Chapter - 15

214 47 35
                                    

Emma

Impit akong napatili nang bumagsak ako sa malamig na tubig ng swimming pool sa bakuran ng mga Villanueva. Ganoon na lang ang aking pagkapahiya nang matuon ang pansin ng mga tao sa akin.

Sa halip naman na ma-guilty ay pinagtawanan pa ako nina Tonet. Pinaligiran ako ng mga ito habang nakahalukipkip at may ngisi sa labi.

“Tsk. Kahit sa swimming pool nina Pauline ay hindi ka bagay. Tingnan mo nga ang sarili mo!” ang mapangmatang saad ng babae na ikinatawa ng ilang kamag-aaral.

Naikuyom ko ang kamao. Sanay na ako sa pangbu-bully nila kaya balewala na sa akin ang ginawa ng mga ito. Kahit kailan ay hindi ko ipakikita ang aking kahinaan. Hinding-hindi ako iiyak kahit ano pa ang gawin nila sa akin.

“Iyan ang nababagay sa iyo, Emma. Layuan mo na si Pauline dahil hindi kayo bagay maging magkaibigan. Para ka lang basahan sa mamahaling porselana tuwing magkasama kayo!”

Nagngalit ang bagang ko sa narinig. Gusto kong sumagot ngunit tinimpi ko ang sarili. Sino ba ang nagsabing gusto kong maging kaibigan si Pauline? Ito ang dahilan kaya lalo akong binu-bully ng mga estudyante sa school.

Sawang-sawa na akong ikumpara sa dalaga! Pero dahil gusto kong makapagtapos ng pag-aaral ay tinitiis ko ang pakikipaglapit dito. Kahit ang totoo ay sukang-suka na ako sa pakikisama sa babae.

Alam kong kung ikukumpara kay Pauline ay isa lamang akong putik. Ni dulo ng buhok ko’y hindi maaaring ikumpara sa kanya. Ngunit gusto kong ipagsigawan sa lahat na hindi perpekto ang iniidolo nilang babae. Na tulad ng lahat ay marami rin itong kapalpakan. Na hindi totoo ang good girl image na ipinakikita nito sa mga tao.

Inosente at classy kung ilarawan si Pauline sa school namin. Pero bakit nagawa nitong makipag-make out sa estrangherong kakikila-kilala pa lang nito sa bar?

Lingid dito ay madalas ko na siyang subaybayan. Muntik ko na ngang mapaniwala ang sarili na matino ito. Ngunit walang ganoong tao. Kaya naghintay ako ng pagkakataong mapatunayan sa lahat na hindi puro ang kadalisayan ni Yana Pauline Villanueva.

Hanggang sa masaksikan ko nga ang nangyari sa Eco Bar. I was so shock at hindi halos makapaniwala nang makita ko itong may kasamang lalaki. Hindi ko man namukhaan ang binata ay batid kong hindi sila literal na magkakilala. Agad kong kinuhanan ng video ang nangyari.

Balak kong ipanood iyon sa mismong kaarawan ni Pauline, subalit dahil kay Freya ay naunsyami ang plano ko. Palagi na lang umaayon kay Pauline ang lahat at lalo ko lamang itong kinasusuklaman dahil doon.

Isa-isa kong tiningnan ang mga kamag-aaral na nakapaligid sa akin. Lahat ay may ngisi sa mga labi. Ang mga mata nila ay puro panlilibak ang nakalarawan. Kahit anong gawin ko ay ayaw nila sa akin dahil sa pagiging anak-mahirap ko.

“Wala ka bang balak umahon? Nagkakadumi na iyong pool, o!” sabi ng isang babae na hindi ko matandaan ang pangalan.

Lumangoy ako patungo sa gilid at nang iahon ko ang katawan ay may tumulak ulit sa akin dahilan para muli akong bumalik sa tubig. Sa pangalawang pagkakataon ay narinig ko ang tawanan ng mga ito. Halos maubo naman ako nang ilutang ang sarili.

Nang muli akong humawak sa gilid ng pool ay may umapak ng isa kong kamay. Napangiwi ako sa sakit subalit walang tinig na lumabas mula sa akin. Matalim na tingin ang ibinigay ko kay Tonet na siyang may ari ng sapatos.

“Anong nangyayari dito?!”

Natigilan ang lahat nang marinig ang baritonong boses. Nagkanya-kanyang alisan ang iba na halatang natakot sa bagong dating. Pagkuwa’y isang lalaki ang namataan kong lumalapit sa amin. Hindi lang basta lalaki. Gwapo at matikas na lalaki na may mga matang sing-itim ng gabi.

Until I Get Over YouWhere stories live. Discover now