CHAPTER 70

1.8K 107 7
                                    


"Hindi ko makontak si Tita Celia," saad ni Ivan na nakaupo sa dulo ng kama katabi si Errol.

Walang imik ang binatang kinakausap.

"Magsalita ka naman." Malumanay ang boses ni Ivan. "Hindi ka ba nag-aalala sa kanila?"

"Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko."

Napabuntong-hininga si Ivan sa monotonong boses ng kausap. "Galit ka pa talaga."

"Hindi." Bahagyang ngumisi si Errol. "Sa totoo lang nagpapasalamat ako sa iyo. Hindi ako magiging ganito kung hindi dahil sa iyo." Lumingon ito sa kanya.

Hindi komportable si Ivan sa titig ni Errol. May hindi tama sa titig na iyon. "Bakit ibang-iba ka na?"

"Natuto lang ako." Binalik ni Errol ang titig sa sahig.

"Namiss kita." Gustong niyang yakapin ang kausap, ngunit tila ba may nararamdaman siyang ilang lalo pa't bahagya lang itong ngumiti. Mas lalo siyang nailang sa ngiti ni Errol na may bahid ng uyam. "Nanatili ako nun sa California para hanapin ka." Bahagyang natawa si Ivan. "Grabe ka. Hindi ka na talaga nagpakita."

"Bakit pa?" Hindi nagbabago ang tono ng boses ni Errol, tonong tila walang buhay.

"Kasi marami akong gustong sabihin sa iyo." Ginalaw ni Ivan ang kamay palapit sa kamay ni Errol, ngunit nagdalawang-isip siya. Natatakot siyang biglang ilayo ng kausap ang kamay nito.

"Gaya ng ano?"

"Errol..." Sa dami ng mga gusto niyang sabihin ay hindi niya alam kung ano ang uunahin. Hindi na siya nagpadala sa kanyang agam-agam at hinawakan na ang kamay ni Errol na nakakuyom sa gilid ng kama. "Pwede ka bang humarap sa akin." Naging malambing ang boses niya.

Blangko ang mukha ni Errol. Ang kanyang titig ay tumagos sa kaharap.

"Wala ka na bang nararamdaman sa akin?" Natatakot man sa maaaring marinig na sagot ay tinanong niya pa rin ang kaharap.

Walang imik si Errol. Nakatitig lang ito sa kanya.

"Kung wala na, okay lang." Yumuko si Ivan. "Tanggap ko na. Kasalanan ko naman." Hinintay niyang sumagot ito. Ngunit tanging tunog lang ng electric fan ang naririnig niya. "Siguro ayaw mo ako makasama dito. Lilipat na lang ako ng ibang room." Mababa ang tono ng pagkakasabi niya. Pinayapa ni Ivan ang loob.

Hinawakan ni Errol ang balikat ni Ivan nang akmang tatayo ang huli. Tumayo ito at pumwesto sa tapat ni Ivan, sa pagitan ng kanyang mga hita. Nilapat niya ang isa pang kamay sa kabilang balikat ng binatang natulala sa kanya.

Ang gulat ni Ivan ay mabilis napalitan ng pagkabigla. "Errol --" Pinatahimik siya ng pagtulak nito sa kanya sa kama. "Ibig sabihin ba nito ... pinapatawad mo na ako?" Unti-unti niyang naramdaman ang galak habang nakatingin sa binatang dumapa sa ibabaw niya.

Hindi sumagot si Errol. Isa-isa niyang tinanggal ang mga butones sa suot ni Ivan. Nang matanggal ang lahat ng butones ay binuksan niya ang suot nito.

Si Ivan naman ay hindi maitago ang pagtataka, ngunit sa kabilang banda ay gusto niya ang ginagawa ng kasama. Napapikit siya nang himasin ni Errol ang kanyang katawan. Dahil sa kasabikan ay hinila niya ito at niyakap nang mahigpit. "Baby!"

Habang mahigpit na niyayakap ni Ivan ay dinilaan niya ang pisngi nito. Ipinagtaka niya ang ginawang iyon ni Errol, pero pinagkibit-balikat niya rin dahil sa pananabik. Mabilis na naputol ang kanyang ungol nang mapusok niyang halikan si Errol habang hawak ito sa magkabilang pisngi. Hindi niya napigilan ang bugso ng damdamin. Ang mahabang panahong pananabik ay naibuhos niya sa pagkakataong ito. Siniil niya ng halik ang mga labing kay tagal niyang hinintay na mahagkan.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon