KABANATA 4

52.4K 1.2K 112
                                    

Arthur's P.O.V.

Gusto kong magalit kay Itay.  Gusto kong ipamukha sa kanya kung gaano s'ya kasama sa pag-abandona n'ya sa aking ina at sa aming magkakapatid.  Gusto kong siyang saktan, murahin at sisihin dahil 'yun ang mas madaling gawin.

Ang magalit.  Ang mamuhi sa isang taong dapat sana'y naririyan para sa 'min habang kami'y lumalaki at nagkaka-isip.

Mas madali ang mapoot, kaysa ang magpatawad.

Mas madaling manumbat; ang damhin ang sugat at alalahanin ang pilat.

Gusto ko siyang sigawan, bulyawan at singhalan. Gusto kong iparamdam sa kanya ang pait na idinulot ng kanyang pag-iwan.

Pero...hindi ko ginawa.

Natutukso, pero hindi na lang ako nagsalita.

Para saan pa ang sisihin ko s'ya?  May magagawa pa ba ito maganda?  Kataasan, pareho lang kaming masasaktan, para sa mga pangyayaring hindi na mababago pa.

Sapat na sa amin ni Rodel ang makita itong tumatangis at nagsisisi lalo na nang sinabi namin sa kanya, kung ano ang nangyari kina Inay at sa aming mga kapatid na babae.

Sapat na sa amin na maramdamang  nasasaktan din s'ya, hindi dahil sa poot namin sa kanya, kundi dahil sa resulta ng kanyang mga ginawa.

Halos hindi namin ito mapatahan nang dinala na namin ito sa kanilang mga libingan. 

Walang katapusang paghingi ng "Patawad!"

Walang katapusang pagtangis.

Walang katapusang paghihinagpis.

Para sa mga bagay na tinalilkuran niya at sa mga taong hindi na n'ya makikita pa.

Ang inay, na dati n'yang minahal. Namatay na nagmamahal pa rin sa kanya. Maging ang aming dalawang kapatid babae, na dati-rati'y parating kalong-kalong n'ya, namatay na umaasa na makikita pa rin siya.

"Mga anak," habang tumatayo ito mula sa pagkakalugmok sa ibabaw ng puntod ni Inay. "Gusto ko sanang magkasama-sama na tayo. Pakiusap..." Humagulhol ulit ito, "h'wag ninyo akong tatanggihan.  Hindi ko na maibabalik ang nakaraan, pero hayaan niyo akong makabawi sa inyo sa hinaharap."

"May sarili na po akong Pamilya, Itay," Sagot ni Rodel, "Mas gusto ko po ang nakabukod kami, lalo na po at may iba na kayong pamilya.  Hindi na po ako galit sa inyo, pero ayoko po ng gulo.  Ito pong si Kuya, binata pa.  Kung gusto niyo s'ya na lang ang isama n'yo."

"Wala akong ibang pamilya, Rodel."  Sagot naman ni Itay.

"Eh sino po si Dexter?"  Tanong ko, "Hindi po ba't sabi n'yo stepson n'yo ito?  Paano po ito at ang kanyang ina?"

"Si Dex ay anak ng babaeng ipinagkasundo sa akin ng inyong Lolo at Lola, sa dati nitong asawa." Sagot nito, "Hindi kami tunay na mag-asawa.  Sa papel lang ang aming kasal.  Ipinakasal lang kami para maisalba ang bumabagsak na kumpanya ng dalawang pamilya.  Wala na rin siya ngayon.  Pumanaw na rin ilang taon na ang nakalilipas.  Ang inyong ina lamang ang babaeng tunay na minahal ko sa tanang-buhay ko. Kundangan nga lamang at naging mahina ako nang hindi umayon sa kanya ang mga magulang ko.  Pumayag akong mapawalang bisa ang aming kasal, at pinabayaan siyang umalis kasama kayo.  Sinubukang ko kayong hanapin, pero nabigo ako.  Nagpalipat-lipat kayo ng tirahan, at ni isa sa mga napagtanungan ko, walang nakapagsabi kung ano na ang nangyari sa inyo. Patawad Art...Rodel... Patawad mga anak..." humahagulhol nitong niyakap kami nang sabay.

Finding Mr. Perfect Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon