CHAPTER 16

2.2K 120 18
                                    


Kanina pa siya napako sa ganoong pagkakatayo. Naramdaman niya na lang ang pagsikip ng dibdib at ang pag-anghang ng mga mata. Si Felicia pala ang tinutukoy ni Ivan na espesyal na bisita. Bakit ba siya nag-akalang siya ang tinutukoy ng binata? Isang bagay ang labis niyang pinagsisihan. "Dapat di na ako sumama sa'yo, Ivan." Pinunasan niya ang mga mata. Lumapit siya sa larawan ni Jed at hinawakan ito. "Kaya ayoko mainlove sa kanya. Ayoko." Hinayaan niyang dumaloy ang mga luha habang nakatingin sa nakangiting larawan ng kapatid ng may-ari ng silid.

Dumako ang kamay niya sa kwintas. Hinugot niya ito. Hinayaan niyang mabitiwan ng nagmamanhid niyang mga daliri ang bagay na iyon.

Ayaw na ni Errol na magtagal sa bahay ni Ivan. Nagmamadali siyang nagbihis, sinuot ang mga damit na kahapo'y suot. Nag-ayos siya ng buhok. Pinahiran ng tissue ang mga mata. At lumabas ng kwarto. Nakasalubong niya si Manang Jean na nakangiti sa kanya.

"Okay ka lang ba, iho?"

"Okay lang po. Aalis na po ako. Salamat po." Nakita niya ang pagtango nito. Bumaba na siya at nadatnan niya sa sala ang isang tagpong tumusok sa kanyang dibdib. Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan, iniwasan ang tagpong iyon na naaaninag niya sa gilid ng kanyang paningin.

Nakagapos ang mga bisig ni Ivan sa babae habang naghahalikan sila. Dinig niya ang tunog ng mga labing naglalaplapan. Dinig niya ang mga halinghing. Ayaw niya itong marinig. Ayaw niya itong makita. Dahil masakit. Masakit.

Ngunit muli rin siyang napalingon. Tila ba ay nais niya ring makita ang hindi niya nais makita, isang kabalintunaan. At doo'y nakita niya ang nakapikit na binata habang masuyong nakikipaghalikan sa babaeng iyon. Animo'y tumigil ang pagtakbo ng oras sa tagpong iyon. Bago pa man tuluyang lumambot ang mga tuhod ay tumalikod na siya, dahan-dahang tinungo ang malawak na pintong nakabukas. Hindi na siya lumingon pa. Bagkus ay mabilis siyang lumabas ng bahay. Sinalubong siya ni Lindy.

"Ser Errol, uwi na kayo?"

Tumango siya dito at ngumiti.

"Hatid ko na kayo sa labasan."

"Di. Okay lang," mahinang tugon niya. "Salamat ha."

"Sige, ser. Balik kayo dito ha."

Tumango na lang siya habang binubuksan ng kasambahay ni Ivan ang malaking gate na iyon. Nang maisara ito ay lumingon siya sa bahay na iyon. Ang gara. Ang laki. Pero hindi na siya babalik dito. Nanginginig ang kanyang kalamannan. Dahan-dahan siyang napangiwi habang kinakalamay ang sariling kalooban. Subalit ang damdaming kanina pa pinipigilan ay kumawala rin. Tanging hagulgol na lamang ang nagawa ng binatang binulsa na lamang ang kamay at nakayukong naglakad palabas ng pook na iyon.

Pinuntahan niyang muli ang puntod ni Erik. Matagal tumigil doon ang binata, tulala, nakatingin sa malayo, at pagkatapos ay muling yuyuko. Balisa siya. Hindi niya alam kung saan tutungo, kung ano'ng gagawin. Nalipasan na ng gutom ang binatang hindi na nakapagpananghalian hanggang sa maalala niya ang isang pupuntahan nitong araw na ito, ang taong naging dahilan ng labis niyang pangungulila.

"Kamusta ka na, Tita?"

"Sino ka?"

"Hanggang ngayon ba wala ka pa ring maalala?"

"Do you know where Papa Damian is?"

Hanggang ngayon ay hindi maintindihan ni Errol ang nangyari sa kanyang tiyahin matapos ang kanilang pagtunggali mahigit isang taon na ang nakakalipas. Ayon sa psychiatrist na tumingin dito ay nag-regress ang babae dahil sa labis na trauma. Ang regression ay isa raw uri ng defense mechanism na ginagawa ng utak para takasan ang psychological trauma.

Enchanted Series 3: The Darkness WithinWhere stories live. Discover now