CHAPTER 1

11.2K 227 20
                                    

Nasa daan sina Todd Watkins at Jamar Rockwood, naghihintay na dumaloy ang trapikong nagpatigil sa kanilang kotseng itim mahigit isang oras na. Tanaw nila ang maitim na ulap sa himpapawid.

"We're getting freak weather right now. Are you seeing this?" tanong ni Todd sa kasamang nakaupo sa passenger seat at tumitingala sa mga ulap.

"Sure. Skies are about to fall. Do these people get this kind of weather all the time?" saad ni Jamar na inaayos ang kanyang brown leather jacket.

"I'm getting some pretty bad satellite images."

"What do you mean?"

Pinakita ni Todd ang imahe sa kanyang smartphone. "That hook echo."

"No way!" Agad na lumabas ng kotse si Jamar at tumingala.

Umiikot ang isang parte ng ulap sa himpapawid. Maya-maya pa ay naging hugis embudo ang parteng ito at kasunod niyon ay ang pagliparan ng mga kotse sa di kalayuan. Ginulantang sila ng isang marikit na kidlat na sinabayan ng nakakabinging dagundong ng kulog.

"Todd, let's get out of here!"

Dali-daling nilisan ng dalawa ang lugar.

"Do they have tornado shelters here?" bulalas ni Jamar.

"I don't think so. This is not Oklahoma."

Tumatakbo ang dalawa kasabay ang iba pang mga taong nilisan ang kanilang mga sasakyan upang sumilong. Bumuhos ang malakas na ulan at binasa ang mga taong nagsisitakbuhan. Ilang sandali pa ay bumagsak ang mga piraso ng yelo mula sa kalangitan, kasabay niyon ang paghiyawan ng mga nasa daan. Agad na sumilong sina Todd at Jamar sa tapat ng entrance ng isang gusali.

Biglang lumindol. Napahawak si Todd sa baras na malapit sa kanya habang si Jamar ay dumapa sa sahig kasama ng ibang balisang tao. Nagbagsakan ang mga piraso ng salamin sa harap nila. Unti-unting humina ang lindol.

"What's happening?" sigaw ni Jamar.

"I don't know. Is this part of our job?" nakasimangot na tanong ng basang si Todd.

"Who cares? This is crazy!" Ginala ni Jamar ang tingin sa paligid.

Bakas sa mukha ng mga sumilong ang takot. Ang iba ay nagdadasal. Ilang sandali pa ay dama na nila ang malakas na bugso ng hangin.

"Look out!" sigaw ni Todd nang mapansin ang nilipad na kotse na babagsak sa tapat ng gusali.

Nagsigawan ang mga tao at nagkandarapang pumasok sa gusali. Nag-iyakan na ang marami habang nagdadasal at tinatawag ang Diyos.

"What do we do?" tanong ng tulirong si Jamar kay Todd.

"We ride this one out!" Sigaw ni Todd. Alam niyang hindi sila makakapasok dahil sa sikip ng kumpulan ng mga nagkakagulong tao sa pasukan ng gusali.

Lumakas na ang hangin at halos hindi na maaninag ang mga katabing istruktura dahil sa dumi na tangay ng hangin. Biglang nagliwanag ang kalangitan dahil sa mga kidlat. Nakakabingi ang dagundong ng mga kulog na kasunod ng mga kidlat na iyon. Maya-maya pa ay tinamaan ng kidlat ang tuktok ng gusaling kanilang sinilungan at bumagsak sa harapan nila ang nabasag na mga salamin.

Bakas sa mukha nina Todd, Jamar, at mga nasa bungad ng gusali ang takot.

"Can you contact the others?" sigaw ni Jamar sa kasama.

Umiling si Todd at pinakita kay Jamar ang patay na telepono. "No power!" bulalas nito habang nakasingkit ang mata dahil sa lakas ng hangin.

"This is a monstrous tornado they have here. I think it's an F5!" sigaw ni Jamar.

