Chapter 8

3.4K 46 1
                                    

Angel's P.O.V.

"Hay naku, ang iingay!" Inis na sabi ni Cherry dahil sa mga batang maiingay na naglalaro dito sa loob ng computer shop namin.

Naisipan kong puntahan ito dahil bihira lang akong nakakapunta dito lalo na at nag-aaral pa rin ako. At para na rin matulungan ko si Cherry kung sakaling may gagawin man s'ya dito ngayon.

Tinawanan ko s'ya. "Oh ano? Kaya mo pa bang magbantay dito?" Tanong ko at nilingon ang mga batang naglalaro at ang mga batang naghihintay kung kailan matatapos ang time ng iba.

"Kailangang tiisin. Kung hindi naman dahil sa mga 'yan, wala itong computer shop na ito." Aniya.

Oo medyo maingay. Pero sanay na ako pagdating sa ingay. Lalo na sa ingay ng pamilya ko sa tuwing umuuwi ako sa bahay.

"Paano kapag dumami ang PC natin at mas dumami ang pupunta dito?" Tanong ko. "Edi mas lalong magiging maingay."

"Ako na ang bahala doon." Aniya.

"Okay." Sabi ko.

Tumambay na muna ako dito sa shop. Nagbantay rin ako dahil may kailangang gawin si Cherry sa bahay nila. Sinamantala n'ya muna habang nandito ako at tatapusin n'ya muna ang gawain sa bahay nila saka s'ya babalik dito.

Habang nagbabantay ay naglalaro naman ako ng kung anu-ano. Isang oras na ang nakalipas at hindi pa rin bumabalik si Cherry. Baka naglaba na ng mga damit ang babaeng 'yun. Pero ayos lang dahil wala rin naman akong gagawin ngayong araw kaya pwedeng-pwede akong magbantay.

Biglang tumunog ang cellphone ko at nakita kong may tumatawag. Si Blake.

Sinagot ko ito kaagad. "Oh?"

"Nasaan ka?" Tanong n'ya.

"Nasa shop. Bakit?"

"Kaya pala maingay." Aniya.

"Ano nga? Bakit ka napatawag?" Tanong ko.

"Kala ko ba gigimik tayo mamaya. Pinapaalala ko lang." Aniya.

Oo nga pala. Gastos na naman. Wala na nga akong balak gumastos ng malaki kasi nanghihinayang na ako tapos bigla-bigla akong pumapayag sa tuwing nag-aaya sila.

Sa susunod na lang muna siguro ako. "Pass muna." Sabi ko.

Parang ayaw kong gumastos muna.

"Ha? Wala akong narinig. Mamaya ah, sa usual spot." Aniya at pinutol ang tawag.

Napairap na lang ako. Minsan nakakainis rin itong Blake na 'to, ayaw n'yang tinatanggihan s'ya. Pero sabagay nagsabi ako na sasama ako sa kanila.

Lumipas ang isa pang oras ay sa wakas at nandito na si Cherry. Sobrang lapit lang ng bahay nila dito pero inabot s'ya ng tatlong oras doon.

Tumawa kaagad s'ya pagkarating n'ya. "Sorry, naglaba kasi ako."

"Sabi na eh." Natatawang sabi ko.

"Aalis ka na ba?" Tanong n'ya.

"Bakit? May gagawin ka pa ba?" Tanong ko.

Umiling s'ya. "Wala na."

Tumango-tango naman ako. "Pero okay lang na dumito na muna ako. Mamayang gabi pa naman ako gigimik." Sabi ko.

"Sige sige. D'yan ka muna. Matutulog na muna ako. Gisingin mo na lang ako kapag aalis ka na."

Matutulog? Seryoso ba s'ya? Sa ingay na ito ay makakatulog s'ya?

Nakalipas ang ilang minuto ay tuluyang nakatulog si Cherry. Bumilib ako sa kanya. Kahit kailan ay hinding-hindi ako makakatulog hangga't maingay.

7:00 pm ay nagsasara na ng shop si Cherry. 10:00 pm ang usapan naming nina Blake at Kio kaya makakapunta pa ako.

Habang tulog si Cherry ay ako pa rin ang nagbabantay. At dahil hindi ko matiis ang sigaw ng ibang bata ay nasigawan ko sila. Iniinis nila ako eh.

At dahil wala rin akong ibang magawa ay nanood na muna ako ng mga random videos sa youtube. Hihintayin ko na lang kung kailan magising itong si Cherry o kung hindi s'ya magigising ng 7 ay ako na mismo ang gigising sa kanya.

***

7:00 pm na at sinarado na ni Cherry ang shop. Nagpaalam na rin ako sa kanya at umalis. Uuwi pa ako sa bahay dahil maliligo at magpapalit pa ako ng damit.

Nakauwi na ako sa bahay. Nakaligo na ako pero hindi pa rin ako nagpapalit ng susuotin ko sa club na pupuntahan namin.

Nandito sina mama, papa, ate at ang bunso kong kapatid na babae. Nakita nila ako kanina pero hindi na nila ako kinausap. Mabuti na lang at wala akong narinig mula sa kanila kanina.

Bigla akong nakaramdam ng gutom. Oo nga pala, hindi pa ako kumakain.

"Ayan kasi. Kanina na nasa labas pa, hindi pa kumain." Sabi ko sa sarili ko.

Hays. Mamaya na lang siguro ako kakain kapag lumabas na ako.

"Angel." Rinig kong tawag ni papa sa pangalan ko mula sa baba.

Napabuntong-hininga ako. Sabi na eh. Kapag umuuwi ako ng ganitong oras at nandito si papa ay hindi ko talaga gusto.

Lumabas ako ng kwarto at sumilip sa baba mula sa taas ng hagdan. "Po?"

"Halika na. Kakain na." Pag-aya sa'kin ni papa.

Wala na akong magawa kun'di ang bumaba. Minsan ay nahihirapan rin akong tanggihan si papa. Alam kong may galit s'ya ng kaunti sa'kin pero kumpara sa ibang tao dito sa bahay. S'ya lang ang may pakialam sa'kin ng kaunti rin. Pumunta ako sa kusina at nandoon na sina mama, ate at si Alice.

Umupo ako sa madalas kong inuupuan at tahimik na kumuha ng kanin at ulam. Sinandya kong kumuha ng kaunting pagkain lang para mabilis lang akong matapos. Ramdam ko ang tingin nina mama at ate pero hindi ko na sila nilingon.

"Mabuti naman at naisipan ng isa d'yan na sumabay." Sabi ni mama.

"Nagsisimula na naman kayo." Sabi ni papa. "Kumakain tayo ha."

"Masaya lang ako. Nakakaalala pa pala ng pamilya ang isang 'yan." – Mama.

Nakakaisang subo pa lang ako pero parang nawala na ang gutom ko at nawalan na rin ako ng ganang kumain.

"Baka walang pera at kailangang humingi." Sabi ni ate.

Grabe, hindi ako makapaniwala na ganito ang pamilya ko. Hanggang kailan ba sila titigil?

"Puro landi kasi ang inaatupag kaya walang pera palagi." Mahinang sabi ni ate pero rinig na rinig ko dahil magkatabi lang kami.

Hindi ako nagdalawang isip na tumayo. "Busog na 'ko." Sabi ko at pumunta sa kwarto.

Busog na busog na ang tainga ko sa kanila. Kung kanina ay ayaw kong gumimik. Ngayon ay nagbago na ang isip ko. Hindi baleng mapapagastos ako ngayon basta aalis ako.

Mabilis akong nagpalit ng damit at kinuha ang susi ng motor ko. Pagkalabas ko ng kwarto ay kaagad akong bumaba sa hagdan.

"Saan ka pupunta?" Tanong ni papa.

"Lalandi. Tutal 'yun naman ang trabaho ko." Sabi ko at lumabas ng bahay saka umalis.

Sorry papa. Sadyang ayaw ko munang makinig sa mga kasama natin dito sa bahay ngayon.

Don't Sleep With Your Best Friend (R18) [Under  Major Revision]Where stories live. Discover now