CHAPTER 15 : Panunuyo ng Panyo

123 30 22
                                    

ALLEN

Matapos ang araw na nakita kong masaya na si Hans kay Glaiza ay hindi na kami madalas magkausap. Maging sa apartment ay bibihira na lang kaming magpansinan. Madalas nauuna akong umuwi sa kaniya at pagkauwing-pagkauwi ko ay pinipilit kong makakain na nang maaga upang makapagpatay na ng ilaw at pag-isipin si Hans na ako’y natutulog na.

Si Ielle naman, hindi pa rin naman kami nalayo sa isa’t isa pero habang tumatagal ang panahon ay wala akong napapansing pagbabago sa kaniya. Madalas na niyang kasama ngayon si Kelvin nitong mga nakaraan.

Tinatanong na rin ako nina Zee at Colette minsan kung ayos lang ba talaga kami ni Hans. Palagi ko namang ipinagpipilitan sa kanilang ayos lang kami pero minsan, iniiwasan ko na lang ang mga tanong nila.

Dumating ang araw ng Christmas party ngunit wala pa rin kaming kibuan ni Hans. Wala kaming natanggap na regalo mula sa isa’t isa. Ganoon din ako mula kay Ielle.

Inaliw ko na lang ang aking sarili noon sa party. Nakapag-ambagan pa nga kami para sa alak. Sa ganoong paraan ko nilunod ang sarili.

Pagdating naman kay Darryl… well, nagpasalamat lang siya sa aking mensahe ng pag-aalala. I told him na kapag mayro’n siyang problema ay h’wag siyang mag-aalinlangang i-message ako. Matatag na tao si Darryl, iyon ang una kong tingin sa kaniya bukod sa maingay at makulit.

“Allen,” tawag sa ‘kin no’n ni Kelvin habang nagsasasayaw na kaming lahat sa hallway ng mga kaklase ko habang nagkakatuwaan sa alak. Wala ako sa sariling tumabing sa kaniya, dahilan upang masabuyan ko siya ng kaunting alak sa damit.

“Allen, puwede ba kitang kausapin?” diretso nang lapit ni Kelvin.

“Nag-uusap na tayo ah. Tara, uminom ka na lang at makisayaw,” aya ko, medyo nahihilo-hilo. Hinatak ko ang kaniyang braso upang makasali siya sa aming katuwaan. “Wooh!”

“Allen, huy!” alog niya sa ‘kin sa magkabilang balikat. “Seryoso ako, kailangan kitang kausapin.”

Binigyan ko siya ng malawak na bungisngis na ikinaiyamot ng kaniyang hitsura. Hinila niya ako palayo sa aking mga kaklase papunta sa lugar na ‘di ko matandaan kung saan. Wala na akong malay sa aming pinupuntahan, hinayaan ko lang ang sariling makaladkad niya.

Nang tumigil kami ay iniupo niya ako sa sahig. Naupo na rin siya sa ‘king tabihan.

“Alam mo, Kelvin. Ang saya-saya do’n,” turo ko sa kung saan. “Basta. Do’n sa party party. Tapos dadalhin mo ako sa tambakan ng basura.”

“Nasa may gilid lang tayo ng hallway, Allen. Yung malapit sa banyo,” imik sa ‘kin ni Kelvin.

“Sus. Kung may binabalak kang gawin sa ‘kin, babalik na lang ako,” pagbuga ko ng hangin. Patayo na sana ako nang hatakin niya ang aking braso.

“Maupo ka lang. Ano bang nangyayari sa ‘yo?” halos irita niyang sabi.

“Si Hans,” mane-obra ng aking bibig. “Si Hans ang nangyari sa ‘kin. Siya ang pinakamagandang nangyari sa ‘kin ngayong taon,” I managed to say between hiccups. Tahimik lang akong pinagmamasdan ni Kelvin.

“Siya ang buong kasiyahan ko sa lahat ng mga nangyari sa ‘kin. Nasa’n siya? Ayun. Sa sobrang kupad ko, naunahan ako ni Glaiza,” hagikhik ko. “Daig daw ng masipag ang maagap ba ‘yun? Ewan, o parang baliktad. Ewan.”

“Allen, ayusin mo nga muna sarili mo. I’m here as a friend,” ani Kelvin.

Tiningnan ko siya, as straight as I could. “As a friend? I don’t remember being your friend.”

“Okay, as a friend of your friend,” bawi niya.

“Sus. Gusto mo lang makalapit kay Denielle,” pula ko sabay hinampas siya nang mahina sa kaniyang braso.

Daylio: How Are You? (LGBTQ+) [Published as "Dayloh" under Paperink Publishing]Where stories live. Discover now