang asawa pero hindi niya ito nakita sa living room, sa kusina, sa dating kuwarto nito at kahit sa kuwarto nila kaya nagtungo siya sa attic at doon niya nakita ang mahimbing na natutulog na asawa. Nakatulog ito habang nanonood ng tv na hindi na nito nagawang -i-off na ikinailing niya habang may ngiti sa labi.

Lumapit siya sa kamang hinihigaan ni Phoenix at umupo roon. Kinuha niya ang remote na nasa tabi nito at ini-off ang tv. Inalis niya ang ilang hibla ng buhok na nasa mukha nito bago niya marahang hinaplos ang pisngi ng kanyang asawa. Bumaba ang ulo niya para halikan ito sa noo at ninakawan niya rin ito ng halik sa labi at mahina siyang tumawa nang hindi man lang ito nagising. Bahagya lang itong gumalaw pero nanatili itong nakapikit at mahimbing na natutulog.

Bumaba ang mga mata ni Damon sa tiyan ni Phoenix at may sumilay na malawak na ngiti sa kanyang labi nang haplusin niya iyon. Mabilis na lumipas ang mga araw at anim na buwan ng buntis ang kanyang asawa at sobrang laki na ng tiyan nito na parang hindi lang iyon anim na buwan dahil kambal ang dinadala ni Phoenix, lalaki at babae. Hindi pareho nila iyon inaasahan at ng mga magulang nila kaya sobrang saya nila nang malaman ang magandang balita na doble ang blessing na ipinagkaloob sa kanilang dalawa ni Phoenix.

Magkasama silang dalawa ni Phoenix noong nagpa-ultrasound ito at muntik na siyang himatayin nang ibalita sa kanila ng doktora na kambal ang nasa sinapupunan ng kanyang asawa dahil hindi niya iyon inaasahan. Umiyak siya ng mga oras na iyon habang nakaluhod sa harap ni Phoenix habang paulit-ulit na hinahalikan ang tiyan nito. Walang pagsidlan ang kasiyahan niya noong araw na iyon at agad niyang ibinalita iyon sa mga magulang nila at kay Nana Perla.

Medyo naging abala si Damon sa nakalipas na mga araw dahil tumutulong siya sa mga magulang na ayusin ang nalalapit na kasal nila ni Phoenix bukod pa sa trabaho niya. Plano niyang pakasalan si Phoenix sa simbahan bago pa nito maisilang ang kambal nila. Walang alam si Phoenix sa plano niya at ngayong araw ay balak niyang alukin ito ng kasal. Matatapos na ang preparasyon ng magiging kasal nila at magaganap iyon sa susunod na linggo.

Paulit-ulit na pinatakan ni Damon ng halik ang tiyan ni Phoenix habang patuloy niyang hinahaplos iyon. Idinikit pa niya roon ang mukha para pakiramdaman kung gagalaw ang kambal na nasa sinapupunan ng kanyang asawa at may kumawalang mahinang tawa sa labi niya nang maramdamang gumalaw ang tiyan ni Phoenix.

"Huwag masyadong malikot, babies. Baka masaktan n'yo si Mommy," malawak ang ngiting pagkausap ni Damon sa kambal na parang naririnig siya ng mga ito. Naramdaman niyang gumalaw si Phoenix at hindi nagtagal ay naramdaman niya ang kamay nito sa ulo niya. Hinaplos nito ang kanyang buhok dahilan para mapapikit siya.

"Kanina ka pa? Bakit hindi mo ako ginising?" paos ang boses na tanong ni Phoenix habang hinahaplos ang buhok niya. Ilang beses pa niyang hinalikan ang tiyan nito bago siya umayos ng upo sa kama at hinarap ang asawa.

"Halos kararating ko rin lang. Ang sarap kasi ng tulog mo kaya hindi kita ginising," nakangiting wika ni Damon bago hinalikan sa noo si Phoenix. Pinatakan niya rin nang mabilis na halik ang labi nito. "Bakit dito ka nagpapahinga? Puwede namang doon ka magpahinga sa living room para may kasama ka. Paano ka mababantayan ni Nana Perla kung nandito ka?"

"Mas gusto ko rito. Hindi rin naman ako kailangang bantayan ni Nana Perla. Huwag kang masyadong mag-alala sa 'kin dahil nag-iingat naman ako," sagot ni Phoenix na ikinahinga ni Damon nang malalim. Napag-usapan na kasi nila na bawal na itong pumunta sa attic kung hindi siya nito kasama dahil baka kung mapaano ito lalo na noong lumaki na ang tiyan ni Phoenix.

"Sorry na..." paglalambing ni Phoenix nang manatili siyang tahimik. "Hindi na mauulit, promise. Bati na tayo, please..." dagdag nito. At dahil marupok siya pagdating sa munting babae niya, wala na siyang nagawa kundi ang tumango na malawak nitong ikinangiti.

Damon's PossessionWhere stories live. Discover now