"I think there's two of them. Look!" Tinuro ni Todd ang isa pang buhawi na bahagyang inilawan ng kidlat ilang gusali ang layo mula sa kanila.

"This is insane! I've lived in Kansas for 5 years but never saw anything like this!" Naglakad si Jamar papunta sa lansangan marahil ay upang tingnan nang mas maigi ang mga buhawi.

"Jamar!" sigaw ni Todd nang makita ang kasama na hinagip ng bus na nilipad ng buhawi. Napadilat siya sa nasaksihan. Kasunod niyon ay ang napakalakas na bugso ng hangin at ang pagkabasag ng salamin sa entrance ng gusali. Tinulak si Todd ng hangin papasok ng gusali kasama ng mga iba pa.

Tila nilamon ng higanteng ipo-ipo ang gusaling iyon. Pumalahaw ang mga sigaw at iyakan ng mga tao sa loob. May mga humihingi ng kapatawaran. May tumatakbo sa mga itaas na palapag. Ang iba ay nagrorosaryo sa gilid habang kinakalampag ng malakas na hangin ang mga bintana na ang iba ay nabasag na.

Tumakbo si Todd sa itaas na palapag. Nang makarating sa panlimang palapag ay tumambad sa kanya ang mga kalat. Pinasok ng mga sanga ng puno ang basang opisinang ginulo ng hangin. Nagkalat ang mga papel sa mga mesa at sa sahig. May mga mwebles na natumba. May mga bakal na bumutas sa mga salamin at konkreto. Sa isang gilid ay nakadausdos ang kotseng malamang tinangay ng hangin at hinampas papasok sa gusali.

May iilang taong nakauniporme ng pang-opisina na nagyakapan habang umiiyak. Ilang sandali pa ay ginulat sila ng matinding liwanag. Kahit sa tindi ng silaw ay lumapit si Todd sa basag na bintana upang tingnan ang pinanggagalingan ng liwanag, ngunit wala siyang makita sa labas kundi ang tindi ng liwanag na hindi rin nakayanan ng kanyang mga mata. Hinintay niyang humina ito, at humina nga ito. Kasabay ng paghina ng liwanag ay ang pagkalusaw ng buhawi at ang paghina ng hangin.

Ginala ni Todd ang tingin matapos lumamlam ng liwanag. Isang tanawin ang nagbigay sa kanya ng labis na pagtataka. Hinugot niya ang binoculars mula sa bulsa ang tiningnan ang bahaging iyon ng intersection.

Nakita niya ang isang lalaking nakapatong sa isa pang lalaking duguan. Kumikislap ang katawan ng lalaking nasa itaas. Tumakbo ang isang lalaki at isang babae papunta sa dalawa. Lumapit ang babae sa isang puting bagay. Hindi maintindihan ni Todd kung bakit natataranta ang babae. Maya-maya pa ay gumalaw ang puting bagay na iyon at nalagas ang nakabalot na puti sa katawan nito. Niyakap ito ng babae.

Mga sampu o dalawampung metro mula sa kanila ay naroon ang isa pang babae, nakaitim. Walang ibang tao sa bahaging iyon ng lungsod maliban sa kanila kaya naman laking pagtataka ni Todd sa nakitang senaryo. Dahan-dahan niyang kinuha ang telepono. Nagbakasakali siyang aandar ito. Umandar nga ito. Gamit ito at ang kanyang binoculars ay kinunan niya ng larawan nang malapitan ang tagpong iyon.

Dumating pa ang isang babae at lumapit ito sa babaeng nakaitim. Maya-maya pa ay tumakbo ito papunta sa anim. Nagulantang si Todd nang makitang namuo ang itim na usok sa ibabaw ng babaeng nakaitim. Ilang sandali pa ay muling sinilaw ang CIA agent ng matinding liwanag.

--------

GUYS, please vote and comment. Thanks!

Enchanted Series 3: The Darkness WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon