[19] The Manipulator

495 35 3
                                    

[ TIME 19 ]

KAKATUNTONG pa lamang niya noon sa pagkabinata nang mag-usisa siya sa mga bagay tungkol sa iba pang elemento na narito sa mundo. Mga lamanlupa, mga engkanto, diwata, at mga itim na mahika. Naengganyo lamang siya dito nang minsan silang umuwi ng kanilang pamilya sa kanilang probinsya sa Siquijor, lugar kung saan nagmula ang kanyang ama at ina.

"Oh! Anak ko. Kamusta na? Ito na ba ang si Gerry? Aba'y kay laki ng bata ah." Agad na bumungad sa kanila ang kaniyang lolo na may nakapangunyapit pang anting-anting sa leeg. Hindi lingid sa kanya ang lihim na itinatago ng kanilang probinsya. Alam niyang dito naglalagi ang mga mangkukulam, mambabarang, at sinasabing mga engkanto na minsan ng naibabalita sa telebisyon. At alam niyang isa ang kanyang lolo sa mga mambabarang.

Maganda kung tutuusin ang kanilang probinsya. Lalo na kapag umaga. Nagtataasan ang mga puno sa bulubundukin. Malamig sa balat ang tubig sa kanilang batis. Presko ang nalalanghap na hangin. Subalit nababalot naman ng katahimikan ang kanilang lugar kapag gabi.

Sa tatlong araw nilang pagbabakasyon doon, ay marami pa siyang nalaman sa kanyang lolo tungkol sa mga itim na mahika at mga iba pang elemento na minsan ay hindi sinabi sa kanya ng ama. Taliwas kasi ang ama nito sa anumang panuruan ng kanyang lolo tungkol sa mga ganoong bagay. Nais ng kanyang amang mamuhay ng normal kaya't nagpunta ito ng lungsod at doon inabot ang nais na buhay at kung saan siya isinilang.

Kinagabihan, ay tinawag siya ng kanyang lolo dahil sa mayroon daw itong ipapakita sa kanya. Pagdating niya sa kwarto nito ay kanya itong nakita na nakaupo sa isang rocking chair habang nilalaro ang isang kulay itim na bato. Napakagandang bato na kapag naitapat sa sinag ng buwan ay kumikinang ng pagkaganda-ganda.

"Wow! Ang ganda naman po niyan, Lolo." Namamangha niyang sabi at pilit na inaabot ang kristal ngunit inilalayo lamang ito sa kanya ng kanyang lolo.

"Alam mo bang ito ay isang mahawigang kristal? Kaya nitong manipulahin anuman ang gusto mong gawin. Masyado itong mapanganib pero sobrang nakakamangha." Saad ng kanyang lolo na ikinakunot naman ng kanyang noo.

"Ano pong ibig niyong sabihin, lolo?" Untag niya dito.

"Isang kristal na kayang pumatay ng isang tao kung gugustuhin mo. Kristal na kayang gumawa ng anumang masama depende sa nilalaman ng loob ng humahawak ng batong ito." Napalunok siya nang marinig ang sinabi ng kanyang lolo. Sobra pala itong mapanganib. Pero hindi niya mapigilang mamamangha sa taglay na mahika ng kristal na iyon. Gusto niyang makuha ito.

"Makukuha mo ito pag ako'y yumao, apo." Napaangat siya ng tingin sa kanyang lolo nang marinig ang magandang balita para sa kanya. Para tuloy siyang naatat na mamatay ang kanyang lolo nang sa gayon ay mapasakamay niya na ang kristal na iyon.

"Subalit, para magamit mo ang taglay na kapangyarihan ng kristal na ito. Nararapat na may gawin kang isang mabigat na kasalanan."

Lumipas ang maraming taon hanggang sa siya'y makatuntong sa kolehiyo. Malakas pa ang kanyang lolo ng huli nila itong makita isang taon na ang nakalilipas. Ngunit di pa rin maalis sa pagkakakintal sa kanyang isipan ang huli nitong sinabi na magagamit niya lamang ang kristal kung siya ay gagawa ng isang mabigat na kasalanan. Hindi pa din maalis sa kanya ang kasabikang makuha ang itim na kristal.

Sa tuwing oras ng kanyang klase, sa halip na makinig ay gumuguhit lamang ito ng kung anu-anong mga imahe gaya ng mga engkanto, kilalang mamamatay-tao, at mga armas buhat na din na may alam siya sa pagguhit lalo na't ang kursong kinukuha nito ay Mechanical Engineering. Matalino ito sa matalino subalit nalalamon ang utak nito ng mga bagay na may kinalaman sa kasamaan, dyablo, mga elemento ng demonyo, at ano pang masasama. Laman din halos ng kwarto niya ay mga posters at disk ng mga sikat na palabas na may kinalaman sa pagpatay o mga kaluluwa. Wala na ang dati niyang katinuan.

The Devil's TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon