55

824 59 26
                                    


"The circus from Sweden is facing a controversy in regards to transporting the animals from Thailand while the cargo ship is temporarily staying in the Philippines. According to the owner, Mr. Antoine Delevaux, they didn't violate the rights of animal welfare as they continue to address the backlash from various reports. Their public relation representative has not yet confirmed nor denied that elephants and other endangered animals are transported illegally from Thailand. This is Frederick Mortez, reporting live from Manila."

Itinigil ng drayber ang maliit na telebisyon sa loob ng FX at nabalot ulit ng katahimikan. Mataas ang sikat ng araw na humahalo sa usok at alikabok ng kalsada. Umusad na rin ang sasakyan, itinabi ng drayber sa gilid ng daan. "Tsk! Trapik pa!" Napabulong na lang ang drayber, pinunasan ang kaniyang mukha ng puting towel. "Oh! Hanggang dito na lang po! Baba na kayo dito sa Buendia!" Anunsiyo ng drayber nang itinigil na ang sasakyan. Nagsimula na rin magsipaghanda ang mga pasahero.

Naalimpungatan si Sophia sa narinig at tinakpan ang bibig sa paghikab. Sandali siyang nakaidlip, hindi niya namalayan ang pagtigil ng sasakyan, binuksan ng katabi ni Sophia ang pinto at isa-isang nagsipagbabaan ang mga pasahero.

"Malayo pa pala." Bulong ni Sophia habang nakatingin sa hawak na papel. Binasa ang nakasulat na direksiyon at kailangan niyang sumakay ng bus papunta sa kapilya ng San Mateo.

++++

Nakatayo ang madre sa harap ng sari-sari store habang naghihintay ng bus. May mga maliliit na tindahan sa harapan. Maraming nakahanay na karinderiya, may presinto malapit sa lugar. Mag-isa lang si Sophia na naghihintay ng bus habang napakatingkad ng araw.

"Sister...upo ka muna." Inilapag ng matandang lalaki ang monoblock sa tabi ng madre.

"S-salamat po," natutuwang sambit nito. Naupo na rin ito habang kalong ang kaniyang bag. Pinagpatuloy naman ng matanda ang pagwawalis sa harapan ng karinderya.

Maraming sasakyan ang dumaraan at maraming tao sa loob ng karinderiya. Ang iba ay nagvivideoke, mayroon din mga pulis na kumakain sa hanay ng kainan.

"Ang halik mo! Namimiss ko! Bakit iniwan mo akooooo!" bumibirit ng kanta ang lasing na lalaki, hindi nahihiyang mag-ingay sa tanghaling tapat.

"Sitenta ang menudo! Ang kaldereta otsenta!" Turan ng tindera sa namimiling kustomer, tinataboy niya ang mga langaw gamit ang pamaypay.

"Singkuwenta na lang ang menudo. Kaunti lang naman ang karne," reklamo ng lalaking kustomer. Napairap ang tindera at pinagpatuloy ang pagtataboy sa mga langaw, lumaylay ang mga taba ng braso sa bawat galaw ng kaniyang kamay. "Eh di sa iba ka bumili!" pagtataray nito sa barat na kustomer.

Binalot ng iba't-ibang amoy ng ulam ang paligid. Nakihalo na rin ang usok na nagmumula sa mga tambutso at amoy ng mga sigarilyo.

"Leche! Hoy! Krisela yung mga sinampay nga kunin mo na! Nauusukan ang mga panty! Hindi ka nahihiya? Nakabuyangyang mga panty mo! Maryosep kang bata ka!" Sermon ng nanay sa kaniyang dalagita habang tumatakad ng ulam sa mga kustomer.

"Aling Racquel pabili nga po ng mentos." Saad ng batang babae na abalang tinituktok ang barya sa rehas ng tindahan.

Iba't-ibang ingay ang maririnig sa paligid, may isang bahagi sa puso ni Sophia na pamilyar ang lugar na kaniyang nasasaksihan. Natatanaw na niya ang papalapit na bus. Tumayo siya sa pagkakaupo, hinihintay na lang ang paghinto ng sasakyan. Tumigil ang pulang bus sa harapan. Bago ang sasakyan dahil makinang ang asul na pintura at malinaw ang mga salamin, kusang bumukas ang pinto at sumakay ang madre. Pagpasok ni Sophia sa bus, nalanghap niya ang air freshener na amoy pine tree. Ang upuan ay lahat bago dahil napakatingkad ng asul na kulay. Nakaunipormeng puti ang drayber at konduktor.

Sands & SparrowTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang