Chapter Twenty Three

84.3K 1.8K 53
                                    

Isang linggo na ang nakakaraan simula noong inamin ni Stephen ang nararamdaman para sa akin, at batid ko ang kakaibang sigla na ipinapakita niya. Hindi na siya ang dating Stephen na panay kunot ang noo, o ang dating antipatikong Stephen. Paminsan-minsan naman ay nakikita ko pa rin ang nakakatakot na Stephen. Tulad noong nakaraang araw, nakita kong salubong ang kilay niya at kitang-kita ko ang pagpigil niya sa kanyang galit habang may idinedetalye sa kanya ang isa sa kanyang mga tauhan. Ngunit, nang nakita niya akong sumilip sa may pinto ay umaliwalas muli ang mukha nito at napangiti.

Pansin ko rin ang pagbabago sa pagtrato sa akin ng mga tauhan ni Stephen. Kung dati ay hindi nila ako kinakausap kung hindi naman kailangan, ngayon naman ay panay ang bati nila sa akin tuwing makakasalubong ko sila.

Masaya ako sa takbo ng mga pangyayari. Ngunit minsan ay hindi ko maiwasan ang mag-isip tungkol sa relasyon naming ito. Tatanda rin ako, habang si Stephen ay mananatili sa kung ano man ang anyo niya ngayon. Kukulubot din ang balat ko, puputi rin ang buhok ko. Si Stephen naman, dahil sa kanyang pagiging bampira, ay mananatiling bata. Paano na lamang kung dumating ang panahon na uugod-ugod na ako, matanda na at nakabaston, katabing naglalakad ang isang napakaguwapong, batang Stephen? Mawawala rin ang kagandahan at kabataan ko, habang si Stephen ay hindi magbabago. Mamahalin pa kaya niya ako?

"Kahit ano'ng mangyari, mamahalin pa rin kita," ang sabi niya noong sinabi ko sa kanya ang gumagambala sa aking isipan. "Kumulubot man ang mukha mo, pumuti man ang buhok mo, nakasuot ka man ng adult diaper—" hinampas ko ang braso niya dahil sa kanyang sinabi bago siya nagpatuloy "—hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa 'yo."

Napangiti ako sa kanyang turan. Bakit ba ako nag-aalala? Naniniwala ako sa kanyang sinabi. Ramdam ko ang pagmamahal niya para sa akin. May tiwala ako sa pagmamahal ni Stephen para sa akin. Kailangan kong magpakatatag at maniwala sa kanya. Hindi ko lamang maiwasan ang mag-alala para sa aming kaligtasan.

Isang linggo na rin niyang inaayos ang aming pag-alis sa bansang ito, kaya naman madalas ay abala ito.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kanya.

"Sa Prague. May matitirhan na tayo roon. May kaibigan akong handang tumulong sa atin doon," sagot niya sa akin.

"Pero sapat na ba ang isang linggong preparasyon para roon? Hindi ba kailangan natin ng Visa para makaalis ng bansa? May passport ba ang mga bampira?"

Tumawa lamang si Stephen sa mga tanong ko. "Masyado kang nag-aalala. Ako na ang bahala sa mga iyan. Isa pa, para saan pa't marami akong pera kung hindi ko ito gagamitin para malutas ang ating suliranin?"

Naniniwala ako sa kakayahan niyang malutas ang problema namin. Gusto ko siyang makasama, kung pupwede pa nga ay sana makasama ko siya habambuhay. Ngunit ayokong isipin na may batas siyang lalabagin, lalo pa't kung ito ay ikapapahamak niya.

"Don't worry. Wala akong ilegal na gagawin," dagdag pa niya. "Or atleast hindi ilegal ang gagawin ko sa batas naming mga bampira," sabi niya sabay kindat bago niya ako ginawaran ng isang matamis na halik at umalis ng mansyon.

Napabuntong-hininga lamang ako. Akala ko ay kung mapaamin ko si Stephen na mahal niya ako ay magiging maayos na ang lahat. Hindi ko inaasahan na mas lalo pa palang magiging kumplikado ang lahat.

"Elizabeth, masyado kang nag-aalala. Wala ka bang tiwala sa iyong lover?" saad ni Violeta na pumutol sa aking pag-iisip.

Lover? Hindi ba puwedeng boyfriend muna? Namula ang aking mga pisngi. Hinayaan kong takpan ng aking mahabang buhok ang magkabilang pisngi ko at itinuon ang atensyon sa aking hapunan.

Humalakhak naman si Violeta. "My, my. Ngayon ka pa nahiyang tawaging lover si Stephen? After that spectacular and wild night you gave him last week?"

MINEWhere stories live. Discover now