Quince

4.7K 117 4
                                    

Quince.

"Anong sabi mo?", tanong ko ulit. Para akong natulala sa sinabi niya. Hindi ko ineexpect na magsasabi siya ng ganoong bagay ngayong gabi.

Hindi siya tumugon bagkus ay tumayo siya at naglakad palayo sa akin. Nagpunta siya malapit sa pinakabangin ng pinupuwestuhan namin. Pansin ko ang malalalim na buntong-hininga niya na sinundan pa ng paglagay niya ng kanyang kamay sa bandang balikat. Ilang ulit din siyang naglakad pabalik-balik na bakas ng pagiging balisa niya.

"Tumigil ka na sa ganyan mo.", sabi ko sa kanya sabay hawak sa kanyang bisig. "Tinanong ko lang kung ano ang sinabi mo kasi baka mali ako ng pagkakarinig."

Wala siyang kinibo pero isang halik na naman ang ginawa niya ngayon. Isang mas agresibong halik na pero nandoon pa rin ang pag-iingat. Pinatigil ko muna siya sa pamamagitan ng paghawak sa kanya at pagtulak ng konti palayo.

"Mahal kita.", sambit niya at kita ko na ang pamumula ng mata niya. Napapansin ko rin na dahan-dahan ng namamasa ang kanyang mga mata. He looks cute even when he's crying. Nakakatuwa lang talaga siya. Hinawakan ko ang mukha niya at pinunasan ang mata.

"Hindi ko sigurado kung anong nararamdaman ko para sa iyo pero masaya ako na nandyan ka.", sabi ko sa kanya habang hawak pa rin ang kanyang pisngi. Ngumiti ako at ginawa ang itsura ng isang taong parang may panggigil sa kanya.

Nang inalis ko ang kamay ko sa pisngi niya ay ipinanghawak ko naman ito sa kamay niya.

"Wala akong pwedeng ipangako sa iyo kasi hindi naman ako mabuting tao pero ang alam ko lang ay wala akong gagawin para saktan ka.", sambit ko sa kanya saka ako tumingala paharap sa langit. Ganon din ang ginawa niya, tumingin siya sa langit at pumikit na tila ba nagdarasal. Nang dumilat siya ay agad ko siyang tinanong kung ano ang ginawa niya.

"Nagdasal.", nakangiti niyang sabi. "Sabi sa akin ng Mama ko dati, ang mga mabubuting tao raw ay nagiging bituin sa langit. Tapos sa tuwing may isang mabuting tao raw na humihiling ay may isang bituin ang makakarinig at tutuparin ang hiling na iyon. Pinapakita raw sa atin ng mga bituin na tutuparin na ang hiling natin sa pamamagitan ng mga bulalakaw."

"Gaya nun?", pagturo ko sa bulalakaw na bumabagsak mula sa kalangitan.

"Oo! Ibig sabihin matutupad ang wish ko! Yahoo!", at habang sumisigaw siya ay sumasayaw pa siya dulot ng sobrang saya. Nakakatuwa siyang pagmasdan na para bang isang bata na napakaligalig kahit pa nga alam ko naman na mabigat ang dalahin niya ngayon. Sino ba ang mag-iisip na ang taong nasa harap ko ngayon ay namatayan ng tatay, may problema sa kapatid at may mga concern sa kumpanya na kailangang kaharapin.

Nang bumalik siya sa katinuan na kanina'y wala ay napansin niyang nakatingin ako sa kanya habang nakangiti. Kumunot ang noo niya at nagtanong, "bakit ka nakatitig? Hindi mo maresist ang charms ko 'no?"

"Charms your face."

"Bakit hindi ba ako charming?", pakunwaring tampo niyang sabi.

"Kung hindi ka charming ay malamang hindi mo ako kasama ngayon.", sambit ko at umalis na ako sa kinatatayuan ko at tumungo sa pinto ng kotse para buksan ito. Naisip ko kasing kailangan rin ng isang ito ng maayos na pahinga.

"So charming ba ako? Oo lang o hindi.", pangungulit niya sa akin. Ito iyong tipo ng pangungulit na nakakatuwa kaya nga napapangiti na lang ako sa ginagawa niya.

"Oo. Charming ka. Ok?", sambit ko sa kanya matapos kong hawakan ang kanyang mukha at inilapit ito sa mukha ko hanggang sa magtama ang mga ilong namin. Ngumiti kaming dalawa at para bang may kung anong kilig ang naramdaman ko sa ginawa naming iyon.

"Uuwi na ba tayo?", tanong niya sa akin.

"Ayaw mo pa ba?", tanong ko sa kanya.

Gaya ng lagi ay hindi siya tumugon bagkus ay yumakap lang siya sa akin. "Stargazing ulit?", bulong niya sa akin.

"Kahit ilang star gazing pa basta ikaw ang kasama.", nakangiti kong sabi sa kanya.

