Chapter 9

4.7K 125 23
                                    

"ANG sarap mo talagang magluto. Ang dami ng nakain ko. I'm so full," malawak ang ngiting wika ni Damon matapos nilang pagsaluhan ang niluto niyang sinigang na hipon. Hinaplos pa nito ang tiyan na mahinang ikinatawa ni Phoenix.

"Salamat..." malawak ang ngiting pasasalamat niya sa binata bago siya tumayo at sinimulang dalhin sa sink ang mga platong ginamit nila. Tumayo rin si Damon para tulungan siya. Hinigop pa nito ang natirang sabaw ng sinigang sa mangkok nang makita nitong may natira pa bago nito ibinigay ang wala ng lamang mangkok sa kanya.

"Ang sarap talaga. Puwede ka nang mag-asawa at puwede na rin kitang maging asawa," nakangising wika ni Damon bago siya kinindatan na inikutan lang niya ng mata.

"Akala ko nagugutom ka lang kanina kaya kung ano-ano ang sinasabi mo pero busog ka na't lahat, kung ano-ano pa rin ang lumalabas sa bibig mo. Mas gusto ko pang sinusungitan mo ako kaysa sa mga kapilyuhan at kalandiang tinataglay mo. Kinikilabutan ako riyan sa mga sinasabi mo," wika ni Phoenix na ikinahalakhak ni Damon. Hindi na lang niya ito pinansin, sinimulan na lang niyang hugasan ang mga plato. Hindi pa rin ito umaalis, nanatili ito sa tabi niya at nakahinga siya nang maluwag dahil may distansya sa pagitan nila. Pinanood siya nitong maghugas ng plato at nanatili ito sa tabi niya hanggang sa matapos siya sa ginagawa.

"Wala ka bang gagawin bukod sa bantayan na naman ako?" tanong niya sa binata habang tinutuyo ang mga kamay. Lumabas siya sa kusina at naramdaman niya ang pagsunod ni Damon sa kanya.

"Wala naman. Pero pupunta ako sa attic para doon tumambay. Gusto mong sumama?" tanong ni Damon na ikinatigil niya. Hinarap niya ang binata na kunot-noong nakatingin sa kanya at bakas ang pagtatanong sa mga mata nito kung bakit siya biglang huminto sa paglalakad.

"Seryoso ka? Sinabi kasi sa akin ni Manang Perla na wala kang ibang hinahayaang pumunta sa attic. Pero bakit mo ako tinatanong kung gusto kong sumama?" kunot-noong tanong niya. Malawak siyang nginitian ni Damon habang titig na titig ito sa kanya.

"Bakit, ayaw mo ba?"

"Siyempre, gusto ko," mabilis niyang sagot na mahinang ikinatawa ni Damon.

"Gusto mo rin naman pala, huwag ka na lang marami pang tanong. Sumama ka na lang," wika ni Damon bago siya nito nilampasan. Wala naman siyang nagawa kundi ang sumunod sa binata dahil gusto rin niyang makita kung ano ang mga nasa attic at kung ano ang hitsura no'n. Curious siya sa kung anong makikita niya roon na nagsisilbing studio o workroom nito.

"Akala ko ba pupunta tayo sa attic? Pero bakit narito tayo sa kuwarto mo?" hindi maiwasang tanong ni Phoenix kay Damon nang pumasok sila sa kuwarto nito. Hindi siya pinansin ng binata at sa halip ay binuksan nito ang walk-in closet nito na ikinakunot ng kanyang noo.

Nilingon siya nito nang mapansing hindi na siya sumusunod. "Akala ko ba sasama ka? Ano pang hinihintay mo riyan?" nakataas ang isang kilay na tanong nito. Napahinga siya nang malalim dahil umiral na naman ang kasungitan ni Damon.

"Diyan ba ang daan?" nakangiwing tanong niya bago naglakad palapit sa binata.

Hindi siya nito sinagot, tinalikuran lang siya nito at pumasok sa walk-in closet. Sumunod siya kay Damon at humanga siya nang masilayan ang loob ng walk-in closet nito. Iyon ang unang beses na nakapasok siya roon. Malawak iyon at halos mapuno iyon ng mga gamit ng binata na lahat ay nasa maayos at magandang kinalalagyan. Sobrang linis ng loob ng walk-in closet nito, ibang-iba sa loob ng kuwarto ni Damon lalo na sa umaga na parang dinaanan ng bagyo.

Kaya hindi niya maiwasang hindi magtaka kung bakit sobrang linis at maayos ang loob ng walk-in closet nito samantalang hindi man lang ito marunong maglinis ng sariling kuwarto. Wala rin namang ibang naglilinis ng silid nito kundi siya at simula nang magtrabaho siya sa malaking bahay ay hindi pa siya nakakapasok sa walk-in closet nito para linisan iyon. Kaya ang ibig sabihin lang no'n ay si Damon ang nag-aayos at naglilinis ng mga gamit nito sa walk-in closet. Marunong naman pala itong maglinis at maayos ito sa gamit pero bakit sobrang gulo lagi ng kuwarto nito? Tuwing umaga ay sa kuwarto agad siya nito pumupunta para gisingin ito at para na rin linisan ang kuwarto nito na laging parang dinaanan ng bagyo dahil sa sobrang gulo lalo na ang ibabaw ng kama nito.

Damon's PossessionWo Geschichten leben. Entdecke jetzt