Chapter Thirty Two: Moving On

284K 4.8K 435
                                    

Chapter Thirty Two: Moving On

<Muriel POV>

Mabigat ang pakiramdam ko nang magising ng araw na iyon. Parang mayroong hindi magandang mangyayari na hindi ko mawari. O baka nagdadahilan lang ang katawan ko. As usual tinatamad na naman akong pumasok sa trabaho. Lagi na lang ako ganito tuwing umaga. Hirap na hirap akong bumangon at gustung-gusto ko pang matulog ulit.

Napadilat ako ng tumunog ang cellphone ko. Kinapa-kapa ko iyon sa ilalim ng unan ko. Pucha! Wala doon. Bumangon ako at isa-isa kong inangat mga nagkalat kong unan sa kama. Hindi ko pa rin makita. At habang tumatagal ay nakakarindi na sa tenga ang ringtone ko. Nag-panic tuloy ako ng wala sa oras.

Nasaan na ba iyon?

Nang bigla kong maisip na yumuko sa ilalim ng kama ko. There you are! Pero teka? Paano naman napunta roon ang cp ko?

Bago ko pa madampot ang cellphone ay huminto na iyon sa pagtunog. Nainip na siguro kung sinuman ang tumatawag.

Si Jared? Kung sabagay hindi ko na dapat ikagulat iyon. Dapat ay masanay na ako na palagi na lang siyang tumatawag sa akin. Ay hindi pala! Dapat pala ay masanay na ako na lagi na lang niya akong binubulabog tuwing umaga. Hindi ko na nga kailangang mag-alarm clock. Dahil siya na mismo ang wake-up call ko.

Bumaba na rin ako ng kama at dumiretso sa banyo. Pero napahinto ako ng mapatingin ako sa kalendaryong nakasabit sa dingding ng kuwarto ko. Eksaktong isang buwan na pala ang nakaraan magmula ng umalis ako ng Manila.

Napahugot ako ng malalim na paghinga. Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sariwa pa rin sa isipan ko ang mga nangyari ng gabing iyon. After that night, hindi ko na muling nakita si Riley. Kinaumagan ay umalis kaagad ako nang hindi man lang nagpaalam sa kanya. Mas mabuti na rin iyon. Baka kasi kapag pinigilan niya ako ay biglang magbago ang isip ko.

Bago ako umalis ay kinausap pa ako ni Mam Lorie. Humingi siya ng tawad sa akin dahil sa mga nangyari. At sinisisi niya ang sarili dahil siya raw ang puno't dulo ng lahat ng kaguluhan. Akala ko pa nga ay pipigilan niya ako. Pero sabi niya, hindi niya raw iyon gagawin basta mangako ako na hindi magre-resign sa kumpanya.

Sinundo ako ni Jared pagkatapos. Kumain muna kami sa labas bago ako umalis. Hindi naman niya ako pinigilan. Alam naman raw niya na hindi ako magpapapigil. Buong akala ko pa nga ay ihahatid niya ako sa airport. Pero ang loko, pinag-taxi na lang ako. Sabi pa niya, the last time I left siya raw ang naghatid sa akin. Bakit daw siya na naman? But I understand him. Alam ko na ayaw niyang makita na umalis ako at sigurado na mas lalo lang siyang malulungkot..

I left again with a broken heart. At aaminin ko na naging duwag ako. Bigla akong natakot sa mga sinabi ni Riley. Gusto kong paniwalaan ang mga sinabi niya. Pero ayokong lokohin ang sarili ko. Ayokong maging anino ni Samantha sa pagmamahal niya. Siguro nga ay tama si Samantha. Dahil sa bandang huli, mare-realize na lang ni Riley na ang dating kasintahan pa rin ang totoong mahal niya at hindi ako.

I tried to live my life as normal as before. I need to move on and let go of the past. Iniisip ko na lang na isang panaginip ang lahat ng mga nangyari. At hindi naman ako nabigo. Sa loob ng isang buwan ay trabaho-bahay, bahay-trabaho ang madalas kong routine. Kung minsan may night gimmick with some friends and officemates. At masasabi ko na okay na ako. Hindi pa siguro one hundred percent. But at least I'm trying. Hindi ko na nga siya gaanong naaalala at naiisip. Sapat na siguro ang mga sign na iyon na unti-unti na akong nakakabangon.

Invisible Girl  (Reprint under LIB) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon