Chapter 46: Lost

21.9K 86 46
                                    

Chapter 46: Lost

Dave

 Mausok. Maingay. Mainit. Lahat ng 'yan ay dulot ng napakatinding traffic, kaya naman kahit gabi na, parang tanghali lang ang pakiramdam ko. Nasa kalye ako ngayon, naglalakad nang walang tigil. Hindi ko alam kung saan ako pupunta.

 Damang-dama ko ang pawis sa likod at dibdib ko na dumidikit sa uniform ko, pero hindi ko 'to magawang punasan dahil kapag ginawa ko 'yun, mahihinto ako sa paglalakad. Ayoko namang huminto sa paglakad dahil siguradong mararamdaman ko ang pagod kapag huminto ako. Ang tanging pawis na panay kong pinupunasan ay ang mga tumutulo mula sa ulo ko.

 Lakad.

 Lakad.

 Lakad.

 Nasaan na ba ako? Saan ba ako liliko? Saan ba ako pupunta? Hindi ko alam. Basta lakad lang ako nang lakad.

 Marami-rami nang sasakyan ang nalampasan ko sa sobrang bilis kong maglakad. Paano ba naman? Hindi na halos gumagalaw ang traffic.

 Bumagal nang bahagya ang paglakad ko dahil sa unti-unting pagdami ng mga kasabay kong naglalakad sa kalsada, pero kahit ganun, lahat sila nilalampasan ko. Para akong nakikipag-unahan sa kanilang lahat. Hindi ko alam kung bakit--basta lakad lang nang lakad, hanggang sa...

 ...Hanggang sa makarating ako sa kumpulan ng pagkarami-raming tao. May ano? Mukhang may aksidenteng naganap. May ambulansya. May mga medic at mga pulis. Ito marahil ang dahilan ng pagsikip ng traffic.

 Nakipagsiksikan ako para makita ang nangyari. Isang bus... May nabanggang tao 'yung bus.

 "Buhay pa ba?" bulung-bulungan ng mga taong pilit rin nakikipagsiksikan makita lang ang pangyayari.

 Hindi ko makita kung nasaan ang biktima, pero kung iisipin: Bus 'yun, bus 'yung nakabunggo kaya posible talagang patay na ang biktima.

 Ikinagulat ko nang makita ko na ang biktima. Nakatagilid siya mula sa posisyon ko. Kitang-kita kong naliligo siya sa sarili niyang dugo. Iniangat na ng mga rescuer ang stretcher na kinahihigdaan ng biktima kaya nang makita ko ang mukha niya... Ang tanging nabigkas ko nang pautal-utal, "S-si... Si-sir... Sir..."

 Nanikip bigla ang dibdib ko. Hindi ako makahinga. Nanigas ang mga tuhod ko. Pakiramdam ko matutumba na ako. 'Yung naaksidente--kilala ko siya.

 Nakipagsiksikan pa ako lalo. Mas mabagsik ang paniniksik ko malapitan lang ang biktima, hanggang sa pigilan na ako ng mga pulis. Ayaw nila akong palapitin. Shit! Shit! 'Yung naaksidente. Bakit ayaw nila akong palapitin sa kanya?

 Pinilit kong magsalita kahit nangangatal na ako, at pakiramdam ko may nakabarang malaking-malaking bagay sa baga, puso, at utak ko.

 "Bitawan niyo ako! G-girl... Girlfriend ko 'yun! Si M-maggie! SANDALEEE! MGA PUTANG INAAA!!! PLEASE!" pasigaw kong pakiusap.

 Nakaalis na ang ambulance. Naiwan ako.  Nang marinig ko ang bulung-bulungan ng mga tao na patay na raw ang biktima ay agad akong tumakbo--mabilis na mabilis. Tumakbo ako hindi papunta sa direksyon ng ambulansya. Tumakbo ako hindi para humabol. Tumakbo ako palayo--malayong-malayo. Tumakbo ako para tumakas. Saan ako pupunta? Basta, takbo, takbo lang nang takbo. Hanggang sa madapa ako't nagpagulong-gulong sa kalsada, pero wala akong naramdamang sakit dahil sa pagkakadapa.

 Lumuhod ako nang dahan-dahan, pagkatapos ay unti-unting tumayo. Pero nanghihina ang mga tuhod ko kaya bigla akong bumagsak at napaluhod; at nang muling pumasok sa isip ko ang kinahantungang aksidente ni Maggie--nanikip muli ang dibdib ko at hindi ko na napigilang umiyak. Sinubukan kong sumigaw pero walang lumabas na boses mula sa'kin.

My GF Is So Panget (Various Faces of Liars)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon