Kahit naka-swero ang isang kamay ay nagawa pa niyang pahiran ang luha sa aking mga mata.

"Natakot po ako, Nay..." sumbong ko sa kanya.

"Natakot din ako..." pag-amin niya sa akin kaya naman mas lalong nanlabo ang aking mga mata.

"Gusto ko pang makasama ang Alihilani ko," sabi niya sa akin.

Mas nasaktan ako dahil sa narinig. Mas nasaktan ako ng malaman kong takot din si Nanay na iwan kami kaya naman gagawin ko ang lahat para gumaling siya.

Tinawag ko kaagad ang Doctor pagkagising niya. Mabuti naman ang lahat kay Nanay sabi nito at kailangan lang talaga ng pahinga. May inabot din siya sa aking reseta ng mga gamot na kailangang bilhin.

"Sandali lang po ako, Nay."

Bago pa man ako tuluyang makaalis ay hinawakan niya na ang aking kamay para pigilan ako.

"Mahal dito? Bakit hindi na lang ward ang kinuha natin?" tanong niya ng mapansing niyang kami lang ang tao sa kwarto dahil bakante pa ang isang kama sa kanyang tabi.

"Wag niyo na pong isipin ang gastos, Nay. Ayos na po ang lahat..." paninigurado ko sa kanya.

Tipid siyang tumango kahit kita ko ang pag-aalinlangan sa mukha niya ng muli niyang pinasadahan ng tingin ang buong paligid.

Lumabas ako sandali para pumunta sa Pharmacy, matapos ibigay ang mga nakalistang gamot sa akin ay pinalipat naman ako sa accounting para doon iyon bayaran.

Pina-inom ko kaagad si Nanay ng gamot matapos niyang kumain ng tinapay. Ramdam ko ang panunuod at tingin niya sa akin habang may ginagawa ako.

"Kamusta ang Maynila? May mga litrato ka ba?" tanong niya sa akin.

Sandali akong napahinto at tumingin sa kanya. Hindi ito ang tamang panahon para malaman ni Nanay ang nangyari sa amin ni Hob. Wala din naman sa plano ko na sabihin sa kanya ang buong detalye.

"M-mayroon po, Nay..."

Lumapit ako sa kanya para ipakita ang ilang litrato na nasa aking cellphone. Kaunti lang ang nandoon dahil halos lahat ng litrato ko at naming dalawa ni Hob ay nasa phone niya. Sayang lang ang mga iyon, sigurado akong binura niya na.

"Bagay ka sa Maynila..." sabi ni Nanay sa akin.

Tipid lang akong tumango habang pinapanuod siyang tingnan ang mga litrato ko. Hindi nawala ang ngiti sa labi niya habang ginagawa niya iyon.

"Ang gwapo ni Hob dito..." turo niya sa isang litrato ni Hob na ako ang kumuha na hindi niya alam.

Kahit ayoko munang alalahanin ang Manila ay napilitan akong magkwento tungkol doon para kay Nanay.

"Kasama mo ba si Hob nang umuwi ka dito? Kailan siya babalik? Hindi pa ako nakakapagpasalamat sa kanya," si Nanay.

Napabuntong hininga ako. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya na hindi na babalik si Hob dahil sa nangyari. Ni hindi ko nga din iyon masabi mismo sa akin dahil hindi ko din alam kung paano tatanggapin ang katotohanang iyon.

"May hindi ka sinasabi sa akin?" tanong niya. Kaunting salita na lang ay mukhang bibigay na talaga ang mga luha ko kay Nanay.

"Uhm...Nasampal ko po si Vera. Mabigat po sa dibdib dahil alam kong hindi tama na manakit ng tao lalo na ng kaibigan kahit galit ka pa..." pag-amin ko kay Nanay.

Hinawakan niya ang kamay ko. "Walang kasalanan si Vera sa nangyari sa akin. Simula ng malaman niyang naka-uwi na ako sa atin...araw araw siyang pumupunta doon para samahan ako. Inalok pa nga niya akong doon muna sa kanila habang wala ka..." kwento ni Nanay kaya naman mas lalo akong nakaramdam ng guilt dahil sa nagawa ko.

When the Moon Heals (Sequel #2)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora