PROLOGO

109K 1.4K 32
                                    

Niyanig sila ng humahagibis na hangin. Sinamahan pa ito ng malakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

"Kuya, natatakot ako!"

"Shhh... lilipas din 'to, Lea."

"Kuya, pero magdamag nang umuulan."

"Lahat ng bagyo, may katapusan, Rodel."

"Pero kuya," Umiiyak na ang isa, "Lubog na sa baha ang kalahati ng bahay natin, papa'no tayo makakaalis dito?"

"Huhupa rin 'yan kapag tumila na ang ulan, Jocelyn."

"Anak," Pagtawag ng kanilang ina sa pinakamatanda sa magkakapatid, "I-ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo ha?" Namumutla na ito; mayroon na kasi itong matinding karamdaman bago pa man nagsimula ang bagyo.

"N-nanay?" Naiiyak na humangos ang binatilyo upang daluhan ang kanyang ina; nadulas pa ito at gamuntik nang malaglag. Mabuti na lang at nabiyayaan s'ya ng malakas na pangangatawan. Naigapang n'yang paakyat ang kanyang sarili.

Naroro'n sila sa bubungan ng kanilang bahay, lampas tao na kasi ang lalim ng baha. Marupok pa naman ang mga haligi ng kanilang tagpi-tagping tirahan--katulad din ng sa kanilang mga kapitbahay.

"A-anak, pagkatapos ng lahat ng ito. Gusto kong puntahan mo ang inyong ama."

"Para saan pa, Nanay? Mayro'n na naman s'yang ibang pamilya, hindi ba?"

"Gawin mo ito para sa kinabukasan mo at ng mga kapatid mo."

"Iba na lamang po ang hilingin niyo, Hindi ko pa s'ya kayang harapin. Hindi ko pa s'ya napapatawad sa pag-abandona n'ya sa 'tin."

"A-anak ga--"

Hindi pa man din nabibigkas ng kanyang ina ang susunod na salita, may natanaw silang mga lumilipad na yerong papalapit sa kanilang direksyon.

"Diyos ko!"

'Yun lamang ang kanyang nasambit, bago tuluyang isinalya ng matinding hagibis ng hangin ang mga yero sa kanyang dalawang kapatid na babae. Nahulog ang mga ito mula sa bubungan.

"Kuya!" Magkasabay na sigaw ng dalawa, habang nahuhulog sa tubig baha.

"Lea! Jocelyn!" Paghiyaw ng dalawang binatilyo.

Hindi marunong lumangoy ang kanilang mga kapatid na babae, kaya nagmamadali ang dalawang binatilyo na humanap ng paraan upang makababa.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Pero malupit ang kalikasan. Wala itong sinasanto. Halos sumabay sa daluyong ng hangin at tunog ng nagliliparang sanga, bubungan, at kung ano-ano pang maaaring ilipad ng hangin, ang hiyawan ng mga taong pare-parehas lamang namang dumadaing at humihiyaw ng saklolo.

"Lea! Jocelyn!"

Halos mapigtal ang litid ng dalawang binatilyo sa pag-iyak; kalong-kalong ang bangkay ng kanilang mga kapatid na babae.

"Diyos ko po, tulungan n'yo po kami!" Hiyaw ng panganay; nakatingala ito sa langit. Yakap-yakap nito ang walang buhay na katawan ng bunsong kapatid na si Lea.

"Kuya, anong gagawin natin?" Umiiyak na tanong ni Rodel--ang pangalawang pinakamatanda sa kanilang apat. Kalong-kalong naman nito si Jocelyn. "Ang sabi mo, may katapusan din ang bagyo, pero pa'no kung sa pagtatapos nito, tapos na rin pala tayo?"

Sa halip na sumagot, hinawakan nito ang batok ng kapatid. Iginiya n'ya ang ulo nito, upang ihilig sa kanyang dibdib.

"May awa ang Diyos Rodel..." Walang tigil ang pag-agos ng kanyang mga luha, "Malalagpasan din natin ang lahat ng ito."

[ITUTULOY]

Finding Mr. Perfect Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon