Chapter 36: Tears of Joy

27.5K 118 25
                                    

Chapter 36:

Maggie

"Maggie," ang bigkas ng napakagandang babae. Nakilala ko lang siya nang lapitan niya ako. Siya ang pinsan ko. Ang bestfriend ko. Correction, siya ang naglahong-bestfriend-slash-cousin ko.

Napakahabang panahon na ang lumipas nang magkahiwalay kami. Unti-unti kaming nawalan ng komunikasyon mula noon. Ngayon, eto siya, humahakbang nang mabilis papalapit sa akin habang dala-dala ang napakaganda niyang ngiti at mahabang braso na naka-extend para yakapin ako.

"I missed you," aniya habang yakap-yakap niya ako nang napakahigpit. Hindi na ako makahinga, at nang luwagan niya ang pagyakap sa akin ay kusang nagsalita ang bibig ko ng punong-puno ng pagkasabaik, "Ate Beng."

Naramdaman ko na lang na unti-unti nang nababasa ang mga mata ko, hanggang sa hindi ko na napigilan ang umiyak.

"Oh, bakit ka umiiyak?" ang tanong ni ate.

"Tears of Joy lang, ate," sabi ko habang pinupunasan naming dalawa ang luha ko. Oo, ganito kami sa isa't-isa kapag nag-iiyakan--nagpupunasan kami ng luha.

"Tears of Joy? Remember what I told you about Tears of Joy?"

Napaisip ako bigla. Ano nga uli 'yun? English 'yun, eh. Naalala ko na. Tumango ako at sinabing, "It's not really joy that made you cry. It's the pain... Ano nga uli 'yun, ate?"

"It's the pain amid your journey to joy," ang pagpapatuloy niya. Nagtawanan na lang kami habang umiiyak pa rin ako.

Naalala ko ang sinabi noon ni ate Beng, na ang Tears of Joy daw, hindi talaga luha ng kaligayahan, kundi luha ng sakit na naranasan mo bago ka lumigaya o nagtagumpay. Naalala mo lang daw ang sakit kaya napapaluha ka. Kapag sobrang tawa naman, napapiyak ka kasi nahihirapan kang huminga which is masakit din naman talaga sa dibdib.

Nakaramdam ako ng kapayapaan nang yakapin ako ni ate Beng. Sige na, aamin na ako. Kanina ko pa pinipigilan ang umiyak. Hindi--hindi lang kanina. Ilang taon ko nang pinipigilan ang umiyak, hindi lang dahil ayokong ipakita sa pamilya ko o kahit kanino na malungkot ako, kundi dahil ito rin lang ang paraan ko para ipakitang matapang at malakas ako kahit mag-isa ako. Ginagawa ko 'to kasi wala akong kakampi. Wala akong masasandalan kundi sarili ko lang. Pero hindi na ngayon, nandito na si ate Beng. Pwede na akong maging duwag, dahil may matapang na akong katabi. Pwede na akong hindi lumaban, dahil may lalaban na para sa akin.

Minsan na akong umiyak sa harap ni Chloe at Dave, dahil nakaramdam ako sa katauhan nila ng kakampi. Pero iba ngayon, si ate Beng ang narito, ang iniiyakan ko ngayon. Mula pa mga bata kami, kami na ang partners-in-crime, ang B1-B2, ang BFF, ang lahat na. Mas close pa nga ako sa kanya kaysa kay Julian, eh. Naging mas close lang naman kami ni Julian nang lumipat na ng tirahan sina ate Beng.

Dito naghapunan si ate. Maingay kaming naghapunan. Tawa nang tawa. Kwentuhan nang kwentuhan. Kahit sa pagitan namin ni mama, nakaramdam ako ng ceasefire. Ang lahat ay dahil kay ate Beng, my refuge against the storm.

Matapos kaming maghapunan ay nagpunta kami ng living room para ipamigay ni ate Beng ang mga pasalubong niya galing States. Doon na kasi sila nakatira ngayon. Pagkatapos ay pinilit ko si ate Beng na dito na matulog. Ayaw niyang pumayag pero dahil mapilit ako, nanalo pa rin ako.

Naglinis na kami ng katawan at nagpalit ng pantulog. Pinahiram ko siya ng pajamas ko. Hindi naman kasi nagkakalayo ang sukat ng mga katawan namin. Actually, magkaedad lang kami, pero dahil mas matanda siya sa akin ng tatlong buwan, nag-aate ako sa kanya.

Pagkatapos niyang magpalit ay sumampa na kami pareho sa kama. Nagbidahan kami. Una, inilabas ko ang mga reklamo ko sa kanya dahil siya ang tumigil sa pagko-communicate sa akin. Ang dahilan niya, hindi siya mahilig sa social media at busy siya sa pag-aaral niya, kaya ganun. Nag-sorry naman siya at syempre, tinanggap ko 'yun.

Nang bigla ay kumanta na naman ang cell phone ko. 'Ube ko is calling' ang sabi ng cell phone ko. Tinitigan ko muna.

"Sino 'yan?" ang tanong ni ate.

"Um, wala," ang sagot ko. Ni-reject ko ang tawag ni Dave. Nag-text na lang ako sa kanya na may bisita ako ngayon, kaya hindi ko siya makakausap. Actually, wala akong ganang makipag-usap sa kanya ngayon.

Balik-usapan kami ni ate Beng, pero matapos ang ilang minuto, siya naman ang nakatanggap ng tawag. Nag-excuse siya para makausap ang tumatawag, at pagkatapos ay balik-usapan na naman kami.

"Now, tell me. Why did you cry earlier, ha?" ang usisa ni ate.

"Ate, pwede bang mag-tagalog ka na lang?"

"Oops, forgive me. Pero bakit ka nga umiyak?" Wow, kanang-kana na talaga ang accent niya.

Ikinwento ko na sa kanya na masama ang loob ngayon sa akin ni mama dahil inilihim ko sa kanya ang suspension ko. Sa kwento ko, hindi ko isinama ang mga kaibigan ko lalo na si Dave. Hindi pa ako handang ipakilala sila kay ate.

Nasabi naman sa akin ni ate na may idea na raw siya sa pagtatampo sa akin ngayon ni mama. Sa katunayan, sa Palomo's sila nagkita, kaya naikwento ni mama ang nangyari sa amin kanina. Siya pa nga ang pumilit kay ate na sumama sa bahay para makita ko siya dahil alam nga ni mama na mabigat ang loob ko ngayon. Na-guilty na naman ako sa ginawa ni mama. Ako na ang may kasalanan, pero siya pa rin ang gumawa ng paraan para mapagaan ang loob ko. Haay! Kaya mahal na mahal ko ang mama ko, eh.

Marami pa kaming napagkwentuhan, pero puro mga masasayang bagay na lang. Sabi ni ate, "Ang tagal nating hindi nagkita, kaya all the bad stories shall keep off! Dapat puro happy stories muna tayo."

Akala ko matatapos ang araw na ito na umuulan. May bagyo pa rin naman, alam ko, pero panandalian itong tumila. Salamat sa ate Beng ko.

Pinatay na namin ang ilaw, at nagpasyang matulog na. Natulog kami nang magkayakap ni ate.

My GF Is So Panget (Various Faces of Liars)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon