Sumali si Tatay sa yakapan, "Mukhang alam ko na kung sino ang kamukha ng apo natin," nakangising sabi niya kay Nanay.

"Mas gusto kong kamukha ni Alihilani," laban ni Nanay.

"Kung babae...kung lalaki ay pwedeng si Hob na at gwapong bata naman," sagot ni Tatay sa kanya.

"Tapos sa susunod na lang yung babae at kamukha naman ni Alihilani," dugtong pa ni Tatay kaya naman napahiwalay si Nanay sa aming yakap.

"Anong ibig mong sabihin? May pangalawa pa?" gulat na tanong niya.

Tumawa si Tatay. Namanhid naman kaagad ang pisngi ko dahil sa narinig.

"Hindi pa nga naipapanganak ang una nating apo ay nasa pangalawa ka na. Alam mo ba kung gaano kahirap ang manganak?" sermon ni Nanay kay Tatay.

Napakamot na lang tuloy si Tatay sa kanyang batok at mabilis na sumunod kay Nanay pabalik sa may kusina para magpaliwanag dito.

Nakangiti ako habang sinusundan nang tingin ang aking mga magulang. Kung minsan ay parang bumabalik sila sa pagka-dalaga't binata kung magsuyuan.

Bumalik ang tingin ko kay Hob na ngayon ay nagising na. Kita kong hirap na hirap ito sa kung paanong bangon ang gagawin niya. Mukhang inaantok pa pero pilit nang bumabangon.

Imbes na panuorin pa ang pagbangon niya at maging siya ay mahuli din akong nakatingin sa kanya ay dumiretso na din ako sa may kusina para tumulong.

Niluto ni Nanay ang lahat ng paborito ko para sa aming agahan. Nasa kalagitnaan kami nang pag-uuusap nang pumasok si Hob sa may kusina. Nakangiwi ito habang nakahawak sa kanyang likuran.

Nagulat pa siya nang makita niyang kumpleto na kami sa loob kaya naman napa-ayos siya nang tayo at umakto na para bang walang nararamdamang sakit ng katawan.

"Good morning po...Nay, Tay."

Tumikhim si Nanay dahil dito, nagtaas lang ng kilay si Tatay, wala naman akong nagawa kundi ang mapanguso na lang. Babalik na sana ako sa ginagawa ko nang maramdaman ko ang presencya niya sa aking likuran.

Halos mapasinghap nanaman ako nang maramdaman ko ang mainit niyang palad na gumapang mula sa aking likuran, sa bewang, hanggang sa mapunta nanaman ito sa aking sinapupunan.

"Good morning, Miss..." sabi niya sa akin.

Nilingon ko siya at pinandiltan ng mata. Siniko ko pa nang hindi niya kaagad nakuha ang gusto kong iparating sa kanya.

"Kumain na tayo," anunsyo ni Tatay kaya naman ako na mismo ang nagtanggal nang hawak ni Hob sa akin.

Ramdam ko ang tingin niya sa akin habang naghahanda kami para sa pagkain. Isang beses ko siyang sinulyapan pero pumungay pa ang mga mata nito na para bang may hinihintay pa siya mula sa akin.

Kumunot ang noo ko at sinimangutan na lang siya. Baka kailangan nila lang kumain.

"Masarap ito kung naka kamay," sabi ni Tatay na mabilis kong tinanguan.

Naghugas kami ng kamay na dalawa, parang kagaya noong dati na pag nagkakamay siya sa pagkain ay ganoon din ang ginagawa ko. Si Nanay lang ang bihira gawin iyon dahil matapos kumain noon ay hahawak siya ng tela ng mga damit na ginagawa niya kaya naman ayaw niyang maiwan ang amot ng ulam sa kanyang kamay.

"Gusto mo ding subukang magkamay?" tanong ni Tatay kay Hob.

Nilingon ko si Hob, mabilis siyang tumayo at nagtungo din sa may lababo para maghugas.

Pagkabalik niya ay nagsimula na din kaming kumain. Mas lalong sumarap ang tuyo, sinangag, itlog na may maraming sibuyas, may longganisa din, kamatis, at sawsawang suka na maraming bawang.

When the Moon Heals (Sequel #2)Where stories live. Discover now