CHAPTER 12 : The Moon and the Night Sky

125 36 8
                                    

ALLEN

Muling sumapit ang isang Linggo subalit hindi pa rin mawala-wala ang itinatak ni Hans sa akin. Araw-araw kong inaalala ang una naming pagde-date—kung isa man iyong official na date.

Naisipan kong umuwi ng bahay ngayon para kumustahin ang mga kaganapan doon—lalong lalo na ang kabruhildahan ng aking lola.

Alam kong dapat mas bigyang halaga ko siya ngunit hindi ko kasi kinakaya ang ginagawa niyang pang-aabuso sa amin. Lubos ko siyang kinasusuklaman simula noong maging ganoon ang kaniyang ugali. Masyadong nahaling sa amoy ng kuwarta kung kaya’t lagi kaming ginagahaman.

May dala-dala akong inasal na manok bilang pasalubong. Ito ang all-time favorite namin nina mama, papa, at ng aking mga kapatid. Matagal-tagal na rin bago kami huling nagkasalo-salo bilang pamilya. Kina Kris kasi ako tumuloy noong sembreak para sa aming pangkatang proyekto.

Ngunit panigurado namang wala si papa ngayon sa bahay. Bus driver kasi siya kaya madalas sa terminal na siya natutulog. Mga anim hanggang walong beses lang siya sa isang taon kung tumuloy sa bahay—madalas kapag wala si lola dahil magkakarambola lang kami kung sakaling magkasama sila.

“Ma! Nandito si kuya!” sigaw ng bunso kong kapatid na si Airus mula sa bakuran. Masigla niya akong binati ng isang apir.

Dumiretso ako ng kusina at nadatnan doon si mama na naglalaga ng itlog. Kaagad akong lumapit upang magmano.

“O, napauwi ka,” aniya. Iniabot ko sa kaniya ang inasal na manok. “Ang bango nito ah. May pang-ulam na tayo mamaya,” dagdag pa niya.

“Airus! Pasok ka muna dito. Magpalit ka muna ng damit at baka pawisan ka na naman,” pagtawag ni mama sa aking kapatid.

“Si mayordoma?” bulong ko kay mama, pumapatungkol sa aking lola.

“Nasa lungga,” pabulong ding sagot ni mama. “Napagod na naman sigurong utos-utusan si Arlene.”

“E si Arlene, nasa’n?” tanong ko naman sa kaniya, pumapatungkol sa nag-iisa kong kapatid na babae.

“Nakatulog na sa kuwarto,” pagsagot naman niya sa ‘kin. “Katatapos lang magwalis ng bahay, ng bakuran, maglampaso—kung ano-ano na. Ewan ko ba diyan sa lola mo.”

I scoffed, “Ewan ko ba diyan sa nanay mo.”

Natawa na lang siya sa aking sinabi.

“O hala, maghain na muna tayo. Luto na naman yata ang kanin,” aniya. “Nasa palengke pa si Asel. Tirhan na lang natin ng pagkain.”

Malungkot akong napangisi. As usual, hindi na naman kami sabay-sabay na kakain.

∞∞∞∞∞

Pahapon na nang maisipan kong mag-impake ng mga gamit para bumalik na ulit sa apartment. Naglalaba na ulit si mama kaya ako na ang nag-asikaso sa sarili kahit na madalas ay magpipilit pa ‘yong siya na lang ang gagawa para sa ‘kin.

Sa salas ako nag-impake dahil nasa may wooden sofa ang mga bagong tiklop. Hindi nagtagal ay narinig ko ang pagbukas ng pinto ng kuwarto ni mayordoma. Hindi ko na lang siya pinansin ngunit sa akin siya kaagad na lumapit.

“Hoy, anong ginagawa mo diyan?” masungit niyang bulong.

“Babalik na po ulit ako sa apartment. Kukuha lang akong damit,” halos bagot kong sabi.

Walang ano-ano ay malakas niya akong binatukan na naging dahilan ng mabilis na magsalampak ng aking mukha sa mga damit. Hindi na ako nakapalag pa at hinimas na lang ang aking batok.

Daylio: How Are You? (LGBTQ+) [Published as "Dayloh" under Paperink Publishing]Where stories live. Discover now