Bago kami bumalik sa pagtingin sa langit ay kinuha ko sa loob ng kotse ang kumot ko na lagi kong bitbit. Isinapin ko ito sa lapag at tinawag si Ernest para tumabi sa akin. Kapwa kami nakahiga habang unan-unan ang aming mga braso.

"Kung may babagsak na bulalakaw at matutupad ang wish mo kapag humiling ka, ano ang hihilingin mo?", tanong ko sa kanya.

Malalim kong inisip kung ano ba ang hihilingin. Medyo nahihirapan akong isipin kung ano pa nga ba ang kulang dahil sa masaya naman ako ngayon.

"Sa gabing katulad nito, ano pa ba ang mahihiling ko?", sambit ko sa kanya. Wala siyang tugon. Patuloy lang siyang tumingin sa langit tulad ko. Malamig ang hangin at sa pagtingin ko sa katabi ko ay may gumuhit na patak ng luha sa kanyang mga mata. Alam kong napakahirap sa kanya ng mga bagay. Kung kaya ko lang kunin ang sakit na meron sa kanya ay ginawa ko na pero dahil hindi, lumapit ako sa kanya at hinatak siya para yumakap sa akin.

Ginantihan niya ako ng pagyakap at isang halik sa noo ang ibinigay ko sa kanya. Magkayakap lang kami at walang salitang nasa pagitan naming dalawa ngunit sa puntong ito, pakiramdam ko ay iisa lang kami.

Kung maaari lang sanang hindi matapos ang gabing ito, hiniling ko na sa bulalakaw.

Hindi mahanap sa lupa ang pag-asa

Nakikiusap sa buwan

Himala

Kasalanan bang

Humingi ako sa langit ng

Isang himala?

Kasalanan bang

Humingi ako sa langit ng

Isang himala?

Hindi ko namalayan na nakatulog pala kami sa may damuhan dito sa may overlooking. Tiningnan ko ang aking orasan at alas-singko na ng umaga. Nakayakap pa rin sa akin si Ernest at nakaunan sa may dibdib ko. Mukha siyang batang inapi at well, ako lang naman ang kanyang magiting na tagapagtanggol.

"Sleeping beauty, bumangon ka na.", panggigising ko sa kanya na may kasama pang pagkalabit.

Hindi pa rin siya bumangon kaya pumitas ako ng damo at inilaro ito sa ilong at tainga niya.

"Mukhang tanga ka naman e. Antok pa ako o.", sambit niya sabay pakita niya ng mata niyang half-open at ng nguso niyang nakapout. Walastik sa pagpapaawa.

"Umuwi na muna tayo at doon ka na magpatuloy ng tulog sa bahay. Nga pala, anong oras ba ang libing ni Papa mo?", tanong ko sa kanya. Napansin kong napadilat siya bigla ng mata at parang namulat sa mga issues na kailangan niyang kaharapin ngayon.

"Dumiretso na lang tayo sa funeraria. Hindi ko pa kasi alam ang schedule.", pupungas-pungas niya pang sabi. Mabilis kaming bumangon at nilagay ko na lang ang hinigaan naming kumot sa trunk ng sasakyan.

Nang makasakay ako ay nakasakay na rin siya sa kotse. Hindi siya kumikibo kaya pakiramdam ko ay nag-aalala siya sa mga susunod na mangyayari. Nang tingnan ko siya ulit, nakita ko na lang na tulog pala siya at naghihilik pa. Natawa na lang ako at napailing ng ulo dahil bakas sa mukha nito ang pagkainosente.

Sinimulan ko na ang pagmamaneho at dahil wala namang traffic ay wala pang isang oras ang itinagal ng pagbyahe ko mula Antipolo patungong Araneta Ave. sa may Quezon City.

"Nandito na tayo sa funeraria", paggising ko kay Ernest. Mabilis naman siyang nagmulat ng mata at agad niyang hinawakan ang kamay ko.

"Mas kailangan kita today.", tapos ay ngumiti siya sa akin pero seryoso pa rin ang tingin. Tumugon lang ako ng ngiti sa kanya at niyaya ko na siyang bumaba sa sasakyan.

Nang makababa kami ng kotse ay isang babae ang sumalubong sa amin. Nakakrus ang mga braso nito na para bang naghahamon ng away. Pansin mo ang pagkainis sa itsura nito pero hindi ko alam kung bakit.

"I was waiting for you since last night. Saan ka ba galing?" sambit ng magandang babae kay Ernest. Matangkad ito at maputi ang kutis na parang lumalaklak ng glutathione. Kung tititigan silang dalawa ay masasabi mong bagay na bagay sila.

Nilapitan ni Ernest ang babae at hinawakan sa braso, "I was just out with my friend. Can we just talk inside, Babe?"

***itutuloy***

Kwento ni B (SPG boyxboy)Where stories live. Discover now